Minsan sa iyong buhay ay makakaramdam ka ng sobrang kasiyahan. Hindi dahil sa mga ordinaryong takbo ng iyong buhay kundi sa mga pagbabagong hindi mo inaasahan, makakaramdam ka ng kakaibang takbo sa balanse mong mundo.
Panibagong araw na naman para sa mga estudyante. Mahirap gumising sa umaga ngunit kinakailangan, kahit pa mugto ang mga mata sa buong gabing pagsusunog ng kilay. Buong araw ka na ngang babad sa maghapong talakayan pero may bonus pa rin na home works at projects. Pinakaayaw mo ang pumapasok sa eskwelahan, dahil para sa iyo ang bawat araw dito ay boring. Ngunit iyon ang inaakala mo.
Sa isang pagkakataon, kahit pilit mong pigilan, kusa itong mangyayari. Totoong lahat ng kababaihan sa inyong eskwelahan ay nahuhumaling sa kanya. Kahit anong tanggi mo na hindi ka nila katulad ay hindi kailanman magsisinungaling ang puso mo. Sige nga, paano mo ipapaliwanag ang sayang nararamdaman mo tuwing nakikita mo siya? Bakit ka kinakabahan kapag malapit siya sa iyo at bakit ka malungkot kapag hindi mo siya nakikita?
Unti-unting nagbago ang kinasanayan mong mundo. Bawat isa dito ay balikwas sa dating takbo ng buhay mo. Higit sa lahat, hindi mo maintindihan kung ano na nga ba ang nangyayari sa iyo. Ang bawat pagdagundong ng iyong puso, ang bawat kaba at panlalamig kapag napapalapit ka sa kanya ay naging palaisipan sa iyo. Adik ka ba? Kung ayaw mo pang maniwala, marahil ay abnormal ka nga. Mga senyales iyan na umiibig ka. Posible ba iyon? Oo naman. Simple lang ang mga sagot sa katanungan mo. Ang mga ngiti sa iyong labi ang nagpapatunay na masaya ka sa nararamdaman mo. Siya ang nagdudulot ng kaunting kasiyahan sa boring mong mundo. Tanggapin mo ng buong puso.
O sige, mahal mo na kung mahal. Natuto kang magmahal kahit malayuan lang. Pero hinay-hinay lang dahil baka masaktan ka kapag ika’y madapa. “Take your time,” sabi nga nila. Minsan kasi sumosobra ka naman. Biruin mo ba naman na gampanan mo ang buhay stalker. Sa bawat pagkakataon na mayroon ay sinusungaban mo. Makita mo lang siya ay heaven na agad ang ambience mo. Sa araw-araw ay naging routine mo ang makipagtaguan sa kaniya. Ikaw ang taya at ang eskwelahan ang playground ninyo. Sa break, lunch at maging sa uwian ay hindi mo pinalampas na siya ay makita.
Nakuntento ka na sa ganoong set-up. Sapat na sa iyo ang tumingin, mag-abang at umasa. Hindi mo kasi kayang aminin na katulad ka din nila, na mayroon ka ring pagtingin at sa sulok ng iyong puso ay naghahangad ka ng atensyon mula sa kanya. Ang kaibahan lang nila sa iyo ay malaya nilang naipaparating ang kanilang nararamdaman. Samantalang ikaw, takot ka na malaman nila at lalo niya. Ano ka ba naman kumpara sa kaniya? Sikat siya sa buong eskwelahan kabaligtaran sa iyo na ni hindi man lamang kilala sa loob ng klasrum. Marami siyang kaibigan habang ikaw ay mabibilang lamang sa daliri. Malaki ang pagkakaiba ninyo kaya’t nakuntento ka na lamang sa pagsulyap at pagtanaw sa kaniya.
Paulit-ulit ang naging schedule mo. Mula sa pasukan hanggang sa uwian. Minsan, bigla mo na lang naramdaman na nagiging ordinaryo na lang ang lahat. Hindi na mabilis ang bawat pagtibok ng iyong puso. Nawala na rin ang kaba at kakaibang kasiyahan. Nakakauwi ka na rin kahit pa hindi mo siya nakita buong araw. Nasabi mo na lang sa sarili mo na marahil hindi mo naman talaga siya minahal kundi isang paghanga lamang. Marahil ay natutunan mo ng tanggapin na magkaiba kayo ng mundong ginagalawan at kahit kailan ay hindi kayo magtatagpo. Marahil napagod ka ng umasa at mangarap. Ito ang pinaniwalaan mo hanggang sa nakapagtapos kayo at tuluyang nagkahiwalay ng landas. Mula noon, tinanggap mo sa iyong sarili na mananatili na lang siyang isang pangarap. Ngunit huwag kang magpakasiguro. Malikot ang tadhana. Pilyo. Kung kalian hindi mo inaasahan saka ito gagawa ng paraan upang guluhin ang mundong akala mong bumalik na sa pagiging payapa.
Unang araw mo sa iyong trabaho at isang di inaasahang tao ang iyong nakatagpo. Muli kayong nagkita makalipas ang ilang taon. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay naging malapit kayo sa isa’t-isa. Palibhasa ay parehas ang eskwela ninyo noong high school. Madalas kayong magkasabay tuwing breaks at uwian. Nagpapalitan kayo ng text messages at nag-uusap sa telepono. Kung tutuusin, buong araw na kayong magkasama sa opisina ngunit hindi pa rin kayo nauubusan ng mapag-uusapan. Ang weird no? Dahil lahat ng nararanasan mo ngayon ay mga tagpong inaasam mo noon.