"Bangon na Maymay...bangon na...oras na para rumampa." bulong ni Maymay sa sarili habang nakapikit pa.
Yun lang, at mabilis na syang bumangon mula sa higaan.
Hello Philippines! Hello world! I'm back with a vengeance!
Everyday chant yan ni Maymay...pampagising...pampakalma...pampalakas ng loob. Kailangan nya ito para maging matapang sya sa pagharap sa bawat araw ng kanyang buhay. Hindi pwedeng maging matamlay. Bawal sa kanya ang panghinaan ng loob. Mortal sin para sa kanya ang mabigo. Kaya mabilis siyang kumilos. Naglinis ng katawan, kahit alas-tres pa lang ng umaga. Sanay na sya na ganito.
Pagkatapos ng maigsing ritwal nang paglilinis ng kanyang katawan, tinungo na ni Maymay ang kusina ng napakalaking bahay na iyon, na para sa kanya ay dream house talaga. Pero, hindi kanya ang mansyon.
Dating katiwala ng may-ari ng bahay ang lolo at lola ni Maymay. Nang pumanaw sila ay ipinasa sa kanyang ama at ina ang pamamahala sa bahay. At nang, sa kasamaang palad ay, pumanaw ang kanyang magulang nang magkasabay dahil sa isang aksidente, naipasa naman sa kanya ang trabaho. Mahirap para kay Maymay dahil mag-isa nyang ginagawa ang mga trabaho sa bahay. 19 lang sya pero malaki na ang responsibilidad na naiatang sa kanya. Pero hindi sya nagrereklamo. Para kay Maymay, blessings ang lahat nang nangyayari sa buhay nya, malungkot man o masaya.
Sa isang banda, hindi naman talagang nag-iisa sa bahay si Maymay dahil dun din tumitigil ang hardinero at ang anak nito. Si Tatay Nonong na ang nagsilbing ama kay Maymay mula nang naulila sya at ang anak nitong si Yong ay parang kapatid na niya.
Matapos maghanda ng almusal, pinuntahan nya na sina Tatay Nonong sa kwarto nila at kinatok ang pinto.
Tatay! Yong! Oras na para gumising! May mga bisita tayo.
Hindi naman nagtagal at lumabas na ang mag-ama. Sabay-sabay silang kumain.
Ate May, ano kayang klaseng tao yung mga anak nina Sir at Ma'am? Parang kinakabahan ako.
Anak, di ba sabi ko sayo, kahit ano pa sila, pakisamahan nang ayos.
Korek ka Tatay Nong! Alam mo Yong, mabuti naman tayong tao. Kaya siguradong magugustuhan nila tayo. Ang tagal nang nagsisilbi ng mga ninuno natin sa mga ninuno nila. Wala silang ibang pinagkatiwalaan kundi mga pamilya natin.
Alam ko yun Tay, Ate May...tayo mabubuti...eh yung mga anak kaya? Sa ibang bansa lumaki ang mga yun. Mga inglesero...pano ko kakausapin yung mga yun? Hanggang grade 3 lang ako.
Kapag ganito na ang sinasabi ni Yong, hindi maiwasang malungkot ni Maymay para sa kanya. Lalo na at sa mga ganitong pagkakataon, natutulala si Tatay Nonong.
Oo nga't laki sa hirap si Maymay, pero naka-graduate naman sya ng highschool. Tulad ni Yong, nag-iisa rin lang syang anak at sa mansyon na sila pareho lumaki. Kahit paano ay napagtapos sya ng mga magulang nya. Pero nang mamatay ang mga ito, kinailangang magtrabaho ni Maymay sa mansyon at ipagpaliban ang pag-aaral sa kolehiyo.
Iba ang kaso ni Yong. Dating kasama rin nila sa bahay ang nanay nya pero sumama ito sa ibang lalaki at hanggang ngayon ay hindi nila alam kung nasaan ito. Mula nang iwan sila ng nanay nya, naging masasakitin si Tatay Nonong, at napilitan si Yong na gawin ang mga gawain ng ama. Kaya sa edad na 17, grade 3 lang ang inabot nya.