Sana magandang nilalang ako. Sana payat ako. Sana makinis ako. Sana matangos ang ilong ko. Sana maganda ang kulay ng buhok ko. Sana marunong ako kumanta. Sana marunong ako sumayaw. Sana marunong ako magluto. Sana nasa tama ako. Sana marunong akong tumugtog ng instrumento. Sana marunong akong magmaneho. Sana may kalayaan ako.
Para sana sa pagkakataong magkita tayo, makitaan mo ko ng bagay na hindi ko ikakahiya. Sana handa na ako. Sana perpekto ako at kayang makipagsabayan sayo. Sana nakalabas ako ng bahay noong nagpaulan ang diyos ng talento at kagandahan para may maipagmalaki ako sayo. Subalit noong tayo'y magtagpo parang hindi simula ang naramdaman ko, dahil nasa dulo na agad tayo ng kwento nating ang tagal kong binuo.