CHAPTER 4

1.1K 36 3
                                    

CHAPTER FOUR

ISINANDAL ni Irene ang walis tingting sa puno ng mangga sa bakuran nila pagkatapos ay patingkayad na umupo. Isa-isa niyang binunot ang mga nagtataasan nang damo sa bakuran nila. No wonder, kaya pala payat at hindi na lumaki ang mga rose na itinanim niya roon ay dahil naaagaw ng mga damong ito ang sustansya.

"Biruin mo, hanggang sa halaman pala may agawan pa rin." Nilinis niya ang paligid ng patpating rosas. "Huwag kang mag-alala. Makakabangon ka rin, lulusog ka rin, mamumulaklak ka rin at makakatayo ka rin ng walang iniindang sakit sa dibdib."

Napatigil siya sa ginagawa at napatitig sa rosas. Itong rosas ba talaga ang sinasabihan niya niyon o ang sarili niya? Wala naman kasing dibdib ang halaman.

Both na lang siguro. Mahirap mamili. Palaging may nasasaktan.

Tinanggal niya ang mga lanat na dahon ng rosas. Kesa magmukmok sa apat na sulok ng silid niya ngayong Sabado ay inaabala niya ang sarili sa paglilinis ng bakuran nila. Nakakapagod din pala i-replay sa utak ang kasawian niya sa pag-ibig. Hindi lang masakit sa puso, masakit din sa ulo. Isa pa ay para hindi magtanong ang nanay at kuya niya sakaling magkulong na naman siya sa kwarto niya.

"Sabay tayong babangon, friend. Hindi habang buhay nasasaktan tayo. Hindi habang buhay tayo yung parang unti-unting pinapatay sa loob hanggang sa hindi na tayo makahinga," patuloy na kausap niya sa halaman. Binunot niya ang mga ugat ng damo sa paligid nito. "Ang payo ko lang sa iyo, huwag mong masyadong mamahalin itong mga damong ito, ha? Iba kasi tayong magmahal, eh. Nagiging bobo at tanga tayo. Mahirap magpakatanga, friend."

Kung tao lang siguro ang rosas na ito ay baka pinapalakpakan na siya nito sa mga payo niya. Ano'ng magagawa niya? Kahit sabihin niyang nagmo-move on na siya, hindi niya maipagkakailang masakit pa rin.

"Pero alam mo, kahit masakit tinatanggap ko na lang. Ayos lang. Masaya naman sila." Pinunasan niya ang luha niyang kumawala sa nag-iinit na mga mata niya. "Shet, nagiging dakila na ako. Magpapabaril na talaga ako sa Luneta."

Busy pa rin siya sa pakikipag-usap sa mga halaman at damo nang marinig niya ang boses ng kanyang ina. Natanaw niya itong papasok ng gate. Masaya pa itong nakikipag-usap sa kung sinong kasama nito sa labas.

Malamang nakikipagtsikahan sa taxi driver para buhatin ang sandamakmak na grocery nito nang walang extra charges. Isa sa isang lingo lang kasi ito kung mamalengke kaya sa tuwing uuwi ito ay hindi magkandadala sa mga pinamili.

"Naku, iho. Salamat sa pagtulong. Pero pwede bang makisuyo na tulungan mo na rin akong ipasok sa loob ng bahay ang mga ito? Pasensya ka na, ha? Hindi ko kasi kaya ang mga iyan," magiliw na wika pa ng kanyang ina sa kausap nito.

Napabuntong-hininga siya. Ang nanay niya talaga. Inayos niya ang mukha bago tumayo at pumasok sa bahay.

"Kuya Earl!" Kinalampag niya ang silid ng kapatid na sigurado siyang nakahilata pa sa higaan nito. "Kuya, andito na si mama. Tulungan natin siyang magpasok ng mga binili niya! Kuya!"

Nagkukusot pa ng mga mata ang kapatid niya nang pagbuksan siya ng pinto. "Ang ingay mo."

"Nakakahiya doon sa taxi driver. Nautusan na naman ni mama."

"Babayaran niya naman iyon."

Pinandilatan niya ito. "Sa kuripot na iyon ni mama?" She rolled her eyes. "Kaya tara na."

"Teka, ang dumi ng kamay mo!"

Inaalis nito ang may lupa pang kamay niya habang hinihila niya ito pababa ng bahay.

Naabutan nila ang kanilang ina na binubuksan ang main door bitbit ang malalaking supot.

"Pasok ka. Pasok. Huwag kang mahiya," kausap nito sa nakasunod dito.

JUST SMILE  (The Rebel Slam Special Chapters)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon