Nakatunganga si Karissa sa canvas na kanina pa niya pinipinta dahil maaga niyang sinimulan ang kaniyang assignment dahil hindi katulad ng kaniyang mga kamag-aral, hindi siya gifted at naturally talented. Isa lang siyang weeb na walang balak kumuha ng kursong mahirap kaya't nagpasya siya na kumuha ng arts.
"Sh*t" bigkas niya habang ikinukuskos ang brush sa magaspang na papel. Inis na inis siya sa kanyang sarili dahil hindi niya makuha-kuha kung papano ang paghalo ng kulay at kung papano bubuhayin ang kaniyang gawa.
Ang obra niyang "Apollo meets Daphne" kung saan ang nymph na si Daphne ay mas pinili pang maging isang puno kesa mahalin si Apollo, ay isang tragic na istorya katulad ng piece at buhay niya. Madungis ang pagkakakulay dito at bara-bara. Parang putik na nanlilimahid ang pagkakakulay niya sa puno habang ang mga dahon naman nito ay kulay berde ngunit parang lanta na kaagad ang mga ito.
Ilang minuto na siya sa art room at gustong-gusto na niyang baliin ang paint brush na hawak niya.
"Wag, mahal to. Bili to ni Mommy. Magagalit yun," ilang ulit niya itong sinabi para mapigilan ang kanyang sarili.
Makaraan ang ilan pang minute ng pagtunganga, pinunit niya ang kanyang gawa at inilukot na parang lahat ng galit niya sa mundo ay ibinuhos niya dito. Pagtapon niya nito sa basurahan ay, lumabas na rin ang tinatago niyang salita sa kanyang labi, "Ahh! F*ck this life! Mag-a-abroad na lang ako".
Inihilig niya ang kanyang likod sa upuan at ginulo ang mahaba niyang buhok. Kinuha niya ang panali mula sa kanyang kanang braso at binugkos ang kanyang buhok. Minasahe niya rin ang templo ng kanyang utak at nagbakasakali na makikipagtulungan ito sa kanya.
Narinig niyang bumukas ang pintuan sa art room at may lalaking sumilip dito.
"Nowhere to sleep?" tanong ng lalaking may mahabang buhok at makapal na kilay. Mapungay rin ang mga mata nito na nakatago sa kaniyang salamin. Nang pumasok ito sa silid ay kapansin-pansin ang magandang hubog ng katawan nito na bumagay sa makinis niyang kutis.
Umayos si Karissa ng upo at hindi kumibo. Agad siyang naglatag ng isa pang papel at mabilis na ginuhit ang "Apollo meets Daphne".
Sa kabilang banda, tahimik lang na umupo ang lalaki sa tabi at naghalungkat ng mga lumang art piece na nakatago sa doon.
Pagkatapos magdrawing ni Karissa ay mangiyak-ngiyak ito dahil hahawakan nanaman niya ang sinusumpa niyang paint brush.
"Magaling ka palang magdrawing," bati ng lalaki sa kanya, na ngayo'y nakatayo sa kanyang likuran.
"Marunong lang po," depensa niya. Totoo naman na may kakayahan siyang gumuhit. Ilang sketchpad din ang napuno niya sa bahay bago pa siya mag enroll sa kolehiyo. Ngunit kung gano siya kagaling dito ay ganun naman kapangit ang kanyang pagkulay.
"Sorry, nadidistract ba kita?" tanong nito sa kanya.
"Hindi naman po," sagot niya.
A lie.
Sa unang segundo pa lang na masilayan niya ang lalaki ay nabighani na kagad siya dito ngunit mas pinili niya na manahimik dahil mahiyain siya at hindi niya kakayanin na makipagtitigan o makipag usap man lang dito. Iniisip din niya ang posibilidad na baka instructor ang lalaki na iyon sa university nila kaya ayaw niya magbigay ng masamang impression.
"Nakasimangot ka kasi," asar sa kanya ng lalaki at umupo ito sa tabi niya.
"Alam mo nung una, nahirapan din ako sa pagkukulay," kwento nito, at doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.
Nalaman niya na Aga pala ang pangalan dito dahil malaki ang paghanga ng nanay nito sa artistang si Aga Mulach. Nang malaman niya ito ay nakita rin niya ang pagkakahawig ng dalawa dahil kagaya ng artistang si Aga ay makapal din ang kilay nito at may malalalim na dimples. Ngunit bukod doon ay wala na siyang pinagkapareha sa artista. Maliban sa kabaitan nito gawa ng pagturo sa kanya ng tamang paraan ng pagkukulay ay wala nang iba pang nakakatuwa sa ugali nito. Bugnutin ang binata at palaasar at mahangin pa sa hanging habagat ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin mapigilan ni Karissa ang paghanga sa binata pati na rin ang pagkahulog ng loob niya rito.
Matapos matanggap ang mataas na marka mula sa kanyang professor dahil sa kanyang obrang "Apollo Meets Daphne," sobrang laki ng kanyang pasasalamat sa higher year na si Aga dahil hindi lang siya nito tinuruan magkulay kundi binigyan din nito ng kulay ang kanyang buhay. As cheesy as it sounds pero ganon talaga kung papano isipin ni Karissa kung ano si Aga sa kaniya; para sa kanya ay kagagawan ni kupido kung bakit sila nagkita nung araw na iyon, kung bakit hindi siya marunong magkulay at kung bakit yun ang forte ni Aga. Para sa kanya ay isang magandang intro ito ng kanilang love story.
Kagaya ng istorya sa kanyang obra, hindi tinanggap ni Aga ang kaniyang pag-ibig dahil para sa binata, ang pag-ibig ay abstract at wala siyang maiibibigay na interprasyon dito. Ipinaliwanag sa kanya ng binata na wala siyang kakayahan na makadama ng paghanga o pagkagusto sa kung sino man in a romantic sense at kung idescribe niya ito ay parang meron siyang parehong blessing and a curse.
Nagpasalamat pa rin sa kanya ang binata at nangakong lagi pa rin niyang tuturuan si Karissa at ipagpapatuloy pa rin ang kanilang pagkakaibigan. Ngunit inilinaw din nito na mananatili siya sa kanyang vow na maging celibate hanggang sa kanyang pagtanda.
Hanggang ngayon ay nagsisi pa rin si Karissa kung bakit si Apollo at si Daphne ang pinili niya para sa kanyang proyekto, dahil kagaya ng bida sa myth na iyon, hindi pa rin mawala-wala ang pagtingin niya kay Aga.
- fin -
BINABASA MO ANG
SHORTIES
Short StoryCollection of my one-shot stories, more or less than 1000 words. Basahin niyo naman parang-awa niyo na :)