Literatura sa Internet, basura nga ba?

468 14 1
                                    

Tonight, I just want to share with you all the article I just read at gmanetwork.com.

--

Dahil sa paglaganap ng teknolohiya, nabibigyan ng kakayahan ang mga ordinaryong tao na ilathala sa Internet ang kahit ano nilang naisin, kabilang na ang mga gawang "literatura" umano.

Ngunit para sa manunulat at guro na si Joel Toledo, nakakadismaya ang instant publishing ng mga gawang tula, kwento, dula o iba pang panulat sa Internet. Sa tingin niya, hindi lahat ng mga ito ay karapat-dapat na mailabas sa publiko.

Sa nakaraang Philippine PEN (poets, essayists, and novelists) congress noong Disyembre, sinabi ni Toledo na kasabay sa pag-unlad ng teknolohiya, nababale-wala umano ang ilang mga nakasanayang tradisyon ng ilang alagad ng sining. Kabilang na rito ang pagpapahalaga sa kalidad ng mga inilalathalang likha.

"Bottom line is, anything we do, we cannot rush into it. We cannot bum rush the doors and say it's literary. Look around, look at the people around you, and what they can contribute to your long walk. And if it's not yet literary, then take it as it is and look for more affirmation from people or from the books you read."

'More damage than good'

Taliwas naman ang paniniwala ni Rony Diaz, isa sa mga batikang manunulat sa Pilipinas. Para sa kanya, malawak na konsepto ang literatura at dapat umano mabigyang kalayaan ang mga manunulat na gumawa ng kanilang mga obra sa paraan na kanilang ninanais.

Aniya, hindi dapat limitado ang isang artist na sundin ang paniniwala o kinasanayan ng kanyang mga gabay sa sining.

Kwento ni Diaz sa isang writing class na kanyang dinaluhan, nadismaya umano ang kanyang mga kasamahan sa iginiit ng kanilang guro na iisa lamang umano ang paraan ng pagsagawa ng obra. Aniya, “In the writing classes that I attended as a participant, many of those who attended his workshops were turned off by his insistence on craft and the connection between words, meanings, and structures. And many of my classmates stopped writing because of that experience.”

Dagdag niya, “Now, the question I'm asking is: will academic discipline be conducive to the production of more literature or will it be a hindrance for young writers?”

Para kay Diaz, ang literatura ay hindi dapat nahahaluan ng impluwensya ng ibang mga tao. Dapat umano magmula ito sa sariling kaisipan.

Literatura mula sa masa

Sa paniniwala naman ni Ricky Soler, sikat na manunulat at publisher, mahalaga ang mga guro upang magbigay inspirasyon at gabay lalo na sa mga mahihirap na kabataan. “Teachers should inspire the poor,” ayon sa kanya.

“They are condemned to believe that, where they are, they will stay there,” pahayag ni Soler. Wala umanong interes ang masa sa paglikha ng literatura sapagkat karamihan sa kanila ay hindi pa napapakilala sa konseptong ito. Ngunit sa pamamagitan ng tulong at gabay ng mga guro, maaaring mapukaw ang isipan ng mga karaniwang tao upang masimulan ang paglikha.

Hindi sang-ayon dito si Malou Jacob, founding president ng Women Playwrights International Philippines Ayon sa kanya, hindi balakid ang kahirapan o kakulangan sa training upang lumikha ng mahuhusay na sining.

“I think the best poetry comes from the masses. UNESCO, for example, declared two Filipino epics, the Hudhud and Darangen, [as cultural treasures]. The Darangen comes from the masa, the Hudhud comes from Cordillera's indigenous people.”

Ang UNESCO o United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ay nagtataguyod ng mga likhang sining sa buong mundo.

Ayon sa website ng National Commission for Culture and the Arts, noong Marso 18, 2001, binigyang parangal ng UNESCO ang mga Ifugao sa northern Luzon sa kanilang Hudhud chants. Kabilang ito sa anim na pinarangalan sa Asya.

Kinilala naman ng UNESCO noong Nobyembre 25, 2005 ang Maranao epic chant ng Darangen. Iprinoklema itong Philippine Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity.

Literatura at social media

Payo ni Toledo, maaaring gamitin ang mga networking tools sa Internet tulad ng Twitter at Facebook upang mapabuti ang likha. Aniya, “There is a way of manipulating social media so that you could get workshops online by certain people we respect.” Dahil dito, wala umanong rason na madaliin ang paglabas ng mga gawang obra.

Dagdag niya, "Whenever I write a draft of a poem, I would post it on Facebook and tag a few friends, whose opinion I respect. What they would do, they will say their opinion on the poem and so the poem on Facebook will be like a morphing creature, until I come to a point when I'm satisfied then I untag everyone and set the private setting to myself. In that sense, I don't impose on people's walls my poems. At the same time, I get a little bit of feedback.”

Kasabay sa pag-unlad ng teknolohiya, nararapat lamang na umangat din ang kalidad ng literatura. Hindi ito dapat maging hadlang sa paglabas ng mga mahuhusay na obra. Sa halip, maaaring maging instrumento ang Internet sa paglikom ng gabay mula sa mga mahuhusay na manunulat.

Ang mahalaga, dapat tandaan na hindi paligsahan ng bilis sa paglalathala ng mga gawa ang nagpapatunay sa galing ng isang artist. Mas angat pa rin ang mga obrang pinagsikapan at mayroong mataas na kalidad. – YA, GMA News

--

Link to the article: http://www.gmanetwork.com/news/story/247145/ulatfilipino/talakayan/literatura-sa-internet-basura-nga-ba

What are your thoughts about this? Comments, ideas, violent reactions? Talaga nga bang basura ang mga istorya na inilalathala sa internet? Bakit mo nasabi?

TARA, SULAT TAYO! (WRITING101)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon