One
Halos pigain na ni Vince and kaniyang Gatorade, pero wala na siyang makuha rito kahit ga-patak na inumin.
"Vince, you want?" alok ni Krissy ang iniinom nitong bottled water.
"Thank you," sagot ni Vince. "Okey na ko."
Uhaw na uhaw pa si Vince pero minabuti niyang hindi tanggapin ang inialok na tubig ni Krissy. Baka kung ano pa kasing isipin, naisip ni Vince. Si Krissy ay nakilala lang niya sa pilahan ng audition ng The Next: Best Actor and Best Actress.
Dinumog talaga ang pa-audition na ito ng isang malaking tv network. Kahit saan ka lumingon ay makikita mo ang mga aspirants na todo porma at ayos ng kanilang mga sarili upang maging presentable at maging kaaya-aya sa mga judges. Ang mga kababaihan ay todo make-up na halos hindi na makangiti sa kapal ng kolorete sa mukha.
Si Vince ay simpleng plain gray shirt at maong lang ang suot. Sa taas na 5'9" ay marami ang nagkakagusto sa kaniya. Maganda ang kaniyang pangangatawan dahil na rin ito sa pag-sama niya sa kaniyang kuya tuwing nagdyi-gym ito.
May dala rin siyang gitara na balak niyang gamitin sa audition. Ang balak niya ay kumanta at haranahin ang mga judges.
Sa kabila ng napakaraming tao sa Araneta Colisseum, nakita niyang nakamasid sa kaniya ang ilang kababaihang ilang dipa lang ang distansya mula sa kinatatayuan niya.
"May kamukha siyang artista." Naulinigan niya sa isang babae sa likuran niya. Nang lingunin niya ito ay binati siya ng mga ito. Nginitian naman niya ang mga ito upang hindi naman siya matawag na 'snob'.
"Wait, let me think. Yes! He looks like James Almendral!" hiyaw ng isang babae.
Nilingon siya ng isa pang babaeng nakasuot ng tube dress at saka bumalik sa mga kasamahan. "Oh, yeah right! Kamukha nga niya si James!"
Sanay na siyang maihalintulad kay James Almendral, isang sikat na aktor, matinee idol, at hunk din. Ipinagkikibit-balikat na lang niya ito.
Malapit na siya sa stage. Isang auditionee na lang at siya na ang susunod kaya todo kaba ang nararamdaman niya.
Halos lahat ng mga auditionee ay nakatutok ang tingin sa gitna ng coliseum kung saan naroroon ang stage kaharap ang apat na judges.
May microphone ang bawat judge at binibigyan ng microphone ang auditionee pagkatungtong sa stage kaya parang naka-televised sa buong Araneta ang bawat sasalang sa mga judges. May dalawang malaking screen sa gilid ng coliseum upang makita ng lahat ng naroroon.
"So, Antonio Marcos, what are you gonna do for us right now?" Tanong ng matabang director na isa sa mga judge.
Todo ngiti ang payat na binata sa mga judges. "I'm gonna sin." Mayabang nitong turan.
Go. Pahintulot ng mga judges.
Oozing with confidence ang binata. Sa totoo lang ay hindi naman ito kagwapuhan. Ilang saglit lang ay kumanta ito ng sikat na kanta ng Side A na Forevermore.
Naghihiyawan na ang mga tao. Naririnig ni Vince ang sabayang 'boo' ng audience.
Hindi pa man tapos sa pagkanta ang binata ay itinaas ng matabang director ang kamay nito. "Thank you. You may now go." Halatang hindi ito natuwa sa binata.
Nakita ni Vince ang pagkagulat sa mukha ng may kapayatan na binata. Naawa siya rito. Ang iba naman ay natatawa na lang. Panay naman kutya ang naririnig niya mula sa kaniyang likuran para sa naunang kalahok.
"Next!"
Siya na ang susunod! Kinakabahan siyang naglakad tungo sa gitna ng malawak na stage sukbit ang kaniyang gitara na regalo sa kaniya ng kaniyang ama. Naalala niyang ang kaniyang ama ang nagturo sa kaniya kung paano tumugtog ng gitara. Nabanggit din nito na dahil daw sa panghaharana nito ay napasagot nito ang kaniyang ina.