Makalipas ang dalawang linggo bumalik ako ng Maynila upang pormal ko nang ihain ang resignasyon ko sa aking amo. Bagama't tumutol ang boss ko wala naman syang magawa. Maghihintay pa ako ng isang araw bago ko makuha lahat ng aking service benefit sa loob ng dalawang taon kong paninilbihan sa kanila.
Namiss ko ang munting bahay ko ng makita ko iyon pero hindi na ako pwedeng matulog doon. Kaya kumuha na lang ako doon sa malapit ng isang mumurahing hotel. Hindi ko rin nakita ang jeep ni Sarhento. Pinasyalan ko ang tita ni kuya Carlos para makibalita. Sobra ang pananabik kong makita sya. Subalit mahigit isang linggo na palang umalis ang mag asawa. Umuwi daw ang dalawa sa probensya (Quezon). Samantala ang kanyang jeep naman ay naibinta na raw sa kanyang kasamahang sundalo. Nalungkot ako nang malaman kong naibinta na pala ang kanyang jeep. Kung alam ko lang sana dapat kami na lang ni kuya ang bumili noon. Inalok pa nga kay Boboy ang jeep pero tinanggihan niya ito dahil kotse ang gusto nitong mabili. Isa pa kailangang magpagawa muna sila ng garahe dahil sayang naman daw ang ibinabayad na rentang 800 pesos kada buwan. Si Boboy naman hindi ko rin nakausap dahil abala naman ito sa pagiintindi ng kanyang mga papeles sa pagsakay niyang muli sa barko.
Nagpaalam ako sa tita ni Sarhento sinabi kong dyan lang ako pansamantalang nanunuluyan sa isang maliit na hotel maaaring bukas na ako makakauwi. Bakit pa daw ako nag-hotel pwede naman ako makituloy sa kanila pakli nya.
Masama ang loob ko nang araw na iyon. Kahit kapirasong sulat man lang o habilin para sa akin walang ginawa si kuya Carlos. Sya pa nga mismo ang nagsabi sa akin na hihintayin daw nya ako sa Maynila. Wala na akong magawa kundi maghimutok. Asang-asa ako na magkikita kami iyon pala iiwanan din naman pala ako. Pinaglalaruan yata ako ng tadhana dahil ako rin ang nagdurusa sa mga naging desisyon ko. Pagkatapos ito pala ang mangyayari. Ahhhh! Gusto kong sumigaw... umiyak... at magwala pero hindi naman ako bayolenting tao para gumawa ng ganito. Ibig nang tumulo ng aking luha... pinigilan ko lang. Sumikip ang dibdib ko. Hindi ko na kayang dalhin pa ang bigat ng aking nararamdaman. Sa isang sulok ng pader doon ako humagulgol ng tahimik habang tinatakpan ko ang aking bibig.
Sa silid ng aking hotel gumawa ako ng sulat para kay Sarhento:
Kuya Carlos,
Tulad ng pangako ko sayo bumalik ako dito sa Maynila. Nag-resign na rin ako sa trabaho ko. Dumaan ako sa tita mo umaasa na magkikita sana tayo pero umuwi pala kayo ng probensya. Nauunawaan ko lahat iyon kaya wala kang dapat ipagalala sa akin. Gusto ko lang iparating sayo na hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko dahil mahal na mahal kita. Mula nang iwanan mo ako lagi kitang naaalala. Lalo na ang mga yakap at halik mo sa akin na mi-miss ko na. Ayoko nang magkahiwalay tayo.Nakapagpasya na akong sumama sayo diyan sa probensya ninyo. Sana gumawa ka ng paraan para magkausap tayo ng personal. Maghihintay lang ako sa'yo. Magiingat ka lagi mahal ko.
Nagmamahal,
Rob
Kinabukasan bago ako tumuloy ng terminal ng bus pauwi, muli akong dumaan sa tita ni kuya Carlos binilin kong ibigay ang sulat na iyon para kay Sarhento. Mahigpit kong habilin na huwag itong ibibigay kahit kanino liban sa kanya lamang. Gusto ko sanang ipadala iyon sa postal ang ipinagaalala ko lang baka ang asawa niya ang makatanggap ng sulat. Sinabi ko rin na babalik na lang ako sa susunod na linggo.
Napansin ng aking ina ang aking pananamlay. Nagtanong sya kong anong dinaramdam ko. Agad akong yumakap sa mama ko.
"Maaari mo bang sabihin sa akin bunso kung ano problema mo?" malumanay nyang tanong habang hinihimas ang likod ko. "Ayos lang po ako ma... walang anuman ito..." Humikbi lang ako ng tahimik.
Hindi ko maipagtapat sa aking ina ang totoong dahilan ng problema ko. Nahihiya akong malaman nya na ang kanyang bunso ay umiibig sa kapwa nya lalaki. Pakiramdam ko parang alam ng aking ina ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko. "Walang nagmamahal dito sa mundo ang hindi nasasaktan dahil iyan ang nagpapadalisay ng kanyang pag-ibig... basta tandaan mo anak... sa likod ng madilim na ulap naroon lagi ang araw... na nagliliwanang at tumatanglaw. Kaya nga Robin ang ipinangalan ko sa'yo na ang ibig saihin ay nagliliwanag." ganoon ang aking ina kahit noong bata pa ako nalalaman nya agad kong ano ang mga dinaramdam ko.
BINABASA MO ANG
Ang Kaibigan Kong Sarhento
RomanceIto ay kwentong pag-ibig ng isang gwapong sundalong may asawa na. Nagmahal sa kapwa nya lalaki na itinuturing pa niyang kapatid. Dumating sa punto na dapat syang pumili. Sino ang pipiliin nya? Ano ang kahihinatnan sa magiging takbo ng mga pangyayar...