Chapter 4

681 32 5
                                    

"PAANO ka nakaligtas?" tanong ni Roger.

Nag-iwas ng tingin si Celine. "Sa totoo lang, hindi ko na masyadong maalala pa ang ibang mga detalye. Ang alam ko lang, dumating ang mga pulis. Hinuli nila ang mag-asawa. Iyong ibang mga aswang, nakatakas. Nabantog ang baryong 'yun na tirahan ng mga aswang. Hindi na ako bumalik sa lugar. Wala na akong ibang balita sa mga nangyari sa kanila pagkatapos ng gabing 'yun."

"I'm sorry. Hindi ko alam, Celine."

"Paano natin ililigtas ang mga anak natin mula sa kanila?"

Napatiim-bagang si Roger. Medyo natatakot siya na isiping 'di normal na tao ang kalaban nila. Pero galing siya sa pamilya ng mga sundalo. At hindi siya pinalaki ng ama niya na duwag.

"Babawiin ko ang anak natin."

May kalakip na address ang box. Para mabawi sina Cindy at Claire, kailangan nilang puntahan ang lugar na sinasabi sa address.

#

NABUGAW ang katahimikan sa abandonadong warehouse sa tagong bahaging 'yun ng Laguna dahil sa tunog ng pagpagaspas ng mga pakpak. Umalimpuyo ang pinagsamang buhangin at maliliit na mga bato sa pagtapak ng isang pares ng mga paang may mahahabang kuko.

Gumuhit ang kidlat sa himpapawirin at tila naging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng itim na nilalang na 'yun na may mga pakpak. Nagsimula ang pagbabago sa paglubog ng mga pakpak nito hanggang sa malantad ang hubad na likod at paglitaw ng gulugod ng isang magandang babae.

"Nasaan sila?" maawtoridad na tanong nito.

Umilaw sa pusikit ng kadiliman ang ilang pares ng mapupulang mga mata.

"Mahal na supremo..." Nag-alis ng suklob ang babaeng nagtataglay ng magagandang mga mata at mapupulang mga labi. "Maligayang pagdating."

"Tigilan mo ako ng mga biro mong ganyan, Isabel," walang kangiti-ngiting sabi ng babaeng bagong dating na walang iba kundi si Mariz. Sinipat ng dalaga ang ibang mga kasamahan nilang naroroon. Lahat sila, iisa ang hangarin – ang makapaghiganti. "Nasaan ang mga bata," tanong niya niya sa pinakamalamig niyang tinig. Walang mababakas na ekspresyon sa mukha niya.

"Nasa loob," tugon ni Isabel. "Halika."

Sumunod si Mariz kay Isabel. Sumalubong sa kaniyang ilong ang amoy ng alikabok. Ang bodegang iyon ay dating pinagtatambakan ng malalaking tubo na ginagamit sa pagdi-drilling. Nasa bulubunduking bahagi iyon ng Laguna. Sinadya nilang magkuta sa bodegang malayo sa tinitir'han ng mga tao.

Saglit na natigilan si Mariz nang mapagmasdan ang dalawang paslit na kasalukuyang wala pa ring malay sa loob ng isang maliit na kulungan. Sariwa pa sa isip niya na minsan na ring nasadlak sa ganung sitwasyon ang ina ng mga bata.

Ang kanina'y walang emosyon niyang mga mata ay nababakasan ngayon ng poot.

"Gusto ng mga kasamahan nating pagsalu-saluhan na ang mga bata. Gutom na sila," anang ni Isabel.

Umiling si Mariz. "Hindi sila naririto para maging hapunan. 'Andito sila para maging pain." Pinagmasdan niyang maigi ang mga bihag, lalung-lalo na ang higit na nakababata sa dalawa. Kamukhang-kamukha ito ng babaeng 'yun. "Gusto ko ulit makita mata sa mata ang halimaw na 'yun," makahulugang sabi niya at saka niya binalikan ang nakaraan.

#

"TULUNGAN mo ako."

Iyon ang unang beses na nakita ni Mariz ang babaeng 'yun. Marami itong pasa at sugat sa katawan. Luhaan ito.

Nakaramdam ng awa ang labintatlong taong gulang na si Mariz. Sa musmos niyang isipan, batid niya na kung anong sasapitin ng babae.

Lumapit si Mariz sa direksiyon ng babae at napahawak sa bakal na kulungan nito. Ngayon niya ito nakita nang malapitan. Maganda ito at mukhang mabait.

CelineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon