Matiyagang hinintay ni Draven na magising si Athan mula sa mahimbing nitong pagtulog. Eksaktong alas-nuwebe ng gabi ay bumangon na ito sa higaan. Agad niyang sinugod ito at inundayan ng suntok. Sapol ito sa panga. Bahagyang sumuray si Athan tanda na ininda nito ang atake niya.
"Wala sa usapan na mambibiktima ka rito. Pero bakit mo ginawa iyon?"
"Ang alin?" takang tanong ni Athan, halatang hilo pa rin.
"Huwag ka nang magmaang-maangan. Hindi ka rin nakatiis, di ba? Kung kaya lumabas ka kagabi upang mambiktima."
"Ce?" bulalas ni Athan. Bakit ko naman gagawin iyon eh ang daming alagang baka at kambing dito ni mang Andoy? Sa dugo pa lang nang malulusog na mga hayop na iyon ay solve na ako. Saka mystical vampire ako, Draven. Hindi ko feel ang human blood. Baka ikaw pa."
Napanganga si Draven sa narinig. Saglit na nagtalo ang isip niya. Likas sa mga tulad niyang human vampire ang pagkaibig sa dugo ng tao ngunit alam niyang kaya niyang kontrolin iyon.
Mabilis na tinalikuran ni Draven si Athan at tumakbo patungo sa kinaroroonan ni mang Andoy. Kailangan niyang makasiguro.
Nadatnan niya ang matandang katiwala na abala sa pag-aayos ng garapon ng mga inimbak na dugo ng hayop sa freezer. Nasa mahigit limampung taon na ito.
Galing ang sariwang dugo sa mga baka at kambing na matiyagang inalagaan ni mang Andoy simula pa noong natanggap ito bilang katiwala sa kastilyo. Ngayon ay na-realize ni Draven na ang pagpapatayo ng kastilyo sa liblib na lugar na ito at pag-aalaga ng maraming hayop ay kabilang sa mga plano ng kanyang angkan para sa nakatakda niyang paghahanap kay Blackfire at sa Ragnor.
Agad tumigil si mang Andoy sa ginagawa nang makita siyang palapit. Yumukod ito tanda ng pagbati.
"Magandang gabi, sir Draven. May kailangan po ba kayo?"
"Magandang umaga naman, mang Andoy. Itatanong ko lang kung napansin ninyo na lumabas ng bakuran si Athan kagabi."
"Hindi po, sir Draven," walang gatol na tugon ng katiwala. "Halos magdamag kaming nagkuwentuhan habang umiinom siya ng dala ninyong imported na alak. Napakarami naming napagkuwentuhan at lasing na lasing siya kung kaya halos madaling araw na nang makatulog siya."
"Sigurado ka?" may pagdududang tanong niya.
"Opo. Inihatid ko pa nga siya sa kanyang silid kagabi dahil hindi siya halos makalakad."
"Ganoon ba?" Nahagpos ni Draven ang sariling batok. May takot na unti-unting lumulukob sa pagkatao niya.
"Magpapatay ba uli ako ng isang kambing bukas, sir Draven?" tanong ni mang Andoy.
"Huwag na muna. Sa tingin ko ay sapat na iyan para sa tatlong araw."
"Sige po." Muling bumalik ang katiwala sa ginagawa nito.
"Este, mang Andoy, baling niya sa matanda nang bigla siyang may maalaala.
"Kilala mo ba ang magandang babae na nakatira sa hangganan ng lupaing ito?"
Umunat mula sa pagkakayuko ang tinanong. "Aah, si Arabella po iyon. Ang nag-iisang apo ni Don Leandro Duarte. Ang alam ko ay isa siyang kolehiyala siya isang pamantasan sa kabisera ng lalawigang ito. Bakasyon ngayon kung kaya naririyan siya kahit week days."
"I see. Dalaga ba siya?"
"Opo. Katatapos lang ng kanyang ika-labingwalong kaarawan noong isang buwan. Pero sila lang noong kanyang yaya ang nakatira riyan. Matagal na kasing patay si Don Leandro at nasa malayong lugar ang kanilang mga kamag-anak dahil nabili lamang ng don ang lupaing iyan noong bata-bata pa siya."
"Ganoon ba? Malungkot siguro ang kanyang buhay kung ganoon?"
Umiling ang katiwala. "Sa palagay ko po ay hindi. Masayahin at palakaibigan si Arabella. Mabait na ay maganda pa. Teka, bakit po ninyo naitanong?"
"Ah, wala naman. Nakita ko lang siya kanina sa labas. Maganda nga siya at mukhang mabait."
"May itatanong pa po kayo?" tanong ng matanda na umastang babalik na sa ginagawa.
"Wala na, mang Andoy. Pasensiya na sa abala. May isa pala akong ipapakiusap sa iyo."
"Sige po. Ano po iyon?"
"Tulad ng napagkasunduan natin, dodoblehin ko ang suweldo mo basta't ipangako mo na hindi ka muna lalabas ng bakurang ito hanggang makaalis kami ni Athan. Huwag ka munang makikipag-usap sa ibang tao at lalong-lalong huwag mong ipagsasabi na tanging dugo lang ng mga alagang hayop mo ang aming nagsisilbing pagkain."
Marahang tumango ang matanda. "Makakaasa po kayo."
"Salamat." Pagkasabi noon ay tumalikod na si Draven. Meron pa siyang importanteng gagawin ngayon. Kailangan niyang makasiguro na hindi siya ang bampirang nambiktima kagabi dahil kung hindi ay malamang na masiraan siya ng ulo sa pag-iisip.
BINABASA MO ANG
DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in Paperback
Vampiro"Because I dream more than anyone else and so I see more than I should. But when the night comes there is a refuge of a dream of ecstasy. Where I only see love, you and me."