Kung susuyurin mo ang kahabaan ng eskinitang ito wala kang makikitang kakaiba. Mga batang naglalaro, yung iba nakahubad na, yung iba naglalaro gamit ang kahit na anong kasangkapan sa bahay at nagkukunyaring ito ay baril o laruang de-gulong. May mga kalalakihang napakaaga eh nasa kalsada na at nagsususnog ng baga, at siempre, mawawala ba ang mga kababaihang nabubuhay sa tsismis. Tipikal na ito sa mga kalye sa Manila. Masisisi mo ba sila gayung iyon na ang kinalakihan nila? Pero bukod doon, kung titingnan mo nang mas malalim... makikita mong kahit sa payak nilang pamumuhay, masaya sila.
At ganoon din tayo dati.... masaya.
Habang tinatahak ko ang eskinitang iyon papunta sayo, alam kong sa maikling panahon na iyon, makakalimutan ko ang kaguluhan ng mundo. At nakakalimutan ko nga ang mundo. Ang alam ko lang, sa mga maiikling oras na iyon, masaya akong kasama kita, nakakasamag kumain, nakakasamang maglakad sa kalagitnaan ng gabi, at mahimbing akong natutulog sa tabi mo. Sa umaga naman, kahit na pupungas pungas akong naglalakad at pinagtitinginan ng tao, masaya pa rin akong batiin ang araw, bagama't nalulungkot akong iiwan ka, at matagal na namang makikita. Umaraw, umulan, masaya akong tinatahak ang maputik na daang iyon.
Pero alam natin na sa simula pa lang...., kahit anong pilit nating ilawan ang eskinitang ito, hindi ito magliliwanag sa kadiliman ng gabi. Hindi ito makakabighani ng mga taong lumabas sa mga bahay nila at tingnan ang kagandahang nakikita ko.... Mananatili lamang itong isang magulo, maputik at madilim na eskinita.
Tuwing napapadaan ako sa eskinitang ito, napapangiti na lang ako. Dahil alam kong alam mong minahal kita kahit sa mumunting paraan, kahit sa maikling sandali, at kahit sa mga di inaasahang pagkakataon.
Magbago man ang kapaligiran, mawala man ang mga mukhang nakadungaw sa mga bintana, at magsilakihan man ang mga batang naglalaro.... mananatiling buhay ang eskinitang ito.