Muling nagtama ang ating mga tingin. Tila isang sinyales na sana may isang kumibo.
Sana may isang salitang maligaw.
Matagal.
Matagal ang titig, ngunit nagkakapaan pa rin tayo kung sino ang kikibo.
Kung sino ang mangangamusta o sino ang unang liliko.
Ang pagtama ng ating mga mata ay hindi kagaya ng ating simula.
Hindi ko alam kung gusto ko bang matuwa o gusto kong lumuha.
Matutuwa ba ako dahil ang mga mata nati'y nagtamang muli? O luluha dahil hindi na tayo katulad ng dati?
Hindi pa rin naalis sayo ang aking mga mata.
Ngunit napagdesisyunan kong ituon na lamang ang mata ko sa ibaba.
Napagdesisyunan kong yumuko, lumiko at hayaan ka na maging masaya.
Ngunit papalayo pa lamang ako nang maramdaman kong dumampi sa akin ang malamig mong kamay.
Napatitig akong muli sayo at nakaramdam ng kirot sa aking puso.
Gusto kong tanggalin ang pagkakahawak mo.
Gusto kong tumakbo palayo at ilabas lahat ng tubig sa mata ko.
Ngunit para akong napako sa kinatatayuan ko.
Ang iyong mata, ang iyong mukha, ang iyong kamay ang siyang dahilan kung bakit napahinto ako.
Narinig ko ang bulong ng malamig mong boses.
Hinatak mo ako papunta sa nakasanayan nating puntahan. Narito nanaman tayo sa puno kung saan nakaukit ang ating mga pangalan.
Nakaupo tayong dalawa.
Magkadikit ang ating mga braso.
Ako sana ang babasag sa katahimikan, ngunit bigla mong pinangunahan.
Naginit ang gilid ng mga mata ko nung sinabi mo sa akin na dapat na kitang Kalimutan.
Na madami ng nagbago at hindi na maibabalik pa.
Na masasaktan lang tayo kapag nagpatuloy pang umasa.
Hindi ko kinaya.
Hindi ko alam kung kakayanin ko ba. Bigla kong naalala ang araw na sobra tayong nagmamahalan.
Dito sa lugar na nakasanayan nating puntahan.
Ramdam ko na gustong gusto mo na itong wakasan. Iiwan mo na ako, ngunit hindi ako nakapagpigil at ikaw ay aking hinawakan.
Hihiling ako.
Pwede bang kahit sa ilang saglit maramdaman ko?
Pwede bang kahit sa ilang saglit payakap ako sayo?
Pwede bang kahit sa ilang saglit mahawakan ko ang kamay mo? Kahit na alam kong hindi na ako mapapaso dahil sa sobrang lamig nito?
Pwede ba? Pangako magiging masaya ako sayo kahit wala ka sa tabi ko at hindi na kita guguluhin pagkatapos nito.
Kahit ilang saglit lang, mahal ko.Sa malabong paningin ko, nakita ko ang pagpunas mo sa luha mo.
Muli kang umupo sa tabi ko. Tinitigan at pinunasan ang luha ko.
Humingi ka ng patawad at humalik sa noo ko.
Hindi ko napigilan ang aking sarili at niyakap kita ng mahigpit kahit hindi mo ako niyakap pabalik.
Kumalas ako at muling tinitigan ang mata mo, pero ibinaba mo ito.
Sobrang nasasaktan ako sa mga sandaling ito.
Hinatak mo ako at inihiga sa dibdib mo. Muli kang humalik sa noo ko at sinabi mong minahal mo ako ngunit hindi ako ang kasama mo sa pagtatapos ng araw mo dito sa mundo.
Hindi ko na kinaya, masyado nang nabuhos ang aking luha. Naramdaman ko nalang na pumikit na ang mga mata ko at masaya akong makatulog habang yakap yakap mo.
Ngunit ang pag gising ko'y hindi ko nagustuhan.
Wala ka na sa tabi ko at lubha akong nasaktan.
Dito sa lugar kung saan natin pinangakuan ang habang buhay na pagmamahal, dito mo rin pala ako susukuan.
BINABASA MO ANG
Spoken Words
PoesíaPara sa mga taong nasaktan at iniwan. Para sa mga gustong magbasa ng mga TULANG MAY HUGOT.