Chapter 6

347 12 0
                                    

Chapter 6

OVERWHELMING. Iyon ang bagay na salita sa nararamdaman ngayon ni Riley nang pauwi na siya. Sakay siya ng isa sa mga kotse ni Aiden, ipinahatid na lang siya sa driver nito pabalik sa ospital kung saan naroon si Maru.
Kanina habang nasa bahay siya ng mag-ama ay hindi niya naramdaman na naiiba siya sa mga ito. Tinarato siya ng mga ito na parang bahagi ng pamilya. Lalong-lalo na si Charlotte, asikasong-asikaso siya nito nang mananghalian sila. Magmula sa paglalagay ng tubig sa baso niya, sa pag-aalok ng masarap na ulam at paglalagay ng maraming kanin sa plato.
Sa buong durasyon ng pananatili niya sa bahay ng mga ito ay tanging silang dalawa lang nag-uusap. Masaya ito kakwentuhan kaya nga siya inabot na ng gabi sa bahay ng mga ito.
Habang si Aiden naman ng mga sandaling iyon ay tahimik lang na nakikinig sa kanila. Pinagmamasdan sila at kapag tinatanong ay sumasagot naman pero hanggang doon nga lang dahil sila na ni Charlotte ang magkakwentuhan. Sa totoo lang ay madali naman pakibagayan ang anak ni Aiden, malambing kasi ito at mabait na bata. Hanga siya sa binata dahil kahit ito na lang mag-isa ay nagawa nitong palakihin nang maayos ang anak. Aba, para sa isang lalaki ay mahirap iyon lalo at babae pa ang anak nito.
At kanina, naalala lang niyang umuwi dahil nakita niyang nakatulog na si Charlotte habang nakahiga sa kandungan niya. Napangiti na lang siya, inabot siya ng alas-otso ng gabi sa bahay ng mga ito. Kung sabagay, hindi naman kasi nakakabagot doon saka masayahing bata si Charlotte kaya kapag kasama ito ay hindi mapapansin ang oras.
Nasa kalagitnaan na sila ng biyahe nang mag-ring ang cell phone niya. Galing ang tawag kay Aiden. Mabilis niya iyong sinagot.
"Hey, pasensya ka na at hindi kita nahatid pabalik sa ospital." Apologetic ang boses na bungad sa kanya ng lalaki.
Napangiti siya. "Okay lang, ano ka ba? Saka mas dapat na kasama mo ang anak mo."
"Yeah. Pasensya ka na rin pala sa sinabi ng anak ko, huwag mong seryosohin ang pagtawag niya sa 'yo ng mommy. Alam mo na, bata pa kasi."
"I understand. Naiintindihan ko kaya siya naghahanap ng mother figure. Ganyan din kasi noon ang kapatid ko noong namatay ang mga magulang namin."
"Oh, I see, wala na pala kayong magulang, sorry to hear that." Sandaling katahimikan. "Anyway, tulog pa rin si Charlotte at nananaginip. Tinatawag ang pangalan mo."
"T-talaga?" may biglang umahon na kilig sa puso niya sa narinig.
"Yes. Riley, she really likes you. Sana ay hindi ka magsawa sa kakulitan niya."
"No, hindi ako mapapagod sa kanya. Nakakatuwa nga siya, eh. Halos ay hindi ko napansin ang oras habang kasama ko siya."
"Ganoon talaga ang anak ko pagdating sa mga taong gusto niya. Anyway, masaya ako na hindi mo siniseryoso ang pagtawag sa 'yo ng mommy ng anak ko. Pasensya na pala kung hindi kita na-warning-an tungkol doon, alam ko nagulat ka dahil pretend girlfriend lang naman ang usapan natin."
Pretend girlfriend... parang nag-echo sa pandinig niya salitang iyon. Bakit parang may kirot siyang naramdaman? Hindi puwede 'yon!
Napatingin siya sa rearview mirror. Hindi naman nakatingin sa kanya ang driver. Gusto niya sana itong sagutin tungkol sa pretend girlfriend thing nila pero baka kunwaring hindi nakikinig si Manong driver.
"Yeah, nagulat nga ako pero okay lang."
"Great," narinig niya na nakahinga ito nang maluwag dahil sa sinabi niya. "Anyway, kapag nakarating ka sa ospital ay tawagan mo ako agad para malaman ko na safe ka."
"Yes, I will. Thank you, Aiden." At tinapos na niya ang pakikipag-usap sa binata.
"Ma'am, salamat po at dumating kayo sa buhay ng mga amo namin," mayamaya ay sabi ni Manong driver.
Nakakunot-noo na tiningnan niya ito mula sa rearview mirror. "Bakit naman po?"
"Alam mo, Ma'am, matagal na ako sa pamilya Salvador. Bata pa lang si Sir Aiden ay nagtatrabaho na ako sa kanila. Hanggang sa namatay ang mga magulang niya ay hindi ko iniwan si Sir. Mabait kasi ang pamilya nila at malaki ang utang na loob ko."
Napatango-tango si Riley.
"At nang mag-asawa at magkaanak na si Sir ay akala namin magiging maganda na ang buhay nila pero hindi. Masama ang ugali ni Ma'am Stella, palagi kaming sinisinghalan at minumura kapag wala si Sir Aiden sa paligid. Kahit nasa tabi lang niya si Ma'am Charlotte noon, hindi siya nagdadalawang-isip na murahin kami sa harapan ng bata. Pinapangaralan pa niya ang anak na dapat lang daw na pagsalitaan kami ng ganoon kasi mababang uri lang kami ng mga tao."
"Hala, grabe naman pala talaga siya," bigla siyang naalarma sa ugali ng Stella na 'yon. "Naikwento na sa akin ni Aiden ang tungkol sa asawa niya pero may ganyang kwento pa pala."
Napatango ito. "Nagpapasalamat nga kami na hindi nakuha ni Ma'am Charlotte ang ugali ng nanay niya. Napakabait ng batang iyon, talagang mas nanaig ang dugo ng ama sa kanya," nakangiting sabi nito. "Sinabi namin kay Sir Aiden ang mga ginagawa ng asawa niya pero ayaw niyang maniwala noon hanggang sa—"
"Nalaman niya ang pagtataksil nito," dugtong niya sa ibang sasabihin ni Manong.
Napatango ulit ito. "Simula nang maghiwalay sila ay hindi ko na ulit nakita na naging masaya si Sir, pati si Ma'am Charlotte, hindi na masyadong ngumingiti iyon at palipat-lipat pa ng school kasi palaging binu-bully ng mga kaklase kesyo walang mommy. Pero ngayon ay hindi na dahil nandyan na kayo. Naku, Ma'am, ang saya-saya talaga namin nang makita ulit na masaya ang mag-ama. Lalo na si Sir Aiden, hindi siya nagsasalita kanina, 'di ba? Busy po kasi siya sa pagtingin sa inyo. Hindi niyo siguro napapansin kasi kay Ma'am Charlotte nakatuon ang atensyon niyo pero maniwala kayo, nakangiti si Sir Aiden habang pinagmamasdan ka."
Natawa si Riley. Hindi niya alam pero may kaunting kilig siyang naramdaman. "Naku! Manong, ha? Umi-issue ka sa amin ni Aiden. Magkaibigan pa lang kami. Wala pa kami sa stage na boyfriend-girlfriend kaya imposible na titigan niya ako tulad nang sinasabi niyo. Baka natutuwa lang siya sa amin ni Charlotte kasi magkasundo kami ng anak niya kahit na kanina lang kami nagkita." Tama, iyon nga lang 'yon. Imposible kasi na magkagusto ito sa kanya saka ang usapan, magiging pretend girlfriend siya nito... tapos... tapos na ang lahat. Balik na sa normal ang buhay niya.
Lihim siyang napabuntong-hininga. Ngayon pa lang ay nakakaramdam na siya nang pangungulila pero dapat ay pigilan na niya iyon habang maaga pa dahil hindi naman habang-buhay na mananatili siya sa buhay ng mag-ama.
"Ewan ko lang, Ma'am, ha? Pero hindi pa ako nagkakamali ng kutob ko. Nakikita ko po na magiging Mrs. Aiden Salvador kayo ngayong taon."
"Diyos ko, Manong! Nasa friendship stage pa lang kami ni Aiden tapos kayo asawa na agad." Hindi niya maiwasan ang matawa at makaramdam ng kaunting kilig.
"Iyon po kasi ang kutob ko na mangyayari," natawa rin ito dahil sa gulat niyang expression. "Nandito na po pala tayo, Ma'am."
"Sige, Manong, maraming salamat po sa paghatid sa akin."
Matapos magpaalam ang driver ay umalis na rin ito. Nasundan niya ito ng tingin at nang lumiko na iyon ay saka niya nilabas ang cell phone at nag-compose ng text para ipaalam kay Aiden na nakarating na siya ng ospital.
_____
"WHERE is she?" Humihikab na tanong ni Charlotte kay Aiden nang magising ito. Sa ngayon ay nasa loob ng library si Aiden, private office ito ng binata at doon ginagawa ang trabaho para sa pagpapatakbo ng apat restaurant nito.
"Kanina pa siya umuwi, anak," sagot niya habang nakatutok sa screen ng laptop ang mga mata. May tinatapos kasi siyang presentation na ipapasa niya sa mga TV networks para sa advertising ng restaurant niya. "Bakit ang aga mo nagising?" Binalingan niya ito saglit dahil umupo ito sa katapat niyang upuan.
"Bakit hindi mo na lang siya pinatulog dito? Dapat pinilit mo siya na tabihan ako sa pagtulog." Nakangusong sabi nito.
Napangiti si Aiden. "Hindi puwedeng manatili rito si Riley dahil kailangan niya balikan ang kapatid na nasa ospital. Na-aksidente kasi ang kapatid niya kaya nandoon."
Napatango si Charlotte. "Kailan siya ulit pupunta rito?"
"Hindi ako sigurado kung kailan ko ulit siya mayayaya pero ngayong linggo ay isasama ko siya sa opening ng restaurant natin sa Makati."
"Gusto ko sumama. Gusto ko ulit siya makita."
"Masaya ako na hindi na kita kailangan pilitin pa," nakangiti niyang sabi. Paano noon ay hindi niya ito maaya kapag may special ocassion ang restaurant niya.
"It was because of your new friend."
Napangiti siya. "Charlotte, puwede mong tawagin na Ate o Tita si Riley."
"Mommy. Gusto ko siyang tawagin na mommy ko."
"Charlotte..."
"Magiging mommy ko naman siya soon, 'di ba? Please, Dad, siya talaga ang gusto ko na maging mommy ko. See, ang bait-bait niya saka parehas pa kami ng hilig. Kanina lang kami nagkasama pero magaan na agad ang loob ko sa kanya."
Napabuntong-hininga si Aiden. Hindi niya maaari na salungatin ang sinabi nito. Kanina nang magkasama ang mga ito, nag-uusap at nagtatawanan ay nakita niya agad ang kasiyahan sa mga mata ni Charlotte na matagal rin niyang hindi nakita.
"Alam ko, nakita ko kung gaano ka kasaya habang kasama siya. At si Riley rin, ang saya rin niya nang makasama ka."
"Kaya po huwag mo na siyang pakawalan, okay? Mabait siya at malambing. Hindi katulad ni mommy noon."
"Do you missed her? Si Stella?" Pagkuway seryoso niyang tanong sa anak.
Tumitig si Charlotte sa kanyang mga mata. Parang binabasa kung seryoso ba talaga siya sa tanong na iyon. Mayamaya lang ay napayuko ito at bumuntong-hininga.
"I'm sorry, anak, kung naitanong ko iyon. Curious lang ako."
That was true, he was curious. Alam naman ni Charlotte na isang taon nang nakalaya sa kulungan ang mommy nito. Hindi niya iyon itinatago sa bata.
"Hindi mo pa ba nakakalimutan ang ginawa niyang pagtataboy sa 'yo noong dinalaw mo siya sa kulungan?"
Ang tinutukoy ni Aiden ay noong sampong taong gulang si Charlotte, humiling nito sa kanya para dalawin si Stella. Pumayag naman siya dahil kahit ano naman ang mangyari nanay pa rin nito si Stella pero nabigla siya nang umuwi ito na umiiyak. Sinigawan at pinaalis daw ito ni Stella, sinabi na ayaw na itong makita pa kahit na kailan. Kaya simula noon ay hindi na ito ulit humiling para makita ang mommy nito.
"Matagal ko na siyang hindi nakikita, Dad. Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi ko siya gustong makita dahil lang sa pagtataboy niya sa 'kin noon. Gusto ko siyang makita pero siya naman ang may ayaw magpakita. Kung gusto niya akong makita, alam naman niya kung saan ako pupuntahan, 'di ba?"
"You're right."
"But right now, ang gusto ko lang makita ay ang bago kong mommy. Sana ay maging kayo na talaga, Dad. I want you to be happy too and alam ko na sa piling niya ay magiging masaya ka nang totoo."
Napangiti si Aiden at ibinuka ang mga braso. Pinalapit niya ang anak at mahigpit na niyakap ito. Sa totoo lang ay hindi niya inaasahan na ganito katindi ang kagustuhan ni Charlotte para maging ina si Riley. Paano ba ang gagawin niya? Pagpapanggapin lang niya na girlfriend ito, iyon ang usapan. Pero ngayon ay natatakot si Aiden na matapos ang pagpapanggap na gagawin nila.
Gusto ni Charlotte ang dalaga. Magagawa ba niyang ilayo rito si Riley? Sigurado na masasaktan ito.
Lihim na lang siyang napabuntong-hininga. Sa pagkakataong ganito hindi na niya alam kung ano ba talaga ang dapat niyang gawin. Susundin ba niya ang orihinal na plano o lilihis siya at gagawa ng ibang plano na magiging maligaya ang anak niya sa huli?
_____
MULA sa pagpapagpag ng bed sheet na ilalatag ni Riley sa king size bed ay napaigtad siya nang biglang may tumawag ng kanyang pangalan sa two-way radio na nakasukbit sa likod niya. Mabilis niyang sinagot iyon.
"Yes po, come in."
"Lei, may naghahanap sa 'yo na guest sa lobby."
Napakunot-noo siya at napatingin sa relong pambisig. Mag-a-alas tres na ng hapon at last check-out na itong nililinis niya kaya sino naman kaya ang guest na 'yon?
"Copy, bababa na ako," sagot niya saka binilinan ang kasama niyang OJT. Binilin niya ritong ipagpatuloy ang pagbe-beddings kapag natapos nang linisan ang CR.
Lumabas na siya ng kuwarto at bumaba ng lobby. Nakita niya roon si Aiden. Prente itong nakaupo sa itim na sofa. Naka-dark blue na coat ito at puting sando sa loob, maluwag pa iyon sa may bandang dibdib kaya kitang-kita ang malapad na dibdib nito. Ang pantalon nito ay maong at ang sapin sa paa ay itim na sapatos. Naka-itim na shades pa ito at sa iba nakabaling ang tingin kaya hindi pa siya nito napapansin. Napatingin siya sa ibang guest na nasa loob, nasa binata ang atensyon ng mga ito. May iba na nagpapansin pa. Aaminin niya na malakas talaga ang dating ng lalaking ito, hindi niya ipagkakaila iyon. Sa hitsura nga ng binata ngayon ay para itong modelo. Napangiti na lang siya at nilapitan ito.
"Aiden, ano'ng ginagawa mo rito? Saka paano mo pala nalaman na nandito ako?"
"Nandyan ka na pala," tumayo ito nginitian siya. "Nalaman ko na nandito ka dahil sa uniform mo. Naalala mo noong nakita kita sa ospital? Naka-uniform ka kaya naalala ko itong La Beau Hotel. Anyway, sinusundo pala kita."
"Bakit naman? Pupunta ba ako ulit sa bahay niyo?" Sa isipin na 'yon ay biglang nakaramdam ng excitement si Riley. Dalawang araw pa lang ang nakakalipas mula nang makarating siya sa bahay ng binata ay nami-miss na niya agad ang kakulitan ni Charlotte.
"Hindi pero puwede naman pagkatapos natin kumain. So, sama ka?"
"Saan naman?"
"Basta," sabi nito saka pinisil ang pisngi niya. "Tapusin mo na ang trabaho mo at hihintayin kita dito."
Napatango siya at hinawakan ang pisngi na pinisil nito. Parang lola talaga ang lalaking 'to. Sa isip-isip niya habang pabalik sa kuwartong nililinisan.
Mabilis niyang nilinis ang last check-out room para makapagbigay na ng completed status ng mga VCI (Vacant Clean Inspected) na kwarto para sa mga NCI (Newly Check-In) na guest. Nang matapos ay nagpunta na siya sa employee's locker room at mabilis na nag-ayos. Magpapalit na sana siya ng damit nang maalala na wala pala siyang dalang extrang damit. Day-off niya kasi bukas at plano niyang iuwi itong uniform para malabhan.
"Shit! Nakakahiya naman kay Aiden!" Inamoy pa niya ang sarili para siguruhin na maayos ang amoy niya. Wala naman siyang putok, hindi naman siya amoy anghit o pawis na natuyo pero nakakahiya pa rin na sumabay sa binata na ganito ang ayos niya. Sabi nito ay kakain sila kaya—
"Girl, kanina ka pa hinihintay ng boylet mo roon sa lobby. Nakatingin nga lang sa may elevator, umaasang doon ka lalabas." Pumasok ang kaibigan niyang si Toneth.
"Hindi ko boylet 'yon. Kaibigan ko lang."
"Kaibigan pero problemado ka kasi wala kang damit pampalit sa uniform mo?"
"Paano mo nalaman?"
"Kitang-kita sa mukha mo," natatawa nitong sabi at may binigay na damit sa kanya. "Hiramin mo muna 'yan. Straight ako ngayon at bukas pa ng umaga ang uwi ko. Hindi makakapasok ang grave yard duty mamaya."
Niladlad niya ang damit. Itim na t-shirt iyon na may malaking printed design ni Hello Kitty. Lihim na lang siyang napakamot ng ulo. Ito talaga ang isusuot niya?
"O, bakit?" untag nito sa kanya.
"Wala naman, ang ganda nito. Sige hihiramin ko muna, ha? Salamat," sabi niya saka isinuot na ang damit. No choice siya. Kaysa naman itong uniform ang suot niya habang kasama ang binata. Wala naman amoy 'yon pero malay ba niya kung nakapitan na ng alikabok iyon, nakakahiya naman.
Teka, bakit ko ba kailangan mahiya sa lalaking 'yon? Diyos ko!
Naiiling na lumabas na siya ng locker room at pinuntahan si Aiden. Nandoon pa rin ito at nakaupo pero may kausap itong babaeng foreigner. Hindi lang niya alam kung ano'ng lahi nito pero wala siyang pakialam. Halatang nilalandi nito si Aiden. Panay kasi ang haplos nito sa hita ng binata.
Napasimangot siya at akmang tatalikod na sana kung hindi lang siya tinawag ni Aiden. Lumapit na rin ito sa kanya at walang babala na hinawakan ang kamay niya.
"O, anong palabas 'to?" Natatawang tanong niya saka napatingin sa kamay nilang magka-holding hands.
"Nakita mo ba ang babaeng kasama ko kanina? Ayaw niya akong tigilan kahit na sinabi kong may girlfriend na ako."
Napatango-tango si Riley saka napatingin din sa babae, nakasimangot ito sa kanya. Halatang hindi nagustuhan na siya ang sinasabi na girlfriend nitong si Aiden.
"Anyway, shall we go?"
"Sige. Saan nga pala tayo pupunta?"
_____
"PAPASOK tayo dyan?" Nag-aalangan si Riley kung papasok ba siya sa restaurant. Dinala kasi siya ng binata sa isang fine dining restaurant dito sa Pasay.
"Oo, bakit? Maganda rin dito at masarap ang pagkain. Let's go. Nakapagpa-reserve na ako ng table natin."
"Teka, may buffet restaurant ka naman, 'di ba? Bakit hindi na lang doon?"
"Gusto ko kasi na may magsilbi sa atin, na-gets mo? Sa buffet kasi, tayo ang bahala na kumuha ng pagkain sa buffet table. Eh, kapag dito naman ay may aasikaso sa atin. So, magkakaroon tayo ng pagkakataon para makilala ang isa't isa."
"Makilala ang isa't isa?" ulit niya sa sinabi nito. Gusto niya kasing malaman kung anong ibig sabihin nito doon. Pero hindi ito sumagot at nginitian lang siya.
Hinawakan nito ang kamay niya. Naramdaman niya ang pagpisil nito doon na para bang sinasabi na magiging maayos lang ang lahat. Papasok na sila sa pinto ng restaurant nang hilain ni Riley ang kamay ng binata palayo sa pinto.
"O, bakit na naman?"
"Naiilang ako, eh. Saka tingnan mo, ang gaganda ng suot nila. Pati ikaw, maayos ang damit mo at talagang bagay ka sa loob. Pero ako? Tingnan mo?"
Bahagya siyang lumayo rito at iprinisinta ang sarili. Suot niya ang ipinahiram na itim na t-shirt ni Toneth, naka-itim na slocks siya at itim na clog shoes. Isama pa ang kulay itim na sling bag niya na bulaklakin ang design. Para siyang dadalo sa burol! Napaka-plain lang din ng mukha niya. Polbo lang kasi ang ginamit niya para kahit paano ay hindi maging oily ang mukha niya habang ang buhok niya naka-ponytail.
Hindi siya nababagay na pumasok sa loob ng fine dining restaurant na 'yon kung saan ang mga guest na babae ay naka-postura. Para ngang nasa JS Prom ang mga nasa loob kasi lahat naka-dress at ang tataas pa ng takong. Kung papasok siya sa loob magmumukha siyang tagalinis doon, baka mautusan pa siya.
"Hindi naman madumi ang damit mo, ha?" sabi nito matapos pag-aralan ang suot niya.
Marahas siyang napabuntong-hininga. "Oo nga, hindi madumi ang damit ko pero naiilang ako sa loob kasi—"
"Just be yourself. Hindi mo kailangan na mailang sa mga tao sa loob. Hindi mo rin kailangan na ikumpara ang sarili mo sa mga babae na nasa loob dahil hindi naman sila ang ipinunta natin, 'di ba?"
"Kahit na. Naiilang pa rin ako."
Napabuntong-hininga ito saka isinuksok ang kamay sa bulsa ng suot nitong denim. "Kung ayaw mo talaga rito, okay lang." Parang nagtatampo nitong sabi, nag-iwas pa ng tingin sa kanya.
Bigla siyang na-guilty. Parang ang off naman kung mag-iinarte siya ngayon. Eh, inaya siya nito saka nakapagpa-reserve na ito. Nahiya tuloy siya bigla. Pero naiilang kasi talaga siya.
"Pasensya ka na talaga, Aiden. Nakakahiya sa 'yo. Inaya mo pa naman ako tapos..."
"Hey, huwag kang malungkot," sabi nito at iniangat ang baba niya. "Ayokong makita na malungkot ka. Sige, kung ayaw mo talaga rito, hindi kita pipilitin. Anyway, kaya naman kita gustong dalhin dito ay dahil gusto ko na maging masaya ka. Gusto ko na ma-enjoy mo ang pagkain dito. Pero paano mo mararamdaman iyon kung naiilang ka, 'di ba? So, sa iba na lang tayo kakain. Saan ka ba mas komportable kumain?"
"Okay lang ba kahit saan?"
"Yes, basta alam ko na magiging masaya ka. Iyon ang importante sa akin."
Napakurap si Riley sa sinabi nito. Bakit pakiramdam niya ay natuwa siya nang sinabi nitong importanteng maging masaya siya? Binibigyan lang ba niya ng double meaning iyon? O, tama ang nararamdaman niya?
Napailing siya. Imposible. Malamang na pasasalamat ito ng binata dahil sa pabor na hiniling nito sa kanya. Syempre ay isa itong magulang at ang tanging gusto lang nito ay maging masaya ang anak. Tama, grateful lang ito.
"Ngiti ka na."
Pilit siyang ngumiti.
"Hindi ganyan. Ganito dapat." Nag-muwestra pa ito na kita ang mga ngipin sa taas at baba. Hindi niya tuloy napigilan ang matawa. "That's it! Ganyang ngiti ang gusto ko." Sa pagkabigla niya ay pinisil na naman nito ang pisngi niya. "Let's go?"
"Nakakailang pisil ka na sa pisngi ko, ha? Kapag nagkapasa ako sa kakapisil mo, lalagyan ko ng sipit 'yang ilong mo."
"Bakit ko hahayaan na magkapasâ ka? Hindi mangyayari 'yon dahil ang mga katulad mo ay dapat na iniingatan, inaalagaan at minamahal."
"M-minamahal?"
"Oo, bakit?"
"W-wala naman," sabi na lang niya saka nag-iwas ng tingin dito. Diyos ko! Ano ba itong nararamdaman niya? Medyo weird lang.

Sweet Experiment (Approved under PHR)Where stories live. Discover now