Tabula Rasa

362 23 7
                                    

Tema: Kuwento ng Pagbabago

Kasama ng mga karton at sira-sirang mga kahoy, ilang buwan na akong nagtitiis sa loob ng madilim na kuwartong ito. Hubo't hubad.

Mayroong mga pagkakataon na gusto ko nang maglaho hanggang makapunta sa alapaap ng pagkalimot. Sawang-sawa na ako sa mundong ito. Walang pagbabago.

Isang araw, naramdaman kong mayroong bumuhat sa akin. Inilapag niya ako sa sahig. Hinaplos-haplos ang aking katawan.

Marahil, ito na ang panahon. Gagamitin na niya ako kagaya ng kaniyang paggamit sa aking mga kasamahan noon.

"Babaguhin din kita," saad niya.

Sa kaniyang paghaplos sa akin, isinasabay niya ang paglalagay ng kulay gamit ang kaniyang instrumento. Unti-unti akong nakaramdam ng sarap na hindi kayang ipaliwanag ng kahit anong uri ng pangungusap.

Halo-halo na ang mga kulay na ngayo'y bumabalot sa aking katawan mula sa aking pagiging blangko. Mayroong mahika ang kaniyang paghagod. Isinasama niya ako sa kaniyang mundo. Sa kawalan. Sa isang bagong dimensyon.

Napapikit ako.

Unti-unti, natapos na ang kaniyang ginagawa.

Ilang sandali pa'y muli niya akong binuhat at inilagay sa isang kuwadrado. Isinabit sa dingding. Tinitigan.

"Isa ka nang obra," bulong niya habang nilalasap ang aking pagbabago.


HagibisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon