Kabanata 2 . . . Postrum Walatrum

297 20 3
                                    


"Postrum Walatrum!"

-------'

Ilang linggo matapos ang gabing iyun ay ganap ng natuwa ang mahal na hari ng malamang nagdalangdwende na ang mahal na reyna. Ibinalita niya sa mga mamamayan ng reyno ang kalagayan ng reyna. Lahat ay natuwa sa kanilang nalaman. Lahat ay naghintay hanggang sa makalipas ang ilang buwan ay isinilang na ang tagapagmana ng reyno, isang napakagandang prinsesa, si Prinsesa Prettymini.

Lumipas ang mga taon ay ganap ng isang dalaga si Prinsesa Prettymini. Namumukod ang kanyang ganda sa lahat. Namumula ang kanyang makinis na kutis. Kulay asul ang kanyang mga mata na may mahahabang pilik. Natural na namumula ang kanyang mga manipis na mga labi na binagayan ng kanyang matangos na ilong. Mahaba hanggang baywang ang kanyang kulay gintong buhok. Humahalimuyak mula sa kanyang katawan ang isang kakaibang bango na siya lamang ang may taglay. Naging masaya ang buong reyno dahil sa kanya. Yun nga lang may kapilyahan ang kanilang prinsesa. Isang araw...

"Prettymini! Prettymini! Nasaan ka ba dyaskeng prinsesa ka?" Sigaw ng mahal na hari.

"Po? Nasa hardin po ako aking amang hari!" Pasigaw na sagot ng prinsesa.

Dumungaw ang hari sa may balkonahe. Nakita niya ang prinsesa sa hardin. Nakikipaglaro ito sa mga ibon.

"Halika nga rito sa itaas!" Atas ng hari.

"Sige mga mumunti kong kaibigan. Tawag na ako ni amang hari. Huwag kayong lalayo ha!" Sabi ng prinsesa sa mga ibon na ang iba ay nakadapo sa kaniyang balikat.

"Tweet! Tweet! Tweet!" Sabay-sabay na huni ng mga ibon. Tanging ang prinsesa lang ang may kakayahang makipag-usap sa ano mang hayop sa kaharian.

"Sapatos dalhin ninyo ako sa balkonahe!" Bulong ng prinsesa. Umangat siya sa lupa. Inilipad siya ng kanyang mga sapatos at inilapag sa balkonahe sa tabi ng mahal na hari.

"Bakit po aking mahal na ama?" Lumapit siya sa amang hari at hinalikan ito sa pisngi.

"Anak. Ano na naman ang ginawa mo kay Onyok? Nilagyan mo raw siya ng isang buntot ng unggoy." Sabi ng ama.

"Hi hi hi! Si Onyok po ba? Wala ho yun! Matatanggal din po yung buntot niya. Nagpraktis lang po ako sa bagong turong mahika ni Merlo!"

"Eh bakit si Onyok? Kawawa naman yung dwende. Noong isang araw ginawa mo raw higante yung isang manok sa palengke. Anak naman, ingatan mo yang kapangyarihan mo. Huwag mo sanang gamitin sa kapilyahan mo anak."

"Opo ama. Si ina ho?"

"Nasa silid namin. Masama raw ang pakiramdam. Mabuti pa ay puntahan mo." Atas ng kanyang ama.

"Opo mahal kong amang hari na ubod ng bait. Hi hi hi!" Hinalikan niya sa pisngi ang kanyang amang hari at umalis na naiwang pailing-iling ang hari.

Likas ang kapangyarihan ni Prettymini at hindi niya alam. Naalala pa ng hari noong sanggol pa lamang ang prinsesa. Nagagawa niyang palutangin sa ere ang kanyang mga laruan. Tawa ng tawa habang pinapaikot sa buong silid ang mga laruan niya. Minsan pati ang kanyang tagapag-alaga ay pinalutang niya sa ere. Sigaw ng sigaw ito sa takot dahil nakatulugan ng prinsesa ang kanyang ginawa. Mabuti na lamang at dumating siya. Naputol ang alaala ng hari ng dumating ang mensahero ng kaharian.

"Mahal na hari. May bisita ho tayo. Dumating ang mensahero ng kaharian ng Krokos. May mahalagang balita raw ho siyang dala para sa inyo" sabi ng mensahero.

"Sige papasukin mo." Umupo ang hari sa kanyang trono.

Pinapasok ng bantay ang mensahero ng Krokos sa bulawagan ng palasyo. Nakikilala ang mga Krokosian sa kanilang mga kasuotan at maging sa maitim nilang kutis. Maitim ang kanilang mga bonete. Yari sa katad ng hayop ang kanilang mga damit. Marurumi sila at may kakaibang amoy. Hindi sila naliligo dahil takot sila sa tubig. Isang patak lang ay mapapaso na sila. Makakapal ang kanilang kilay. Malalaki at pabilog ang kanilang mga tenga hindi tulad ng sa mga Mordavians na maliliit na patulis ng bahagya. Tamad silang maghabi ng tela para gawing damit hindi katulad ng mga Mordavians. Magaganda ang mga kutis ng mga Mordavians.

 "Prettymini". . .The Elf Princess (Complete / Under Edition )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon