Chapter Thirty-Nine- Plans, People and Preparations

1.2K 55 18
                                    

Chapter Thirty-Nine

Plans, People and Preparations


NAPAG-ALAMAN ni Queen Diamond na nakaalis na sina Evan at Erwan. Sa umaga ding iyon ay pinulong niya ang mga pinuno ng bawat pamilya upang ipaalam sa mga ito ang gusto niyang mangyari bukas sa kabilugan ng buwan. Nagulat ang mga ito sa balak niyang mangyari pero wala siyang balak mag-iba ng isip. Nang umalis ang mga pinuno ng mga pamilya ay parang naguguluhan at nababahala pa rin ang mga ito.

"Sigurado ka ba sa gusto mong mangyari?" tanong ni Carissa nang sila na lamang ang maiwan sa silid.

"Bakit? Mukha ba akong nagdadalawang-isip sa plano ko?"

"Hindi pero hindi ako sigurado kung mabibitag mo ang kalaban sa plano mo."

"Hindi ko siya mabibitag kung may isa sa mga narito kanina ang magtraidor sa angkan," aniya saka tumitig sa tiyahin.

"Sinasabi mo bang ako ang traidor ng angkan?" nakaigkas ang kilay na tanong nito.

"Ideya mo 'yan, hindi akin."

"Wala akong kinalaman sa mga nangyayari sa bayang ito, Muñeca, bagamat aaminin ko na noong una ay gusto ko ngang mahirapan ka sa pamumuno. Isang malaking insulto para sa akin na mas pinili ni Mama na mag-botasyon kesa ako ang maging kapalit niya. Lalo pa no'ng pinasiklab ang galit ko sa inyong ina," seryoso at naiinis nitong litanya. "Pero nang mangyari ang pag-atake sa Villa Contreras at dahil sa nangyari sa mga apo ni Carmela, batid kong iba na ang nangyayari at may sumisira sa angkan."

"Mula ng maging matriarca ng angkan na ito si Abuela Consuelo ay sira na ang angkan na ito. Pinamunuan ba naman ng isang psychotic."

"Ano ang sinasabi mo?" nagtataka nitong tanong. Natigilan siya. Mukhang walang alam ang tiyahin niya sa mga krimeng ginawa ng ina nito.

"Wala."

"Ano sa tingin mo ang sasabihin ng iyong ina kapag nakita ang ginagawa mo?"

"Sasabihin niyang 'wag akong magtitiwala sa mga tiyahin ko."

Ngumiti ito ng pauyam. "Hindi ka nga naiiba sa iyong ina. Pareho kayong walang pinakikinggan. Pareho kayong matigas ang ulo. Hindi ko na ipinagtataka kung mamuhay ka ng mag-isa. Kung sa bagay, mag-isa ka na nga pala ngayon."

"Mag-isa ako dahil ayokong madamay ang pamilya ko sa gulong sinumulan ng ina mo. Mas gugustuhin ko 'yon kesa mag-isa ako dahil itinaboy ko lahat ng mga mahal ko para lang iligtas ang sarili ko sa kahihiyan."

"Ginawa ko ang nararapat at naaayon sa batas ng angkan."

"Batas ng angkan? Saan dinala ng mga batas na iyon ang angkan na ito? Ilang anak na ba ang nawalan ng magulang at mga magulang na nawalan ng anak dahil lang sa mga walang kwentang batas na 'yan?"

"Dahil din sa mga walang kwentang batas na sinasabi mo kaya nananatiling lihim ang sumpa ng angkan na ito," paalala ni Carissa.

"Sa kasamaang-palad, walang kinikilalang anumang batas ang kalaban natin. Uubusin nila tayo. Pati mga inosente ay idadamay nila. Hindi rin sila kumikilala ng kadugo kaya sabihin mo, Tia Carissa, paano tayo matutulungan ng mga batas na iyan ngayon?" aniya. Hindi ito nakasagot. "Ang nag-iisang dahilan kaya ako nananatili rito ay dahil hawak nila si Ezra pero kung wala iyon, hahayaan ko ang angkan na ito na mawasak. Wala akong pakialam kung solohin niyo lahat ng problema rito. Kung wala ang mga nakakasulasok na mga batas na pinapatupad ninyo, buhay pa sana hanggang ngayon ang papa at mama ko. Buhay pa rin sana sina Prima Ingrid, Angelina at Nathalia. Ang angkan na ito ang unang pumatay sa mga sariling kadugo natin tapos magtataka ka kung bakit may ganito tayong senaryo ngayon?" litanya niya saka napailing. "Gawin niyo na lang ang gusto kong mangyari at kung hindi niyo man sundin ay ayos lang din. Malaya kang makakaalis sa bayang ito at iligtas ang sarili mo. Diyan kayo magaling, ang iligtas ang mga sarili ninyo," aniya saka ito iniwan. Nagpupuyos pa rin ang kanyang damdamin.

Symphonian Curse 9: Queen DiamondTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon