Episode 1: batang kalye.
Minsan lang dumaan sa buhay ng isang tao ang pagiging bata.
Kaya naman hindi dapat sinasayang ang bawat sandali at
pagkakataon. Dahil sa bawat sandaling lumilipas, ay nagiiwan ng bakas
na minsan sa iyong buhay naging bata ka. naging masaya sa mga laruang
nagturo sa’yong harapin ang hamon ng buhay.
Bitoy’s POV:
“grabe, dami na namang bata dito sa plaza.”
Sa totoo lang hindi naman talaga ito plaza, kasi nasa gitna kami ng daan. Plaza lang ang tawag namin ng mga kaibigan kong batang kalye.
kasi madalas dito kami naglalaro.
Ako nga pala si Bitoy. Yan ang tawag sa akin ng mga kalaro ko. Masyado raw kasing pangmatanda yung tunay kong pangalan.
Tama naman sila, kasi pangalan pa yun ng lolo ko. Ako nga pala si Marcelo Santos III. O hayan, The third ako ha, hindi second fourth and fifth.
Madami na namang bata dito. Alas tres na naman kasi ng hapon kaya tumakas na naman sila sa mga yaya nila at mga magulang. Pare-pareho lang kami, ayaw naming matulog kahit na lagi kaming pinapatulog sa mga ganitong oras para mag siyesta.
Sobrang ingay ng paligid. Mga batang nagsisigawan, nag-aapiran, nagtatawanan at nag-aasaran.
Hanggang sa mapako ang paningin ko sa isang batang babae na medyo chubby.
Andami niyang hawak na tex. Tex kasi tawag namin sa mga kuwadradong papel na nilalaro sa pamamagitan ng high five. Basta alam mo yun kung makalumang bata ka.
Yung mga tex inipon niya sa may laylayan ng kanyang damit habang kagat kagat niya yung laylayan na siyang naging dahilan para makita ng lahat yung tiyan niyang parang sasabog na sa laki. Tinatawanan na siya ng lahat, pero panay parin siya sa pakikipaglaro ng tex sa mga kalaro niyang lalake.
Maganda yung bata at sa tingin ko ka edad ko lang siya.
“kuya, pahingi naman ng tex.”, hiling ko kay kuya Eduard, kapatid ko.