Napasalampak si Sam sa kanyang higaan matapos niyang maayos ang kanyang sarili. Handa na siyang pumunta sa kanyang paaralan ngunit tila may bumabagabag sa kanyang isipan.
"Gusto kita Sam."
Mga katagang biglang sumagi sa kanyang isipan. Agad siyang napapikit nang mariin at nanalangin na sana ay panaginip na lang ang lahat, na sana ay biro na lang ang lahat. Ngunit hindi, hindi panaginip at hindi rin isang biro ang mga nangyari. Wala na siyang magagawa pa doon, nangyari na ang dapat na hindi mangyari. At iyon ay ang magkagusto sakanya ang kanyang matalik na kaibigan.
Napamulat siya nang marinig niya ang katok at tawag sakanya ng kanyang Ama. Humarap siya sa kanyang salamin at muling inayos ang saril.
"Magiging ayos lang ang lahat...sana" bulong niya sa kanyang sarili bago tuluyang lumabas.
Malapit na si Sam sa kanyang paaralan ngunit bigla siyang natigilan ng maaninag niya si Jerome na isa sa mga lalaking nakatayo roon at masayang nakikipag-kwentuhan sa kaibigan. Matinding kaba ang naramdaman niya at kung ano-ano nang mga imahinasyon ang pumapasok sa isip niya.
"Paano kung matapilok at pagtawanan nila ako?" mahinang bigkas niya. Maglalakad na sana siya nang may tumawag sa kanya, bago niya ito lingunin at huminga siya ng malalim.
"Good morning Patrick!" masayang bati niya rito na tila walang nangyari. Natigilan naman si Patrick sa kanyang nasilayan at biglang napayuko. "Akala ko di mo na ako papansinin pagkatapos ng nangyari." Mahinang sagot nito habang nagkakamot pa ng ulo.
Si Patrick ay ang kanyang matalik na kaibigan na kamakailan lang ay nagtapat sakanya na siya'y gusto nito. Lagi itong nasa tabi niya sa tuwing siya ay nagda-drama tungkol sa kanyang gustong lalaki ngunit kamakailan lang ay ito'y nagtapat sakanya at sinabing siya'y gusto nito.
"Ano ka ba, wala lang 'yun no. Pasok na tayo." Pagsisinungaling niya kay Patrick. Ang totoo'y isa ito sa mga dahilan kung bakit ilang araw na siyang parang wala sa kanyang sarili. Ngunit ayaw niyang sisihin ni Patrick ang kanyang sarili kung bakit 'yon nangyari.
Kinuha ni Sam ang isang kamay ni Patrick at hinila papasok ng gate. Pero parang may tumusok sa kanyang puso nang makita niya si Jerome na may kasamang babae papasok ng paaralan. Tumulo na lang bigla ang kanyang luha, bago pa man niya ito mapunasan ay nakita na ito ni Patrick.
"Ayos ka lang ba Sam?"
"O-oo, halika na."
Tumango na lang si Patrick bilang pagsang-ayon ngunit alam niya na mayroong mali. Mas pinili niya na lamang na itikom ang bibig at huwag magtanong.
Pagkadating nila sa classroom ay saktong dumating na rin ang kanilang guro. Habang abala si Sam sa pagsusulat ay biglang tumabi si Jerome sakanya.
"Hi Sam!" bati nito sakanya. Halos lumundag ang puso ni Sam at tila nakalimutan niyang huminga nang marinig niya ang boses ni Jerome na tinawag ang kanyang pangalan. Dahil sa pagkabigla ay nginitian niya na lamang ito para maitago ang kanyang kaba.
"Kilala mo ba si Kim? Close naman kayo d'ba? Gusto ko kasi siya, pwede mo ba akong tulungan na ligawan siya?" mabilis na sabi ni Jerome sakanya. Tila nadurog naman ng pinong-pino ang puso ni Sam sa kanyang nalaman. Sasagutin na sana niya ito kaso bigla itong tinawag ng kanilang guro at pinabalik sa tamang upuan nito.
Sa buong maghapon ay wala sa sarili si Sam, agad naman itong napansin ni Patrick kung kaya't pagdating ng uwian ay kinausap niya ito.
"Sam may problema ka ba?"
"Huh? Wala naman, ba't mo natanong?" sagot ni Sam habang busy sa paghahanap sa kanyang ballpen. "Nasaan na ba kasi yun? Nakita mo ba Patrick?"
Umiiling na sinagot ni Patrick si Sam. "May problema ka nga." Habang si Sam naman ay naguluhan at patuloy na hinanap ang kanyang ballpen.