Ikalimang Kabanata

79 2 0
                                    

Ikalimang Kabanata

Sumapit ang umaga na hindi namamalayan ni Jill, ni hindi niya nagawang umidlip man lang dahil sa mga alaalang iyon. Paano siya makakatulog kung paulit-ulit niyang naririnig ang salitang “Halimaw” mula sa batang lalaking iyon.

Nanghihina ma’y nagpasya na siyang kumilos upang makapasok sa eskwelahan. ‘Wag sana niyang makita sa eskwelahang ito dahil nakakaramdam siya ng takot dito. Hindi niya alam kung bakit pero pakiramdam niya ay mayroong mangyayaring masama sa kanya sa oras na magkita silang dalawa.

Kahit anong gawin niyang pilit upang alalahanin ang mga nangyari bago namatay si Jack ay hindi talaga niya maalala. Nananatiling malabo ang lahat. Ang huling natatandaan niya lang ay inutusan sila ng kanyang ina upang mag-igib ng tubig noon at pagkatapos noon ay wala na.

Mahinang mga katok ang nakakuha ng pansin niya. “Jill, oras na anak. Ma-le-late ka na sa pagpasok.” Boses ng kanyang ina iyon. Wala na tuloy siyang nagawa kundi magmadali, sigurado kasing magtatanong lang ang kanyang ina nang kung anu-ano kapag nakita siya sa kalagayan niya ngayon.

“Maliligo na ho ako, Mommy.” Balik sigaw niya dito.

***

“Hoy, bakit kanina ka pa tulala? Lutang ka na naman.” Pagdanggil sa kaliwang braso ni Jill ang tila nagpaalala sa kanya na nasa eskwelahan siya at naglalakad ngayon sa koridor patungo sa susunod nilang klase. Hindi niya namalayang natapos na pala ang una nilang klase nang dahil pa rin sa sobrang pag-iisip.

“Crissa, halimaw ba ako?” Hindi na niya napigilang itanong dito dahil wala naman siyang ibang mapagsasabihan.

Tila nagulat ito sa kanyang tanong ngunit hindi rin nagtagal ay tumawa din ito ng mahina. “Kung ikaw ay halimaw, ano pa ako?” Sabay turo nito sa sarili.

“Seryoso kasi.” Hindi niya mapigilang angilan ito dahil nawawalan na siya ng pasensya.

“Jill, nakatulog ka ba? Kung anu-ano na iyang pumapasok sa kokote mo. Hoy! Alam kong bangag tayong lahat ngayon nang dahil sa pesteng paghahabol natin ng mga exam at projects pero please lang. Saan mo naman nakuha ‘yang ideya na iyan?” Nakangiting tanong nito habang naglalakad pa rin.

Napahinto si Jill na siyang ikinabigla ni Crissa. Umikot ito upang tingnan siya na ngayon ay seryoso na ang mukha.

Bumuntong hininga muna ito bago nagtanong. “Sino ang nagsabi sa ‘yo niyan?”

Biglang nag-alangan si Jill kung sasabihin nga ba n’ya sa kaibigan ang tungkol kay Louie. “Si… Louie.”

Napakunot ang noo nito. “Sinong Louie?”

“Si Louie, bestfriend ni Jack noon.”

“Jack? As in ‘yung kakambal mong namatay?”

Tanging tango na lamang ang kanyang naisagot dito. Saglit niyang nakita ang pagtangis ng bagang nito ngunit nawala din agad. Pinalis na lang niya agad sa kanyang isipan at inisip na lang na baka namamalikmata lang siya.

Jack and JillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon