PAW’S POV
Wala ng tao sa bahay ng naisipan kong bumaba. Siguro kung wala akong katangahan na ginawa ngayon, iisipin kong maaga na namang umalis para sa trabaho sila Momsy at Popsy tapos si Neri, as usual, ngarag sa nursing.
Pero hindi eh, hindi ko maiwasang isipin na iniwan na nila ako. Iniiwasan nila akong makita. Ayaw na nila sakin.
Ayoko namang pumasok muna sa trabaho na ganito ang sitwasyon ko. Baka kung ano pang masabi ko sa mga kliyente ko. Ayoko na ring istorbohin si Jecca, tama naman kasi siya eh. Hindi lahat ng atensyon at oras ng mga taong nakapaligid sakin ay para sakin.
Masakit pakinggan pero tama.
Ngayon ko lang din nalaman na the day after tomorrow na pala yung kasal na dapat inihintay ko. Pero bakit ganun? Parang ayoko ng dumating yung araw na yun.
Huminga muna ako ng malalim bago ko binuksan ang pintuan ng bahay namin, pilit kong pinapasok sa isip ko na marami ng nagbago nung mga nakaraang araw, at asahan ko ng mas madami pang magbabago ngayon.
Saan ako pupunta ngayon?
Dun sa lalaking minahal na nga ako, nagpakatanga pa akong maghanap ng iba. Kahapon lang tumigil ng tumawag sakin si Jecca pati na siya, si Fabian.
Sa totoo lang, kinakabahan ako. Alam ko kasing magagalit siya sakin, pero bakit kaya hindi ko naisip na may mga magagalit talaga sakin? Ang impulsive ko kasi eh, galaw na lang ako ng galaw bigla, hindi na ako nag-iisip ng mabuti.
Sinadya kong pumunta sa kanila ng 2PM kasi vacant niya ’to bago yung 5PM class niya sa hapon. Actually, hula ko lang na nasa bahay nila siya kasi pag-ganito at normal ang lahat? Kasama ko siyang kumakain sa labas.
Nag-taxi ako papunta sa kanila at nag-doorbell. Pinagbuksan naman ako ni Yaya Rita, ningitian ko lang siya pero hindi niya ako ningitian. Naparanoid tuloy ako, alam na kaya niya? Si Fabian? Alam na ba niya?