No Longer A Nobody
Ang sabi ng mommy ko ay ako ang pinakamagandang regalo ng Diyos sa kanya. Napapangiwi at napapasimangot ako kapag sinasabi niya iyon. Haharap ako sa kanya at saka ko sasabihin,
"Nanay kasi kita. Kaya mo sinasabi iyan," may himig ng lungkot sa aking mga tinig.
Guguluhin ni mommy ang buhok ko. "Ikaw talaga. Ikaw nga ang pinakamagandang regalo sa akin ng Diyos." Pagkatapos ay pupugpugin niya ako ng halik hanggang sa tumawa na ako nang tumawa.
Sandaling mawawala ang lungkot ko at pagkatapos ay maglalaro na akong mag-isa. Nag-iisang anak ako ni mommy. At si mommy ang nag-iisa kong magulang. Wala akong nakilalang daddy. Hindi ko siya kailanman nakita.
"Hindi ba marami ka namang tito at uncle? Sila ang puwede mong maging daddy," laging sinasabi sa akin ni mommy ang mga iyon.
Tatango lang ako. "Okay," wika ko.
Unang araw ng klase. Takot at kinakabahan akong pumasok. Paano kung pagtawanan nila ako? Paano kung hindi ako tanggapin ng mga kaklase ko? Paano kung ipahiya ako? Maraming taong sa aking munting isipan na hindi ko mahanapan ng sagot.
"Mommy, paano kung pagtawanan nila ako?" tanong ko sa mommy ko habang naglalakad kami papunta sa aking bagong eskuwelahan.
Hinawakan ni mommy nang mahigpit ang kamay ko at pagkatapos ay lumuhod siya. "Huwag kang mag-alala, hindi mangyayari iyon."
Kumunot ang noo ko. Paano naman nalaman ni mommy iyon eh hindi pa nga ako nagsisimulang pumasok? Sa halip na isatinig iyon ay nagkibit na lang ako ng balikat at saka nagsalita, "Okay."
Kumakabog ang dibdib ko habang naglalakad ako papaunta sa classroom ko. Hindi ko maihakbang nang mabilis ang aking mga paa. Lumingon ako at tiningnan si mommy na nakatayo sa may gate. Nakasilip siya at pinapanood ako.
"Pasok ka na," nakangiting sabi ni mommy. Itinuturo niya ang classroom ko.
Hinawakan ko ang dalawang handle ng backpack ko at nagsimulang humakbang palapit sa pinto. Itinulak ko iyon nang dahan-dahan. Pagsilip ko ay nakita ko ang teacher ko. Naka-upo siya sa silyang maliit at kausap ang isang bata na magiging kaklase ko.
Umangat ang ulo ng teacher ko at tumingin sa akin.
"Hi, good morning!" masayang bati niya sa akin. Nakangiti siyang lumapit sa akin at pinagmasdan ako. Kinabahan akong bigla kasi pakiramdam ko ay may nakikita siyang mali sa akin. Napayuko ako.
"Ano'ng pangalan mo?" nakangiting tanong niya sa akin.
Tiningnan ko si teacher. "Juancho, po," sagot ko.
Nanlaki ang kanyang mga mata. "Wow! Ang ganda naman ng pangalan mo. Parang haciendero!"
Hindi ko naintindihan ang sinabi niya pero napangiti ako sa reaksyon niya. Nagandahan siya sa pangalan ko! Ngayon lang may nagsabi sa akin na maganda ang pangalan ko. Hinatak ni teacher ang isang maliit na upuan at doon niya ako pinaupo.
Tahimik lang akong nakamasid sa aking mga kaklase. Agad akong kinakabahan kapag lumalapit sila sa akin para kausapin ako. Kapag napapatingin sila sa akin ay kumakabog ang dibdib ko. Pero laking gulat ko na lumipas ang tatlong oras ng klase ko na wala akong narinig mula sa aking mga kaklase. Hindi nila ako nilait o pinagtawanan. Takang-taka ako at kasabay niyon ay natutuwa ako.