Taon-taon ay may ginaganap na Kaogmahan sa aming lugar. Isa iyon sa mga pinakamasaya na okasyon na ipinagdiriwang namin.
Ngayong taon ay napili ako bilang isa sa mga mag-aayos sa napakadaming inihandang mga laro, at iyon ay ang Amazing Race at Color Fun Run.
Inumpisahan namin ang kasiyahan sa pananalangin at pagpapasalamat sa Poong Maykapal sa napakagandang araw na iginawad niya sa amin. Pagkatapos ay inumpisahan na ang Zumba na nagsisilbi bilang warm-up sa susunod na laro; ang Color Fun Run. Mag-uumpisa sila sa pagtakbo kapag narinig na nila ang pagpaputok ng baril. Mayroong limang istasyon, at sa bawat istasyon ay may mga kulay na ibubuhos sa iyo. At sa bawat istasyon ay mayroon ring mga tubig para sa mga nauuhaw na tumatakbo.
Pagkatapos ng Fun Run ay sinimulan naman agad ang Laro ng Lahi. Maraming laro ang inihanda ng mga nakatakdang mga pasiliteytor. Mayroong Trip to Jerusalem, Agawan Base, Luksong Baka, Patyaw, Sack Race at Patintero.
Pagkatapos nama'y sabay-sabay kaming kumain ng pananghalian sa paraang Pinoy parin; boodle fight. Maraming barayti ng mga lokal at tradisyunal na pagkain na talagang nakakatakam at nakakabusog.
Pagkatapos no'y nagsimula na ulit ang laro sa pamamagitan ng Amazing Race. Mayroong binuong tatlong grupo at kung sino ang unang makakarating sa finish line ay siyang idedeklara na panalo. Hindi na ako sumama sa kanila dahil isa ulit ako sa mga pasiliteytor na napili para sa isa sa mga istasyon doon. Napunta ako sa istasyon na "Sound and Tell." At kailangan naming iparinig sa kanila ang mga bagay na aming dala ngunit, may takip ang mga iyon. Gamit ang kanilang tainga ay kailangang mapangalanan nila iyon ng tama, upang makuha nila ang stub para sa susunod na istasyon.
Ang pinakahuling istasyon ay isang resort. Ngunit, hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Pagkarating ng lahat sa resort ay mayroon pang pinakahuling hamon. Gamit ang grupo sa Amazing Race, ay iyon ulit ang gagamitin na grupo para sa panghuling hamon; ang sisid marino. Maghahagis ng sandamakmak na barya ang mga pasiliteytor sa pool at sa loob ng limang minuto ay kinakailangang makakuha sila ng pinakamaraming barya na kaya nilang isisid. Ang grupo na may pinakamarami ang siyang idedeklara na panalo. Nakakalungkot nga lang dahil hindi kami pinayagang sumali, dahil hindi raw magiging patas iyon.
Pagkatapos no'y nagsilanguyan na kami hanggang sa mapagod kami at idineklara na ang mga nanalo. Kaming mga pasiliteytor ay binigyan rin ng maliit na token bilang pasasalamat sa binigay naming oras at pagod.
Aaminin ko'y nakakapagod talaga ang Kaogmahan ngunit isa iyon sa mga hindi ko malilimutan na pangyayari sa aking buhay. Hindi matutumbasan ang libo-libong pinaghalo-halong emosyon na naranas ko bilang isang pasiliteytor. Isa ang Kaogmahan 2016 sa mga hindi ko kailanma'y ipagpapalit sa kahit ano man sa mundong ito.