Reminder: Ihanda niyo ang sarili niyo sa matinding emosyon. :D
Pasensya na sa sobrang tagal ng update.
***************************************************************************************************************
Matinding poot ang naramdaman ko dahil sa aking mga narinig. Nagdilim na rin ang aking paningin dahil dun.
"Walangya ka! Hindi kita mapapatawad! Papatayin kitaaaa!"
Sumugod ako gamit ang maikling punyal na hawak ko. Wala na akong pakialam sa maaari kong sasapitin. Ang tanging nasa isip ko lang ngayon ay paslangin ang taong sumira sa pangarap na binuo ko!
Habang lumalapit ako sa kanya, nakita ko pa ang pagngisi niya na lalong nagpatindi ng galit ko. Pero isang dipa na lang naman makakamit ko na ang tagumpay kaya magsaya na siya.
Inihanda ko ang punyal na hawak ko pagkatapos ay ipinukol iyon sa dibdib ni Nathaniel. Nakita ko ang pagbaon niyon kaya namuo ang saya loob ko.
Sa wakas naipaghiganti ko na si Ianne! Mawawala na ang bampirang ito na nagdala sa kanya sa kadiliman. Maaari na kaming magkasama muli!
Pero hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari. Narinig ko na lang ang palahaw na pagtawa ng hayop na bampirang kaharap ko ngayon. Pagkatapos ay biglang uminit ang punyal na hawak ko kaya agad ko iyong nabitawan. Kasunod niyon ay nakaramdam ako ng matinding kirot sa kanang bahagi ng balikat ko. Doon ko lang napansin na nakatarak ang matutulis na kamay ng kung sino mula sa likuran ko.
"Aaah-!"
Nagtalsikan ang dugo ko nang marahas na hinugot ang kamay sa balikat ko. Napadapa ako sa damuhan. Para akong naubusan ng lakas sa kalunos-lunos na sinapit ng balikat ko. Butas iyon at walang tingil sa pagtagas ng dugo.
"Magaling ang ginawa mo, aking Prinsesa! Hindi talaga ako nagkamali sa pagpili ko sayo." nangaasar pang sabi ni Nathaniel.
Hindi ako naniniwala sa sinabi niya. Isa siyang hunghang! Alam kong hindi magagawa sakin ni Ianne ang saktan ako kahit wala siya ngayon sa katinuan.
Kahit mahirap ay pinilit ko pa ring itiyaya ang katawan ko para lang masulyapan ang mahal ko. "I-ianne, mahal ko, alam kong hindi mo sakin magagawa ang sinabi ng hangal na to!" hirap kong sigaw.
Pero nabigla na lang ako nang makita ko ang kamay niya na nanlilimahid sa dugo. Ngayon ko lang napagtanto na ang dugong iyon ay mula sa katawan ko.
"N-nagbago ka na ba talaga, I-ianne?"
Napansin ko ang pagpitlag niya nang sabihin ko yun. Nakita ko pa ang panginginig ng kamay niya dahil sa nagkalat na dugo sa katawan niya. Para siyang wala sa sarili.
Pero buo pa rin ang paniniwala ko na wala siyang intensyon sa nangyari. Sigurado akong may ginawa si Nathaniel kaya nagawa niya sakin to. Ramdam kong hindi pa rin ako nabubura sa alaala niya hanggang ngayon.
"Hahahaha! Ganyan ang sinasapit ng walang kwentang tao na tulad mo. Sinayang mo lang kasi yung pagkakataon ibinigay ko sayo. Siguro nagsisisi ka na ngayon, na sana hindi mo na lang siya hinanap dahil kahit kailan hindi na siya ulit magiging iyo!" pangungutya sakin ni Nathaniel gamit ang isip. "At ngayon, kumusta na ang pakiramdam matapos kang saksakin ng dati mong nobya? Hahaha! Mas masakit pa rin sa pakiramdam kapag ang mahal mo mismo ang kikitil sa buhay mo. At iyon ang ipaparamdam ko sayo!"
Hindi ko pinansin ang mga sinabi niya. Pero para bang bawat salitang narinig ko ay parang punyal na unti-unting bumabaon sa puso ko.
Tama siya, natalo ako sa sarili kong laro. Nilamon ako ng paghihiganti sa nangyari sa pagsasama namin ni Ianne kaya ganito ang sinapit ko ngayon.
Para bang naulit muli yung tagpo nung mawala sakin si Ianne. Bumalik ulit sa alaala ko yung mga nagkalat na dugo sa katawan niya. Yung paulit ulit niyang pagtawag sakin ng 'mahal ko' kahit nahihirapan na siya. Kalo na yung huling luha na pumatak sa mata niya bago maubusan ng hininga.
Ngunit nagkapalit na ang kapalaran namin ngayon. Ako na ang naliligo ngayon sa sarili kong dugo. Ako na ang nahihirapan ngayon dahil sa matinding sakit. Yung tipong kahit paulit ulitin ko pang isigaw ang katagang 'mahal ko' ay alam kong walang tutugon. Dahil mag-isa na lang ako ngayon at naghihintay na lang na sumapit ang katapusan ko.
"Lord Nathaniel, kailangan na po nating makaalis. Malapit na pong sumikat ang araw." wika sa kanya ng tapat niyang knight na si Cloud. Kalapit na nito si Ianne na kasalukuyan ngayong nakatulala.
Nilampasan ako ni Nathaniel at nakangising niyakap patalikod si Ianne. Nagsikip naman ang dibdib ko matapos nitong halikan ang labi ng mahal ko. Ipinakita pa talaga sakin iyon ng harap harapan.
Nakakaasar! Wala akong magawa para pigilan ito sa paglapastangan sa mahal ko.
Napakalmot na lang ako sa lupa para doon ilabas ang kasawiang nadarama ko. Parang gusto ko ng mamatay na lang kesa masilayan na may humahawak sa anumang parte ng katawan ni Ianne.
"Pabaon ko yan sayo bago ka pumunta sa kabilang buhay. Iyon ang laging magpapaalala sayo na wala kang kwentang nilalang!" sabi ni Nathaniel sa isip ko.
Inakbayan na niya si Ianne na parang wala pa rin sa sarili. "Tara na, Cloud. Pagdating natin sa palasyo ay ipahanda mo sa mayordona ang silid namin ng aking Prinsesa. May ipagdiriwang kami mamaya doon." nakangisi nitong utos sa knight niya pero sa akin siya nakatingin.
Yumukod naman si Cloud. "Masusunod, Lord Nathaniel. Pero ano pong gagawin natin sa mortal na yan?" tanong nito.
"Hahayaan lang natin siya diyan. Ilang sandali nalang ay mawawalan na rin siya ng buhay. Isa pa, napakaraming mababangis na hayop sa kagubatang ito kaya sigurado akong hindi na siya sisikatan pa ng araw."
Hindi na sumagot pa si Cloud at napansin ko ang dahan-dahan nilang pagtalikod sakin. At sa huling pagkakataon, nagtama ang mata namin ni Ianne. Napakasaya ko dahil nasilayan ko ulit ang tunay na kulay ng mata niya hanggang sa tuluyan na silang naglaho.
Ibinagsak ko sa damuhan ang katawan ko matapos niyon. Nakatingala lang ako sa madilim na kalangitan. Parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ko matapos kong makita ulit ang pagmamahal sa mata niya hanggang sa huli.
"Aaaahh~"
Namilipit ako sa sakit nang biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Unti-unti na ring nanlalabo ang paningin ko dahil sa dami ng dugo na nawala sa katawan ko. Ito na nga siguro ang katapusan ko.
"P-patuloy pa rin kitang mamahalin, I-ianne kahit pa sa kabilang buhay-"
Idinipa ko ang mga braso ko at nilasap sa huling pagkakataon ang pakiramdam na nakasandal sa mundo.
Naramdaman ko na ang pagkawala ng hangin at dugo sa katawan ko kaya dahandahan ko ng ipinikit ang mata ko. Tanggap ko na, na hanggang dito nalang ang kapalaran ko at hindi ko na kailanman makakasama pa si Ianne.
Pero bago ko pa tuluyang mawala ang paningin ay may nahagip ang mata ko na nakatunghay sakin na kung sino.