Sa pag-inog ng Mundo, Kapag Biyernes May Munggo

9 0 0
                                    



"Hindi ko alam kung bakit ako ganito, sino ba ako ? Ano ang misyon ko sa daigdig na ito?" iyan ang mga katagang lumalangoy sa isipan ni Kenneth, wala siyang mahanap na magandang solusyon upang maibsan ang lungkot na bumabalot sa kanyang katauhan. Paulit-ulit na lamang ang mga pangyayari sa kanyang pang araw-araw na buhay. Alas-siyete ng umaga magigising siya dahil sa ingay ng alarm clock niyang hugis Mickey-mouse na hindi ko alam kung anong kababalaghan ang bumabalot dito sapagkat ayos pa rin ito kahit ilang beses niya na itong naitsa sa pader, resulta ng kanyang pagkairita dahil alam niyang kalungkutan nanaman ang kakaharapin niya sa mga susunod na sandali. Bumangon si Kenneth, nag-inat ng mga tatlong beses saka dumeretso sa banyo upang umihi. Hindi sinasadyang magtama ang kanya paningin sa salaming nakasabit sa pader, natigilan siya ng ilang sandali. Tinitigan at inobserbahan niya ang repleksyon ng kanyang mukha, pinagmasdan niya ang lowat sa ilalim ng kanyang mga mata, ang pisngi niyang lubog, balat niyang maitim subalit namumutla. "Kung magiging nilalang ang pagkadismaya sigurado ako ito ang magiging itsura niya..." nasambit nalamang niya sa kanyang sarili. Pinilit niyang ngumiti subalit hindi rin nito napagaan ang kanyang kalooban bagkus ay mas lalo pa siyang nalumbay. Alas-nueve na ng umaga nang maalala niyang may pasok pala siya sa paaralan.

"Ayy, shocks... Biyernes pa lang pala ngayon..." Agad niyang kinuha ang tuwalyang nakasabit sa sampayan at saka pumasok sa banyo upang maligo.

Makalipas ang labing limang minuto ay lumabas na rin siya sa banyo, agad niyang dinampot ang mga kasuotan sa loob ng aparador nila na mayroong poster ni Aga Muhlach at saka pinaspasan ang pagbibihis. Pagkatapos niyon ay kumuha siya ng Skyflakes (endorsement to pengeng pera) na nakatago sa kahon ng Zesto (yayaman ba ko dito?). Ito lang ang almusal ni Kenneth sapagkat wala nang natitirang oras para sa kanya upang magluto ng kahit anong pagkain. Siya nga pala ang tanging katuwang na lamang ni Kenneth sa buhay ay ang kanyang tiyahin na si tita Carmen na isang tindera ng piniratang DVD sa palengke, at wala siya ngayon sa bahay kasi may pinuntahan siya sa Rockwell nilibre kasi siya nung kaibigan niyang si Aling Rhodalyn nanood sila noong bagong pelikula ni Derek Ramsay at Angelica Panganiban at kung itatanong mo kung bakit sila manonood sa sinehan eh puwede naman silang manood sa mga pinipirata nilang mga DVD ay hindi ko rin alam, marahil siguro ay gusto rin nilang maranasan ang "Big Screen","Pop-corn",at "aircon" (ewan ko baka magrerecord na din siguro sila). Habang binabagtas ni Kenneth ang daan patungo sa kanyang paaralan napansin niya ang isang makinang na bagay na siyang nakahambalang sa kanyang direksiyon. Hindi niya alam kung ano ito kaya pinulot niya ito at tinapon sa basurahan saka siya naglakad ulit. Makalipas ang ilang minutong paglalakad ay narating na niya ang kaniyang paaralan, at agad niyang inayos ang kanyang buhok sapagkat nariyan nanaman si Manong Albert na tiyak maninita nanaman ng mga lalaking estudyante na mayroong mahabang buhok ayaw kasi nila noon kasi gusto daw nila ng pormal na sistema. Eh kaso nga lang si Kenneth ayaw niya kasi gusto niya i-maintain yung emo like appearance niya kasi cool iyon sa kanyang pananaw, kaya naman agad niyang dinukot ang Gatsby wax na black (yan na oh nakabold na oh please naman... ) na nakalagay sa bulsa ng kanyang pantalon kumuha siya ng ilang kapirasong wax at saka niya ipinahid sa kanyang buhok sa ulo. Inayos niya ang kanyang buhok upang magmukhang malinis itong tignan.

"Kung mayroon lang sanang wax para sa mukha para maayos ko rin 'tong mukha ng kasarinlan na ito " pabulong na hinaing nito sa kawalan.

Nang matapos niyang ayusin ang buhok na tila pinlantsa sa kanyang anit ay itinuloy niya ang paglalakad papaloob ng pasilidad. Habang naglalakad si Kenneth ay napansin niya ang itsura ng sekyu na tila ba'y nagmamasid, nagmamatyag, nagoobserba, nanghuhusga sa kanyang katauhan.

"Pssst.. Sandali lang utoy" Sita ni Manong Albert na nakasimangot at halatang mayroon siyang bagay na napansin na marahil ay hindi niya nagustuhan, at agad namang napahinto si Kenneth. Agad siyang kinabahan, natatakot siyang madagdagan ang record niya sa pagiging maruming bata.

"B-B-Bakit po?" tanong niya sa guwardiya

"Kulang ng isang butones ang uniporme mo utoy" tugon ni manong

"Ay shocks!! Oo nga po ano? hindi ko po napansin patawarin po ninyo ako.." nagmamakaawa at nagulat na reaksyon ng bata.

"Sige tumuloy ka muna, sa ngayon bigyan kita ng warning basta bukas lagyan mo ng butones yan..." mabait subalit nakasimangot na sambit ng maawain, maintindihin, napakabuti, may nunal sa noo, at napamapagkumbabang loob na si Manong Albert Rhoderique Benitez.

"S-sige po, salamat po" sabi niya..

Nagpatuloy sa paglalakad si Kenneth papaloob sa pasilidad ng paaralan na kanyang pinapasukan. Habang binabagtas niya ang kanyang daan patungo sa kanilang silid ay bigla siyang nakadama ng halo-halong emosyon. Mayroong parte na masaya, may kaba, may tatlong kurot ng pagkainis, at limang kutsara ng hinagpis. Masisilayan nanaman kasi niyang muli ang kaniyang minamahal na si Alaiza Lyanne Soberano na mas kilala sa pangalang "Ali". Si Ali ay ang pinakamarikit na babae sa kanilang pangkat, at siya ring pinapangarap ni Kenneth. Masaya siya sa tuwing nakikita niya ang babae na kanyang pinapangarap subalit agad rin itong napapalitan ng pagkadismaya sapagkat alam niyang hanggang tingin na lamang siya... hanggang pangarap... hanggang stalk nalang sa facebook.

"Napaka-imposible namang magustuhan ako ni Ali, langit siya... samantalang ako, hindi lang basta lupa... nasa inner core ako ng daigdig.. ang layo ng agwat naming dalawa." Mukmok ni Kenneth habang papalapit na sa pinto ng kanilang silid.

"Ay sorry!" pabulong na sigaw ng isang babaeng nakabangga ni Kenneth sa pintuan ng kanilang silid.

"Sorry din..." Sagot ni Kenneth na nabigla rin sapagkat ang babaeng nakabangga niya ay si... "Ali?" Oo si Ali na kanyang mahal. Si Ali na kanyang hinahangad. Si Ali na kanyang pinapangarap.

"G-G-Good Morning Ali" bati ni Kenneth na medyo nauutal pa dahil siya'y nabigla pa sa mga pangyayari.

"Good morning din, sorry ulit!" sagot ni Ali na nagmamadali na tila ba'y may hinahabol na mahalagang bagay.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 16, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sa Pag-inog ng Mundo, 'Pag Biyernes May MunggoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon