10-Haplos

20.1K 859 288
                                    

Nakarating si Tammy sa salas at naabutan sila Juan at Manuel na magkatabing nakaupo sa may silya. Nandoon na agad si Dario sa tabi ni Manuel, na kasalukuyang nagkukwento tungkol sa pangyayari.

"Pauwi kami dito nang naabutan kami ng grupo nila Sarrael. Inaasar nila kami tungkol sa pagiging Indio. Maglalakad sana kami palayo pero hinablot ako ng damuhong iyon sa may kwelyo at sinalubong ako ng suntok. Napasalampak ako sa lupa at balak lumaban ni Juan, ngunit sinuntok din siya. Kaya ang nangyari ay pinagtulungan din kami pareho. Nagtatakbo sila palayo nang makita na wala na kaming laban."

Halatang hinang-hina ang dalawa; si Juan ay hindi makakilos o makapagsalita habang ang isa nilang kasama ay kasalukuyang ginagamot ang kanyang mga pasa sa mukha. Si Manuel ay pinipilit magpakatatag kahit na siya ay nawalan na ng lakas. Pinunasan niya ng panyo ang kanyang dumudugong ilong.

"Dapat talaga harapin natin ang pangkat nila Aron Sarrael at ng mga Kastilang Bangus na iyan!" Sigaw ni Dario. "Ayaw nila tayong tigilan!"

"Anong narinig ko?!"

Tumahimik ang lahat nang dumating si Aling Simang.

"Aling Simang... Sinugod sila Juan at Manuel ng grupo nila Sarrael," paliwanag ni Emilio, na nasa likuran ni Tammy.

"Alam ko iyang iniisip niyo, at di ako papayag na gumanti kayo sa kanila!" Tutol ng matanda.

"Pero Señora, ilang beses na po kami nilang binubuska!" Wika ni Dario. "Hindi ba, mga kasama?" Tanong niya sa iba.

Lahat ay sumigaw ng "Opo!"

"Dapat silang matigil! Inagawan nila ako ng salapi noong isang araw!" Galit na sinabi ng isa pang binata.

"Pati si Emilio, inaasar din nila. Hindi lang siya nagsasalita." Tinignan ni Manuel si Emilio na parang inuudyok siya na magsalita tungkol sa pangyayari. Nanahimik lang ang binata at halatang nag-aalangan sa kung anong gagawin.

"Tandaan niyo, ang pagganti ay hindi solusyon," diin ni Aling Simang.

"Señora, dapat na ito ay matigil!" Pag-aalala ni Dario.

"Hala, mag-isip muna kayo bago niyo gawin ang inyong binabalak." Hindi niya pinansin ang nag-aalalang mga mukha ng mga binata.

"Tami, kunin mo ang gamot, at gamutin mo sila Juan at Manuel. Sumunod na lang kayo pagkatapos. Kayo diyan, dumulog na kayo sa lamesa at kumain na," utos niya.

Naglakad palayo ang mga binata at naiwan sa salas sila Juan, Manuel, Dario, at Emilio. Nagpresenta si Tammy na kukuha ng gamot mula sa kalapit na aparador sa may kusina. Agad niyang nakita ang gamot na nasa malinaw na bote. Nang bumalik siya ay inabutan siya ni Dario ng puting panyo.

"Ilagay mo na lang dito. Ako gagamot kay Juan. May gamit kami dito. Ikaw bahala kay Manuel," wika nito.

Sinunod ni Tammy ang bilin ni Dario. Lalapitan na niya sana si Manuel ngunit tumayo ito at naglakad papunta sa kanyang kwarto.

"Manuel..."

Hindi siya nilingon ng binata. Kaya napilitan siya na sundin ito sa kanyang kwarto. Nangahas na si Tammy kahit alam niyang hindi siya pwedeng pumasok sa silid ng mga lalaking okupante, pwera na lang kung wala sila at kailangang magpalit ng mga sapin sa higaan.

Nakarating siya sa pintuan at marahan itong tinulak.

"Manuel?"

Nakita niya itong nakaupo sa gilid ng kama at nakatapat pa rin ang panyo sa ilong.

"Iwan mo na ako, Binibini," wika niya. "Ako na gagamot sa sarili ko... Sa ngayon, gusto ko muna mapag-isa."

"Hindi natin pwedeng pabayaan ang iyong mga sugat, lalo na at matutulog ka ng ganyang lagay tapos gutom ka."

Inangat ni Manuel ang kanyang ulo at masinsinang tinignan si Tammy na nakatayo sa may pintuan.

Hindi umalis ang dalaga. Kaya ganito ang naging tugon ni Manuel:

"Oh siya, papayagan kitang gamutin mo ako."

Lumapit si Tammy at naupo sa tabi niya. Kanyang sinigurado na may espasyo pa rin sa pagitan nila. Nagsalin siya sa panyo ng likido na nasa bote at dinampi ito sa pasa ni Juan sa may ilalim ng mata. Napangiwi ang binata dahil mahapdi ito, pero di naman siya nagreklamo.

Nagpatuloy si Tammy sa paggamot sa mga sugat ni Manuel sa mukha, leeg, at mga braso. Nang matapos na siya, sinabi niya kay Manuel:

"Sana maging maayos ka na. Halika na at kumain na tayo."

Tatayo na sana siya ngunit inabot ni Manuel ang kanyang kamay.

"Huwag ka munang umalis. Dito ka lang sa tabi ko."

Nanatili si Tammy at nailang dahil hawak ng binata ang kanyang kamay. Mas lalo siyang nagulat nang tinapat ni Manuel ang palad niya sa pisngi nito. Wala lang siyang sinabi. Nakadampi ang palad ni Tammy sa kanyang pisngi. Magulo ang buhok niya dahil sa away kanina at bakas ang pagod sa kanyang mga mata. Ngunit isang ngiti ang sumilip sa kanyang mga labi.

"Ang iyong haplos ang nagpaligaya sa aking galit na kaluluwa."

Huh? Pag-iisip ni Tammy.

Lumawak ang ngiti ni Manuel. Pinakawalan na niya ang kamay ng dalaga pagkatapos at sinabing, "Kumain na tayo."

Lumabas siya ng kwarto habang naiwan sa loob si Tammy. Natulala siya sa nangyari.

Ang kinis ni Manuel, at heart-warming ang ngiti niya... Teka bakit ko ito naiisip? Baka magalit si Aling Simang pag nalaman niyang hinawakan niya kamay ko! Naku, ayoko pa mag-asawa!

Nagmadali siya sa pagtayo at lumabas na rin ng kwarto para maghapunan. Hindi niya mawari kung bakit parang ilang na ilang siya at may kakaibang pakiramdam sa ginawa ni Manuel.

(Itutuloy)

A/N: Short update! More to come!

Luh, bakit naging ganoon si Manuel?!

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon