Ang Silid
ANNA MARIA | wattpad
Madilim na silid ang aking kinaroroonan. Kahit na ang sarili ko ay hindi ko maaninag dahil sa sobrang kadilimang bumabalot sa aking paligid.
Sumigaw ako upang humingi ng tulong ngunit walang nakakarinig sa akin bagamat alam kong hindi ako nag-iisa sa lugar na iyon. Sa halip, mga nang-uuyam na tawanan ang aking narinig.
Unti-unti kong naramdaman ang sobrang kapaguran ng aking isip, katawan, at kaluluwa. Nalugmok ako sa isang tabi at doon hinayaan kong maglandas sa aking pisngi ang mga luhang matagal ng nagbabadyang pumatak.
Isa-isang nagbalik sa aking isipan ang mga pangyayaring nagdala sa akin sa lugar na iyon.
Ako si Diana, isang ordinaryong estudyante sa aming paaralan ngunit kakikitaan ng katalinuhan. Marami ang nagsasabing napakasuwerte ko daw dahil bukod sa matalino na ay napakabait ko pa daw.
Masaya ako at kuntento sa mga bagay na mayroon ako. Hindi nagkulang ang aking mga magulang sa pagpapadama sa akin na mahal nila ako.
Isang araw, narinig kong nagtatalo ang aking mga magulang. "Tess, alam mong may pamilya ako na matagal nang naghihintay sa akin. Marahil ay nabulag ako ng sobrang pagmamahal ko sa iyo kaya hindi ko agad nakitang mali ito.
Pero hindi pa huli ang lahat. Itama natin ang mali."
"Pero paano si Diana? Paano ang anak natin?" Umiiyak na si ina. Naguguluhan ako kung bakit ganoon ang pananalita ni itay. Iiwan na ba niya kami? Lalapitan ko na sana sila nang bigla ulit magsalita si itay.
"Alam natin pareho na hindi ko siya anak. Bakit hindi mo siya iharap sa tunay niyang ama? Huwag mong ipagkait sa anak mo ang katotohanan."
"Sasabihin ko din sa kanya ang totoo basta huwag ka nang umalis. Huwag mo kaming iwan."
"Patawarin mo ako pero kailangan ako ng pamilya ko."
Nagulat pa sila nang makita akong luhaan at nakikinig sa kanila. Sinubukan kong pigilan si itay ngunit wala man lang akong nagawa. Tinanong ko si inay tungkol sa tunay kong ama ngunit hindi man lang siya nag-abalang sagutin ako.
Nakaramdam ako ng galit at pagkamuhi kay inay. Siya ang sinisisi ko sa pag-alis ni itay.
Dahil sa pangyayaring iyon, nagbago ang takbo ng aming buhay.
Si inay, lagi na lang wala. Madalas kaming hindi magkita sa bahay. Kaya naman, halos lahat ng oras ko ay ginugol ko sa aking barkada. Unti-unti kong napabayaan ang aking pag-aaral. Natuto ako ng maraming bisyo. Nawala sa akin ang pagkababae ko. Naging miyembro ako ng sorority. Natuto akong gumamit ng bawal na gamot.
Isang gabi, umuwi akong lasing. Naabutan ko si inay sa sala, nakaupo at mukhang hinihintay ako. Hindi ko siya pinansin.
Paakyat na ako nang bigla siyang magsalita. "Saan ka galing? Bakit lasing ka?"
Hindi ako sumagot at nagtuloy na lang sa pagpanhik sa aking kwarto. Hindi ko napansin na sinundan pala niya ako.
"Huwag mo akong talikuran, tinatanong kita!" Natigilan ako at pagdaka'y humarap sa kanya.
"Bakit mo tinatanong? May pakialam ka ba?"
"Kailan ka pa natutong sumagot sa magulang mo? Natural, may pakialam ako dahil anak kita at ina mo ako. At kailan ka pa natutong maglasing?"
Mataas na ang boses ni inay ngunit nanatili pa rin akong tahimik. "Ano bang problema mo?!"
Dala siguro ng sobrang kalasingan ng gabing iyon kaya napagsalitaan ko siya ng masasakit na salita.
"Wala akong problema inay. Ikaw ang may problema! Simula nang umalis si itay, nawalan ka na ng panahon sa akin. Halos hindi ka na nga umuuwi. Pinabayaan mo ako. Hindi lang ako nawalan ng ama, nawalan din ako ng ina. Hindi mo ba alam kung gaano kahirap para sa akin iyon? Pati ang tunay kong ama pinagkait mo sa akin! Wala kang kwentang ina! Sarili mo lang ang iniisip mo!"
Sa halip na sumagot, isang malakas na sampal ang ibinigay niya sa akin. Para akong binuhusan ng malamig na tubig, pero iyon na ang huling beses na nakita ko si ina.
Ngayon, narito ako sa isang silid na balot ng kadiliman. Silid na puno ng kaguluhan at makamundong pagnanasa.
Ang silid ng kasalanan!
Muli na namang naglandas ang mga luha sa aking mga mata. Nakaramdam ako ng pagsisisi sa lahat ng aking nagawa. Ngunit hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam ko balang araw, makakaalis din ako sa lugar na ito. Magkikita ulit kami ni ina. At kapag nangyari iyon, hinding-hindi ko na nanaisin pang bumalik sa silid na ito.
:::A.S:::
--ANNA MARIA
Note: Sinulat ko ang maikling kwento na ito bilang entry sa isang short story writing contest sa School namin. Nagkamit ito ng ikalawang karangalan sa ilalim ng pen name ko na "Marian Ross".
YOU ARE READING
Mga Maiikling Kuwento ni Anna Maria
RomanceMga bunga ng araw-araw na pangangalumbaba.