Silip (One-shot)

664 59 40
                                    


     Palubog na ang araw nang mapatingin ako sa labas. Natatabunan ng kahel na ulap ang ingay na nagmumula sa loob ng aming silid-aralan. Hindi ko maiwasang mamahangha sa kung ano ang nakikita ko ngayon. Bibihira lamang itong mangyari kung kaya't hindi ko namalayan ang aking mga matang mapatitig dito. Nagitla ako sa biglaang pagkalabit ng aking katabi. Kumunot ang noo ko. Ano bang problema nito?

"Karina! Kanina pa kita tinatawag! Tulala ka na naman d'yan. 'Di mo tuloy napakinggan kung ano iyong project na ipapagawa sa atin ni ma'am! Bukas ang pasahan no'n. Bukas. Tayong lima nalang nina Cynthia ang magkagrupo para 'di na tayo magulo. Magdala ka na lang ng mga dyaryo at tansan para magamit natin mamaya. Sa bahay nalang namin tayo gumawa dahil alam mo na, bawal ako sa gabing magpagala-gala. Paalam ka na lang sa inyo na baka gabihin kayo ng uwi ah," tuloy-tuloy na sambit ni Kaye.


     Sa haba ba naman ng sinabi niya pwede ko pa ba 'yong makalimutan? Tss. Bakit ba kasi kailangan pang gumamit ng recyclable materials para sa mga project? Mas mahirap pa ngang maghanap ng mga gano'ng bagay kaysa sa mga gamit na nabibili  naman sa tindahan ng school supplies. Pahirap talaga.




     Ngayon ko lang napansin na kami na lang ni Kaye at ng mga cleaners ang naiwan sa loob ng classroom. Niligpit niya ang kanyang mga gamit at nilagay sa kanyang maliit na shoulder bag. Lumabas na siya at nag-iwan ng isang matamis na ngiti. Weird. Napansin kaya ni ma'am na nakatulala ako at hindi man lang nakuhang bumati ng paalam sa kanya? Ayoko pa namang napapansin ng mga teachers. Bahala na.





     Ilang minuto ang lumipas, lumabas na rin ako sa classroom. Uuwi muna ako para kunin ang pinapadala ni Kaye sa akin. Sana meron no'n sa bahay. Naglakad ako pauwi sa amin dahil anim na kanto lang naman ang layo ng bahay namin mula dito. Nakita ko pa sila Kaye kasama ng iba pa naming kagrupo pauwi sa kani-kanilang bahay. Nang makauwi ako, nakita ko agad si Nanay na nagluluto ng hapunan. Balak ko sanang dumeretso na agad sa kwarto para makapagbihis pero tinawag niya ako.

" 'Nak, nakita mo ba sa labas ang kapatid mo? Sabihan mo na pumasok na dito't maggagabi na. Kanina pa 'yon naglalaro doon."

"Nanay, wala sa labas si Jr. Baka gumala na naman kung saan 'yon," mabilis kong sagot. "At saka 'nay, hindi nga pala 'ko dito kakain ng hapunan. May gagawin kaming project sa bahay ng classmate ko. Baka gabihin na rin kami dahil bukas na ang pasahan no'n. Nasaan nga pala 'yong mga dyaryo at tansan natin nay?" dugtong ko pa habang diretsong nakatingin sa kaniya.

"Basta mag-iingat ka Karina. I-text mo na lang ako kung pauwi ka na. Nandoon pa yata iyong mga dyaryo sa likod ng bahay. Kunin mo na lang doon at magbihis ka na," anito. Dali-dali naman akong pumunta sa aking kwarto at nagsuot ng isang simpleng puting t-shirt at isang shorts na hanggang tuhod. Pinusod ko ang mahaba kong kulot na buhok at pumunta sa likod ng bahay para kunin ang aking hinahanap. Nang makuha ko na ito, isinilid ko ito sa isang supot at nagpaalam kay nanay na aalis na. Tumango ito bilang tugon. Sumakay ako sa tricycle at tumuloy patungo kayla Kaye.

"Sa wakas! Makakagawa na tayo! Ang tagal mo namang dumating Karina? Kanina pa dumating sila Cynthia dito at ikaw na lang ang hinihintay. Ang bagal mo talagang kumilos kahit kailan," malakas na sabi ni Kaye matapos kong sumigaw sa tapat ng bahay nila. Kasalanan ko bang mapahinto sumandali dahil sa pagtingin sa paglubog ng araw? Hay. Ano bang meron doon at napapatitig ako.






     Matapos kong pumasok sa loob ng bahay nila ay nagsimula na kami agad sa paggawa. 'Di tulad sa ibang pangkatang gawain na inuna pa ang pagkukwentuhan, binuo na agad namin ang aming konsepto para mabilis itong matapos. Isang scrapbook ang ipinagawa sa amin. Wala na kaming oras para maghuntahan dahil "rush" na itong binigay ng aming guro. Noong mag-aalasais na nang gabi, pinakain muna kami ng mama ni Kaye ng hapunan. Isang simpleng hapunan para sa aming lahat.








SilipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon