I.
Sa malinaw na tubig ng ilog ay nasisinag niya ang isang larawan ng kamusmusan. Kinalawkaw niya ang tubig at nagsingsing-singsing ang mumunting alon...na nagpalabo sa larawan. Makailang saglit ay nanumbalik ang katiningan, ang nabulabog na tubig ay luminaw at muli niyang nasalamin ang kaayaayang larawan ng kamusmusan.
"Bakit, Itay?" anang isang tinig-angel na nagmumula sa musmos na mukhang nakakatang sa kaniyang balikat at nakatanaw sa tubig. "Bakit, Itay, ang ating basong kristal, hinampas ko lang kahapon e nabasag na? Bakit ang tubig e hindi nabasag, ha, Itay?"
Ang musmos na mukha ay pinupog niya ng halik.
"Talagang ganoon, Anak."
At si Tasio ay napangiti.
II.
Dinampot niya ang sagwan, ang kristal na tubig ay umalimbukay sa hampas nito, at ang bangka ay itinabi niya sa pampang. Kinalong niya si Nene, marahanginilunsad at tinunton na nila ang landas na pauwi sa kanilang dampa'.
Ang mga kasinungalingan ni Nene, ang sutsot ng hanging naglalagos sa kakapalan ng mga dahon, at ang awit ng mga ibon ay hindi na mapukaw sa diwa ni Tasiong nawala sa pagmumunimuni. Napakintal sa kanyang isipan ang kristal na tubig sa ilog, na kinasinagan niya sa isang larawan ng kamusmusan: sa mukha ni Nene. Napalimbag sa kanyang diwa ang musmos na katanungan ni Nene. A, ang kristal na tubig nga naman ay di nababasag, ni di nagkakalamat!
Isang makahulugang ngiti ang namilaylay sa mga labi ni Tasio, na wari'y pinagitaw ng pagbubukang-liwayway ng isang katotohanan. Hamakin nga nila nang hamakin, dustain na nga nila nang dustain si Nene...ngunit ang dangal nito, ang kawalang-malay nito, ay kristal na tubig!
III.
Nakalapat na sa unang baytang ng kanilang hagdan ang kaniyang paa nang ang kristal na tubig ay lumabo at maparam sa kanyang dilidili. Pagkapanhik ng bahay ay hinubdan niya ng maruruming damit si Nene at sinuutan niya ng malinis. Sinuklayan niya, binigyan niya ng laruan, pinupog ng halik at tinungo niya ang batalanna dala ang maruruming damit. Ang malalaki't magagaspang niyang kamay ay kakatwang malasin kung nagkukusot sa mumunting kasuutan ni Nene. Kung sabagay ay malimit na hinihingi sa kaniya ng mabait niyang kapitbahay na si Tandang Berta ang maruruming damit ni Nene upang siya na ang maglaba, ngunit si Tasio ay tumatanggi.
"Kung buhay si Ninay ay ganito ang kaniyang gagawin," ang naibubulalas ni Tasio kung pinapangatwiranan niya sa kaniyang sarili ang pagtanggi niya kay Tandang Berta.
IV.
Pagkatapos niyang maglaba ay inatupag naman niya ang mga gawaing kinagawian na niyang gampanan, ang mga bagay na"kung buhay lamang si Ninay ay siya rin nitong gagawin." Sinulsihan niya ang mumunting damit ni Nene, pati na ang dati'y marikit na kasuutan ng manyikang ipinamasko ng isang nars kay Nene nang nakaraang Pasko.