"Sige na po, aling Marta. Isang linggong palugit nalang po. Hindi pa po kasi bumabalik si mama..."
"Anong isang linggo? Pang-apat na buwan nyo nang hindi nagbabayad ng upa! Tapos tatlong linggo na ang hinihingi nyong palugit. Aba! Sumosobra na yata kayo!"
Humigpit ang hawak ng kapatid ko sa kamay ko. "Alam nyo naman po na hindi pa bumabalik si-"
"Hay nako! Wala akong pakialam kung naglandi yang nanay mo! Ang gusto ko, bayaran nyo ang upa. Ngayon! Dahil kung hindi, lumayas na kayo!"
"Wag naman po kayong magsalita ng ganyan. Wala po kaming tutuluyan, maawa po kayo..." pagmamakaawa ko pa kahit imposible na ang hinihingi ko.
"Tama na ang awa na binigay ko sa inyo. Magligpit na kayo ng mga gamit nyo at lumayas kayo! Bwisit sa negosyo!"
Hinabol ko pa sya sa pag-alis nya pero wala na talaga. Natatakot ako. Paano kami mabubuhay? Wala kaming matutuluyan.
Tumingin ako sa kapatid kong tahimik na naglalaro sa lamesa. Asan ka na ba, ma? Hindi maiwasang tumulo ang luha ko. Nagstop ako sa pag-aaral dahil wala na kaming pera. Nasa squatter's area kami at maliit lang 'tong bahay namin pero okay na rin. Tangin mga damit lang namin ang pag-aari namin dito.
Umalis si mama, tatlong linggo na ang nakakalipas. Nag-iwan sya ng pera pero ngayon ay paubos na. Nagpaalam sya na maghahanap ng mapapasukang trabaho pero hanggang ngayon, hindi pa sya dumarating. Nag-aalala ako dahil wala man lang balita tungkol sa kanya. Nagpablotter na ako pero alam kong natambakam na 'yon ng ibang report din.
Hindi ko napansin na lumapit na pala ang kapatid ko sa akin. Pinalis ko ang luha sa mga mata ko habang sya, inosenteng nakatingin sa mga damit na nililigpit ko.
"Ate, hindi ba natin kasama si mama sa pag-alis?"
Anong sasabihin ko? Hindi pwedeng mag-alala rin sya at mag-isip sa problemang kinakaharap ko ngayon. Masyado pa syang bata.
"Susunod 'yon sa'tin. Gutom ka na ba?"
Tumango sya. Kakaunti nalang ang pera ko dito pero hindi naman kawalan ang sampung piso para sa pagkain, diba?
"Bumili ka ng pagkain sa labas. Yung mabubusog ka. Pagkatapos, aalis na tayo..."
Patakbo syang umalis at nagpatuloy ako sa pagliligpit. Iisa lang ang pwede namin puntahan, si auntie Mayang at sana, nandun pa sya. Best friend sya ni mama at last year, bumisita kami sa kanila ng isang beses pero wala na akong balita simula 'non. Sa labas yun nitong probinsya namin at masyadong matao. Baka doon na rin ako maghanap ng trabaho at magbakasakaling hanapin narin si mama.
Dahan dahan kong binuhat ang isang lumang maleta at malaking bag palabas saka sinara ang pinto. Alam kong pinagtitinginan kami ng mga chismosang kapit bahay pero wala na akong pakialam.
"Ate, sa'n tayo pupunta?" inosenteng tanong ni Bella habang naglalakad kami palabas ng eskinita.
Medyo malayo din ang pupuntahan namin at sana magkasya 'tong pamasahe.
"Kina Auntie Mayang. Naaalala mo? Pumunta tayo dun nila mama nung isang taon..."
"Ahh. Yung sa may bahay na malaki. Ang ganda nga dun eh. Tapos maraming tindahan at ilaw. Ang saya naman..." sabi nyang tumatalon pa at tila excited sa pagluwas namin. Samantalang ako, nag-iisip na kung saan kukuha ng pera para sa aming dalawa.
Napangiti nalang ako. Kahit papaano, nawawala ang takot at lungkot ko dahil may kapatid pa ako na kasama ko.
Sumakay kami ng bus at pumwesto sa dulong bahagi ng bus. Lumapit agad sa amin ang kunduktor para sa bayad namin. Namroblema nanaman ako dahil 200 nalang ang pera namin. Maggagabi narin at walang kasiguraduhan sa pupuntahan.