Hindi niyo man ako nakikita, nandito lang ako palagi.
Hindi niyo man ako maramdaman, palagi akong nagmamasid.
Ewan kung dapat ko bang pasalamatan ang kakayahang sumpa kung maituring. Ngunit sadyang wala akong magagawa dahil isa lamang akong KALULUWA.
Kung paano at kailan nagsimula? Walang nakakaalam.
Nagulat na lamang ako ng isang araw kahit ano pang sigaw ko, kahit saan man ako pumunta. Hindi ako naririnig at nakikita.
Kahit ang humawak ay hindi ko magawa, lumalampas lamang ang aking katawan sa mga ito.
Sinubukan kong humingi ng tulong, ngunit ni magparamdam ay hindi ko magawa.
Naaalala ko noong nakinood ako sa telebisyon ng isang malaking bahay kung saan nakakatakot ang palabas, na ang kaluluwa'y nagpaparamdam.
Kung maaari ko lamang ipaabot sa kanila, ang kamalian ng kanilang imahinasyon.
Ako nga pala si... Ahh... Nakalimutan ko wala nga pala akong ala-ala.
Dahil gusto ko rin matulad sa mga tao, binigyan ko ng pangalan ang sarili ko.
"Victor. Tama. Ako si Victor" sambit ko sa sarili.
Ano kaya ang magandang gawin ngayong hating gabi?
Ganito ang mahirap sa pagiging kaluluwa maliban sa hindi napapansin. Hindi ginugutom, hindi inaantok, hindi makaramdam. Paano kaya ako mamatay? Kung maaari lamang sana.
Ngunit kahit hindi ako inaantok, gusto ko pa ring matulog kaya pupunta ako sa isang maganda at malaking bahay.
"Ayon! Gusto ko yung bahay na yan."
Muli, pumasok at makikitulog na naman ako sa bahay ng ibang tao.
Isang bahay na kakaiba. Halos pinalibutan ng mga salamin. Kahit kaluluwa lamang ako, nakikita ko pa rin ang aking repleksyon. Ako nga lang ang nakakakita. Ewan ko, pero parang iba ang pakiramdam ko dito.
Inilibot ko ang aking paningin, ngunit sadyang katahimikan lamang ang naririto.
Sadyang malaki ang bahay. Pumasok ako sa isang silid at nasorpresa ako ng makita ang isang babae na mahimbing na natutulog.
"Napakaganda niya." Sa pagkakatanda ko, ni minsan hindi ko pa naranasan ang makaramdam. Ngunit, bakit parang may mga paru-paru na umiikot sa aking kalamnan na nagpapahina ng tuhod ko?
Hindi ko maalis ang paningin ko sa kanya. Kung maaari niya lamang marinig ang tinig ko'y malamang kinantahan ko na siya sa kanyang pagtulog.
Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang ilihis ang atensyon ko maraming mga litrato niya at pangalang Victoria, kaya nahihinuha kong iyon ang pangalan niya. Ngunit mas lalong nag-iba ang aking pakiramdam ng makakita ako ng isa litrato. Ang mga taong nasa litrato... Hindi ako maaaring magkamali.
Ako ang lalakeng nasa litrato at kasama ko doon ang babaeng natutulog.
Hindi ko mapaliwanag ang gulong tumatakbo sa isip ko. Ano ang ibig sabihin nito? Paano?
"Rodel? Nararamdaman ko. Nandito ka."
Nagulat ako sa tinig mula sa aking likod.
Ang natutulog na babae at ngayo'y gising na. Rodel? Sinong Rodel?
Tumayo siya at may ikinuha sa kanyang kabinet. Ewan ko kung ano ngunit parang makinang may dalawang mahabang plastik sa dulo. Pinaandar niya ito at laking gulat ko ng biglang tumuro sa direskyon ko ang dulo ng plastik.