CHAPTER TWO
“TAMA na ‘yang pag-emote mo, Jen,” awat ni Christine kay Jenny. “Sige ka papangit ka at lalaki ‘yang mga eyebags mo. Di naman dapat iyakan ang lalaking iyon, ‘di ba?” Inagaw nito ang beer na akma sanang dadalhin niya sa kanyang bibig.
Nasa isang bar silang dalawa nito at kasalukuyang nilulunod niya ang kanyang puso ng beer para mawala ang sakit at pait na nararamdaman niya doon. Gusto niyang mamanhid iyon. Sumadya pa sila sa kabilang bayan para lang uminom at nang walang makakilala sa kanila doon. Baka madamay pa ang reputasyon ng kanilang pinagtuturuang paaralan kapag may makakita sa kanilang naglalasing. Mga guro pa man din sila. At least doon maliit lang ang tsansa na may makakakila sa kanila.
Ilang araw na rin siyang malungkot at hindi makafocus sa kanyang klase. Pigil na pigil siyang umiyak nang mga nagdaang araw pero ngayon ay hindi na niya ito napigilan.
“Just this time lang. Gusto kong makalimutan na nang tuluyan ang damuhong iyon,” aniyang pilit pa rin tumungga sa bote ng beer.
“Nasaan na ba kasi sina Vanessa at Mary Jane para naman matulungan nila akong awatin ka. Kanina ko pa t-in-ext ang mga iyon ang lagi namang sagot ay coming na daw. Pero until now, waley pa rin,” maktol ni Christine habang hawak ang cellphone nito.
“Thanks nga pala at dinamayan mo ako sa kalungkutan kong ito. Kung wala ka baka hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko,” mangiyak-ngiyak niyang turan.
“What friends are for,” anang nito na niyakap siya.
Sa ginawa nitong iyon ay kahit papano ay naibsan ang lungkot niya. Simula nang makilala niya ito ay laging nandun ito sa mga up and downs ng buhay niya. Alam nito ang lahat ng pinagdaanan niya lalo na sa buhay pag-ibig niya.
Mugtong-mugto na ang mga mata niya sa kakaiyak. Ilang araw rin niyang pinigilan iyon at ngayon ay inilabas na niya lahat. Hindi masarap sa pakiramdam na matuklasang niloloko siya ng lalaking mahal niya.
Oo, mahal niya si Darwen. Akala niya ito na ang lalaking nakatadhana para sa kanya. Marami na silang plano sa kanilang buhay. Nangako na ito sa kanya na siya lang ang babaeng ihaharap nito sa altar. Pero ang lahat nang mga pangakong iyon ay pawang masasarap na salita lang pala na ngayon ay isang mapait na alaala.
Ang masakit ay hindi lang isang beses iyon nangyari sa kanya. Kundi tatlong beses na magkasunod na may taong nanloko sa kanya. Ano ba ang mayroon sa kanya at pinagmumukha siyang tanga ng mga lalaki? Tuloy lalo siyang napahagulhol sa naisip niyang iyon.
“Tahan na kasi. Let’s enjoy the night na lang. Ganyan talaga ang buhay. Kailangan nating dumanas nang pait at sakit para mas lalo tayong maging matibay sa mga susunod pang hamon ng buhay natin,” seryosong turan nito.
Ngumiti siya. Unang pagkakataon kasing nagbigay ito nang payo sa kanya na makabuluhan. “Sister Brigida, ikaw ba ‘yan?” nangingiting turan niya na ang itinawag niya rito ay pangalan ng kilala nilang madre na naging kaibigan na rin nila.
“O ganyan nga. Kung kailan pa ako nagseryoso saka ka pa lang ngingiti.”
“Di naman kasi bagay sa’yo ang magseryoso, eh. Nakakatawa kang tingnan,” aniyang tatawa-tawa habang pinupunasan niya ang kanyang mga luha sa mata.
“Meganun? O siya, ubusin na natin ito at nang makauwi na tayong dalawa. Malalim na ang gabi at tiyak kong di na darating ang dalawang iyon,” anang nito at kinuha ang isang bote ng beer na nasa harap nito.
BINABASA MO ANG
Neighborhood Heartthrobs 1 : Nell Vern ***Now available National Bookstores and Precious Pages nationwide***
RomanceDisgrasya. Iyon ang nangyari sa unang pagkikita nina Nell Vern at Jenny dahil natilamsikan ng patrol car na minamaneho ni Nell Vern si Jenny sa daan ng mag-abang ang huli ng traysikel. At sa tuwina'y lagi nang magkukrus ang kanilang landas sa mga hi...