"Manong, bayad o, sa Camp John Hay lang." Inabot ko ang pamasahe ng isang matandang babae na kakasakay lang.
Marami-raming mga pasahero ngayong araw dahil lunes. Agad napupuno ang jeep ko ng mga pasahero kaya naman galak na galak ako.
Naka-ilang ikot ako mula bayan hanggang sa Loakan para ihatid ang aking mga pasahero. Alas syete y medya na, huling trip ko na ito ngayong gabi.
Huminto ako sa gilid ng kalsada na katapat lang ng isang call center. Karamihan ng mga pasahero ko ay mga call center agents. Pansin koi yon sa mga suot pa lang nilang ID at sa galing nilang magsalita ng ingles.
Tumingin ako sa rear view mirror at nakitang puno na ang jeep ko. Pinaandar ko na agad din.
Sa mga ganitong oras, konti na lang ang bumabiyaheng jeep lalo na dito sa Loakan kaya mabilis ang pagpapatakbo ko.
"Manong, sa may UC po ako ha?" Tinig ng isang babae ang aking narinig. Tumango ako bilang sagot. Hindi pa nagbabayad ang isang 'to ah.
Ilang minute pa ang lumipas nang magsalita ulit ang babaeng nasa loob ng aking jeep.
"Manong, sa UC po ako."
"Oo, miss." Nainis na ako kaya sumagot na ako. Akala siguro nya'y hindi ko ihihinto sa may UC itong jeep. Dayo ba 'tong babaeng 'to? Mukha namang hindi dahil nakasuot siya ng simpleng puting blouse at pantalon. Dito kasi sa Baguio, madaling malaman kung sino ang dayo. Sila yung mga ang kakapal ng suot na damit. Kung sanay ka naman sa lamig dito, hindi ka magsusuot nang ganun.
Narinig kong tumikhim ang lalaking nasa tabi ko. Dalawa silang lalaki at ang isa ay tulog pa.
"Manong sa UC po ako bababa, please."
Muntik ko nang hampasin ang manibela dahil sa kulit nung babae. Nakaupo siya sa may gitnang parte ng kaliwang upuan. Mukhang nagsisiksikan sila doon kaya hindi siya mukhang komportableng nakaupo.
"Oo, miss, narinig ko."
"Estudyante po ako dun sa UC. Doon niyo po ako ibaba."
"Miss, ano ba?! Ni hindi ka pa nga nagbabayad!" Tumaas na talaga ang boses ko.
Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ng babae. Nakatitig lang siya sa akin.
"Para na, manong. Tsk!" Wala pa kami sa bayan at may pumara nang babae. Nagtataka nga ako, ang sama ng tingin sa akin nung babae. May ilan ding bumaba na rin. Nangalahati agad ang mga pasahero ko.
"May sayad yata."
"Malay ko."
Nagbulungan pa ang dalawang lalaking nasa tabi ko. Gising na rin kasi yung isa. Hindi ko na lang sila pinansin. Umandar ang jeep ko at nandoon pa rin yung makulit na babae. Tamang tama, malapit na kami sa University of Cordilleras na kanina pa niya binabanggit.
"Manong, ang sabi ko, ibaba mo ako sa UC!" Nagulat ako nang sumigaw na ang babaeng makulit. Itim na itim ang kanyang mga mata at naging maputlang maputla na siya. Nanlaki ang mga mata ko nang habang nagsasalita siya ay lumuwa ang kanyang bibig... Ang kaninang kalmado niyang mukha ay napalitan na ng nakakasindak na itsura.
"Manong!" Natigil ang aking panaginip nang may tumapik sa aking balikat.
"Puno na po yung jeep, hindi pa po ba tayo aalis?" Sabi nung call center agent na sumakay sa dulo ng upuan.
Napalingon ako sa aking mga katabi. Wala yung dalawang lalaki sa panaginip ko. Mag-syota yata ang dalawa. Ang mga call center agent na nakaupo sa loob ng jeep ay hindi pamilyar sa akin. Wala silang kamukha sa panaginip ko.
Napabuntong hininga na lang ako.
Kailangan ko na yatang magkape. Kung anu-ano nang napapanaginipan ko.
Kung sabagay, last trip ko naman na 'to. Uuwi na rin ako at makakapagpahinga.
Umandar na ang jeep ko paalis ng Loakan. Wala pang sampung minuto nang may pumara nang dalawang babae. May sumakay pang isang babae ngunit di ko na masyadong napansin dahil nakatingin ako sa aking relo. Mag-aalas otso na pala. Natagalan ako ngayon ah.
Tinatapik ko pa ang manibela ng aking hintuturo dahil maginhawa na ang pakiramdam ko. Laking pasasalamat ko na panaginip lang lahat ng nangyari kanina.
"Ma, bayad o. Sa UC po." Kinilabutan ako nang makita ang babaeng kapareho ng nasa panaginip ko, parehong pareho ng ayos at suot.
"Aaaaaaaahhhhh!!!"
Sa sobrang bilis ng pangyayari, hindi ko namalayan ang paparating na truck sa kalsada at biglang bumunggo ang aking jeep.