Kung sa tingin mo'y wala ka nang natitira pang pag-asa, bakit hindi mo tignan ang mga bagay-bagay na nakapalibot sa iyong kapiligiran?

Bakit hindi mo tignan ang isang walang buhay na nakahimlay sa isang puting kulungan, nakangiti ngunit balot na balot ng kalungkutan ang silid na kanyang pinaroroonan? Ang taong yao'y wala nang hininga, wala nang pag-asa pa, wala nang magagawa pa kung'di magpakailanma'y humiga sa kanlungan ng iba pang mga patay.

Bakit hindi mo tignan ang isang nag-aagaw buhay na sinusuportahan ng iba't ibang kagamitang pampapadagdag buhay, nagdurusa sa isang kasakitang hindi niya inaakalang magkakaroon siya? Doon sa puting silid ay makikita mo ang bawat gamot na kanyang nilalaklak araw-gabi. Karamay niya ang mga masusugid na taga-bantay at taga-salba ng buhay.

Bakit hindi mo tignan ang mga paslit at palaboy-laboy na tao sa lansangan, na nagkukumahog na ipagbili ang lipon ng mga sampaguita? Katiting na barya lamang ay sapat na para maipang-ahon nila sa isang sikmurang kumakalam kahapon pa. Isang maswerteng araw siguro sa kanila ang makatanggap ng salaping aabot sa isang daan.

Bakit hindi mo tignan ang isang suspek na napagkamalan lamang na kriminal at mamamatay tao? Wala na siyang pag-asa pa. Maaaring mamatay siya nang dahil doon, o kaya nama'y makulong nang habang buhay sa nabubulok na sistema ng ating lipunan. Hindi man niya makamit ang hustisya, alam niya sa puso niyang malinis ang intensyon niya.

Muli, ikaw ay aking tatanungin, bakit hindi mo pansinin ang mga hindi kapansin-pansin—ang mga mumunti ngunit mas malakas pa sa atin?

Adelicia's FictionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon