PROLOGUE
NAG-ALALANG pinuntahan ni Nell Vern ang bahay ng Ate Marian niya. Ilang araw na itong nagkukulong sa kwarto nito at hindi halos kumakain. Tinawagan siya ng katulong nito at ipinaalam sa kanya na hindi na naman daw ito kumain at lumabas ng silid nito. Panay pa rin ang iyak nito.
Ilang araw nang ganun ang kanyang Ate simula nang malaman nito na may ibang kinakasama ang asawa nito. Dalawang taon pa lang itong kasal sa asawa nitong si Roland nang malaman nga nito ang kabalbalang ginagawa ng asawa nito.
Hindi nila akalaing magagawa iyon ng Kuya Roland niya sa Ate niya dahil sa sobrang bait nito noon. Since high school ay magsyota na ang mga ito hanggang sa nagpasyang magpakasal nang makapundar na pareho sa limang taong pagtatrabaho pagkagraduate sa college.
Hindi matanggap ng Ate niya iyon. Ilang araw din itong parang tangang bubuntot-buntot at nagmamakaawa sa asawa nitong bumalik ito sa piling nito. Pero hindi talaga naawa ito sa Ate niya.
Buntis na sa kasalukuyan ang kinakasama nito. Samantalang ang Ate niya ay nakunan naman noong nakaraang taon. Hindi niya lubos maisip na iyon ang dahilan ng Kuya Roland niya at iniwan nito at ipinagpalit ang Ate niya. Kung tutuusin ay pwede naman itong magbuntis ulit.
Pero ang sabi naman ng Mama niya ng malaman ang problema ng Ate niya, ganyan talaga ang mga lalaki kapag maagang nag-asawa at hindi na-enjoy ang buhay-binata. Maghahanap talaga ito ng ibang putahe. Ang Ate lang naman kasi ang naging girlfriend nito since high school hanggang sa mag-asawa na nga ang mga ito. Kumbaga sa ulam naumay daw ang Kuya Roland niya.
Nahintakutan siya nang marinig niyang tumili mula sa kabahayan ang katulong ng kanyang Ate. Nagmamadali siyang pumasok doon sa kabahayan at dumiretso sa kwarto ng Ate niya.
Nakita niyang nakahandusay sa sahig ang Ate niya na bumubula na ang bibig. Nilason nito ang sarili nito. Ginagap niya ang kamay nito. Pumintig pa ang pulso nito. Buhay pa ito. Nagmamadali niyang pinangko ito at mabilis na dinala sa hospital.
Habang nasa daan pa sila sakay ng kotse ng Papa nila na minamaneho niya ay nagsalita pa ito.
“Vern, kapag dumating ang araw na mag-aasawa ka. Mahalin mo ang iyong asawa. Huwag mong gawin ang ginawa sa akin ng Kuya Roland mo. Huwag ka na lang magpakasal muna kapag hindi ka pa sigurado sa sarili mo. For now, ienjoy mo ang buhay pagkabinata mo. Kasalanan ko rin naman kung bakit nagkaganito kami ng Kuya mo dahil masyado siyang nakagapos sa akin simula noon pa. Vern, ipangako mo ‘yan sa akin,” anang Ate niya na naghihingalo. Hawak-hawak niya ang kamay nito.
“Pangako Ate. Pangako,” aniyang mangiyak-ngiyak.
“Alagaan mo sina Mama at Papa, ha? Huwag mong bigyan ng sakit ng ulo,” dagdag pa nito na nakangiti sa kanya.
“Oo. Ate. Oo, gagawin ko,” aniyang nataranta na. Napaapak siya sa preno nang bumitaw na ito sa pagkakahawak niya sa kamay nito.
Hindi na ito umabot pa ng hospital at binawian na ito ng buhay. Napahiyaw siya sa sobrang sakit na naramdaman. He loves her sister so much. Silang tatlo ng Ate Mitch niya ay magkasundo rito.
Simula nang araw na iyon ay ipinangako niya sa sariling, hindi siya mag-aasawa hangga’t hindi pa siya tiyak sa sariling handa nang pasukin ang buhay may-asawa. Ayaw niyang gumaya sa asawa ng kapatid niya. Ayaw niyang masira ang pamilya niya o ang magiging pamilya niya.
BINABASA MO ANG
Neighborhood Heartthrobs 1 : Nell Vern ***Now available National Bookstores and Precious Pages nationwide***
Storie d'amoreDisgrasya. Iyon ang nangyari sa unang pagkikita nina Nell Vern at Jenny dahil natilamsikan ng patrol car na minamaneho ni Nell Vern si Jenny sa daan ng mag-abang ang huli ng traysikel. At sa tuwina'y lagi nang magkukrus ang kanilang landas sa mga hi...