Sa isang madilim na silid ay makikita ang isang babaeng nasa edad bente dos. Nakaupo sa isang lumang upuan habang titig na titig sa screen ng kanyang laptop. Tanging liwanag lamang na nagmumula rito ang nagbibigay tanglaw sa paligid. Ang tunog ng lumalagitik na pasirang electric fan ang tanging maririnig sa tahimik niyang silid.
Ilang oras na ang nagdaan, ngunit hindi pa rin maampat ang kanyang tingin sa harap ng screen. Lumalalim na ang gatla sa kanyang noo dala ng matagal na pagkakakunot. Salubong na rin ang kanyang mga kilay at nakasabunot na ang mga kamay sa kanyang buhok. Ang mukha niyang kay sigla kanina ay napalitan na ngayon ng pag-aagam-agam, na tila ba'y nahihirapan.
"Bakit ganito? Walang ideyang pumapasok sa isipan ko?" Hindi niya mapigilang daing sa sarili.
Kanina pa siyang nag-iisip. Halos pumutok na nga ang ulo niya sa kaiisip ng ideya para sa kanyang bagong kuwento, ngunit sa huli ay nauuwi lang sa wala. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang siyang nagkaganito, na parang tinakasan ng ideya.
Sa totoo lang ay pagod na siyang mag-isip, pero ayaw niyang matapos ang araw na wala siyang nagagawa. Kaya hinayaan na lang niya ang mga kamay niyang kusang gumalaw.
Tipa. Bura. Tipa. Tipa. Bura. Tipa. Tipa. Hanggang sa nagsunod-sunod na ang kanyang ginawang pagtipa. Nakarami na siya ng mga salita. Sa dami ng mga ito'y hindi niya namalayang unti-unti na pala siyang tinatangay ng mga ito at sa papungay-pungay na mga mata'y hinayaan niya ang sariling magpadala sa mga ito.
Noong una'y nakakasabay pa siya sa mga salita, ngunit habang tumatagal ay nararamdaman niyang unti-unti na siyang nalulunod. Pilit siyang kumakampay, ngunit bigo siyang makaahon. Hanggang sa namalayan na lang niya ang sariling lumulubog na sa mga salita. Wala na siyang ibang nagawa kundi ang ipikit na lang ang mga mata't pakiramdaman ang mga susunod na mangyayari.
***
Nakaramdaman siya ng banayad na pag-alog sa kanyang balikat kasabay ng ilang pamilyar na boses na wari'y gumigising sa kanya. Napapiksi siya nang maramdaman niyang napadiin ang pagkakahawak sa kanyang mga balikat. Kasabay noon ay ang unti-unting pagbukas ng talukap ng kanyang mga mata.
Sa una'y naging banayad ang kanyang pagmulat, ngunit nang lumaon ay bigla na lamang nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Agad niyang pinikit ang mga mata. Matagal. Nagbabaka sakaling nananaginip lang siya at hindi totoo ang kanyang nakikita. Hanggang sa dahan-dahan niya ulit itong iminulat. Walang nagbago, nandoon pa rin ang mga ito.
"Buti naman at gising ka na," aburidong bungad sa kanya ng isang lalaking may nakasampay na tuwalya sa balikat.
Nanlaki muli ang kanyang mga mata nang marinig ang boses nito. Hindi pa siya nakakahuma sa pagkabigla nang may narinig ulit siyang nagsalita sa kanyang likuran. Napalingon siya't nakita ang isang babaeng nakasuot ng puting mahabang bestida. "Mang Timo naman! Tinatakot mo masyado 'tong amo natin," malumanay na wika nito.
Napaatras siyang muli nang makita ang duguan nitong itsura. Totoo ba talaga itong mga nakikita ko? mahinang tanong niya sa sariling punong-puno ng pagtataka. May nakarinig yata sa kanyang sinabi kaya't may sumagot ng oo.
Nahihintakutan niyang tiningnan isa-isa ang mga naroroon. Hindi makapaniwalang nasa harapan niya ang mga karakter na kanyang ginamit sa mga isinulat niyang maikling kuwento.
Naguguluhan man sa nangyayari'y naglakas-loob siyang tanungin ang mga ito. "Bakit nandito kayo? At saka nasaan ako?"
"Nasa isipan mo. Kasama namin," ani ng isang lalaking imbestigador sa maawtoridad na boses.
Napakunot-noo siya sa isinagot nito. Paanong mangyayaring nasa kanyang isipan siya gayong nandoon pa rin naman siya sa kanyang kuwarto? Niloloko lang ba siya ng mga ito?
