Kalbaryo

254 2 0
                                    

KALBARYO
isang panulaan ni mchay101

Sarili'y tigmak ng pawis,
nakayukyok sa gilid.
Nanlilimahid,
puno ng takot itong abang dibdib.
Bilugang mga mata'y nakatuon sa nakasilip na pulang buwan.
Nagbabadya - isipa'y pinupukol ng isang gunita.
Pangyayaring pinilit kalimutan,
subalit-pulang buwan ay sumasalimsim sa aking ikinukubling nakaraan.

TUMATAKBO nang walang hinto,
madapa-dapa, hapong-hapo.
Mapupula at matang nanlilisik ay nakatingin mula sa malayo,
ito'y may hawak na tabako.
Isang malaking anino ang humarang sa daraanan,
bakas sa liwanag ng buwan ang kanyang pagkakakilanlan.
Umawang ang aking mga labi - mga mata'y naging bilugan.
Hindi nakatakbo - hindi nakagalaw.
Hindi nakasigaw.
Natuod sa kinatayuan,
nangangatal ang buong katawan.
Kilabot na dala ng takot ay gumapang sa aking kabuoan,
hanggang sa diwa ay nabalot na ng kadiliman.

Mga mata'y biglang napapikit nang naalala ang umaagos na dugo.
Dugo ng aking pagkabirhen ay nakuha ng kampon ng demonyo.
Sa aking pagkakayukyok hindi napigilan ang pangangatal;
Sapagkat tunog ng mabibigat na mga yabag papalapit sa akin ay nagpatigalgal.

Sa loob ng mahabang panahon,
takot sa dibdib ay muling nanuot.
Bumalik muli 'yung matinding kilabot,
na buong akala ko'y nabaon na sa limot.
Hindi magawang makabangon mula sa pagkakabaluktot.
Nang ang anino,
na nagkukubli sa buwan na nagdurugo;
Sa harapan ko ay nakatayo,
walang tigil sa paghithit ng tabako;
Sinasambit ang ngalan ko, "Trina..."

Sa pagkukubli ng liwanag ng buwan na nagdurugo,
dibdib ko'y nabalot ng panibagong panibugho.
Hinagpis, karagdagan siphayo.
sa bangungot na ayaw maglaho.

(photo grabbed at https://albertondausjr.artstation.com)

KilabotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon