STILL YOU
(One shot by CC_Caress)
Ikaw pa rin kahit napag-alaman kong meron ka ng minamahal. Ang sakit ng mga mata ko sa tuwing kayo'y nakikita. Minsan, tinutubuan ako ng sungay at aking naiisip kailan kaya kayo maghihiwalay. Pero, di bale na lang marami pa namang iba diyang pwede kong pagtuunan ng pansin.
Buwan na ang lumipas, di pa rin maalis ang panang itinusok sa akin ni kupido. Minsan natanong ko sa sarili ko, bakit sa dinami-raming pwedeng tamaan ni kupido-- bakit ako pa? At kung ako pa, bakit hindi ka rin tinamaan ng pana ng kupido? Ang daya naman.
Nasasaktan ako, tumutulo ang mga luha ko, namumugto ang mga mata ko, nalulungkot ako. Pero bakit ikaw pa rin? Ikaw na may kasama ng iba.
Makakalimutan na sana kita, kaso biglang may sumambit ng pangalan mo. Pangalan mong sa tuwing naririnig ko halu-halo ang aking nadarama. Sabi raw nila, hiwalay na kayo at laking gulat ko nang napag-alaman kong isang linggo lang kayo, naghiwalay na. Pano nangyari yun? Napakadali naman.
Medyo may pag-asa sabi ko sa sarili ko. Pano ko nga ba nasabing may pag-asa? Simple lang, dahil wala na sila.
Sa paglipas ng panahon, pinapansin mo na ako. Pinapansin sa paraan ng pambibiro. Pambihira naman, parati niya na lang akong pinagtitripan. Pero aaminin ko, kinikilig pa rin ako kahit sa ganoong paraan mo ako pinapansin.
Dumating na ang panahon na tayo'y maghihiwalay na. Panahon ng pagtatapos ng hayskul at kanya-kanyang paaralang papasukan kung nasaan ang ating mga gustong kurso.
Pero, anak ng tipaklong naman. Sa lahat ng pwede kung makita sa kolehiyong pinag-aaralan ko bakit siya pa. Pinaglalaruan ba ako ng tadhana kasi kung sakali man, alam kong pinagtatawanan na ako ng tadhana dahil alam niyang siya pa rin ang laman nitong puso ko.
Nginitian ko siya, nginitian niya rin ako. Ibig sabihin ba nun, ayos na kami, magkaibigan na kami?
Magkaiba kami ng kurso, ngunit pareho kami ng paaralan. Nagkausap kami, nagkwentuhan, nagtawanan at nagtulungan sa bawat problemang aming nararanasan bilang isang estudyante.
Tama ba 'tong ginagawa ko? Mas lalo ata akong nahuhulog sa napakalalim na bangin na walang katiyakan kung may sasalo nga ba sa'kin. Masakit pa namang mahulog lalung-lalo na kung walang sasalo sayo.
Dumating ang mga oras na tambak ang mga gawain, mga paperworks at mga dapat pag-aralan dahil sa nalalapit na pagsusulit. Akala ko 'non mawawalan na tayo ng oras sa isa't isa, nagkamali pala ako. Parati kang andiyan at handang tumulong sa mga napakarami kong dapat gawin. Pinapatawa mo ako sa tuwing ako'y malungkot at pinapalakas mo ang aking loob sa tuwing ako'y nanghihina.
Marami ng nagtatanong kung ikaw ba'y nanliligaw sa'kin. Sabi ko naman, magkaibigan lang tayo. Magkaibigan nga lang ba talaga tayo? Kasi, pati ako naguguluhan na rin. Ayoko namang mag-isip ng iba pang dahilan kung bakit mo ginagawa ang mga bagay na ito. Ngunit marami ng nagsasabi na baka may gusto ka na raw sa akin, dinadaan mo lang sa mga ganoong paraan o baka naman natotorpe ka lang. SANA NGA. Yan ang dalawang salitang nasambit ko.
Naghintay ako sayong pagtatapat. At sa paghihintay kong iyon, napanis ang laway ko't inugat pa ako. Walang nangyari sa paghihintay ko. Nasayang ang tatlong taon kong paghihintay sayo.
Marami na ring may nagbabalak na manligaw sa'kin at isa na roon ang aking isa pang kaibigan. Alam niyang may hinihintay ako, ang pagmamahal na walang kasiguraduhan kung darating nga ba.
May isa pang taon akong hihintayin. Ngunit ang tanong, may ipagtatapat nga ba siya sa'kin? Isang malaking katanungang siya lang ang makakasagot.
Nang napag-alaman mong may nanliligaw sa'kin agad mo kong tinanong kung sino itong lalaking matapang. Akala ko magagalit ka o kaya susugurin mo yung lalaki, baliktad pala. Ikaw pa ata ang mas masaya kaysa sa akin. Parati mo akong pinagtutulakan dun sa nanliligaw sa'kin, kahit ikaw yung gusto kong makasama.
Pakiramdam ko tuloy ipinamimigay mo na ako. Ayaw mo ba talaga sa'kin? Nakakainis naman.
Bibihira na lang kitang makita't makasama. Si manliligaw ko ang halos palagi kong kasama, siya ang pumupuno ng mga oras na dapat ikaw ang kasama ko.
Ano bang nangyayari sayo???
Di mo na ako pinapansin, iniiwasan mo ba ako?
Isang araw, may nakapagsabi sa'king may girlfriend ka na raw na siyang aking ikinagulat. Di ako dun naniwala, inisip ko baka pinagtripan lang ako nila. Ngunit, nang makita mismo ng dalawa kong mata na may kasama kang babae, hawak-hawak ang kanyang kamay at kayo'y nagtatawanan tila dinurog ang puso ko. Ang saya niyong tingnan samantalang ako andito dahan-dahang linalamon ng kalungkutan.
Pinatigil ko na sa panliligaw ang aking kaibigang matagal na sa'king nanliligaw. Humingi ako sa kanya ng tawad ngunit hindi niya tinanggap ang aking kapatawaran hindi dahil galit siya sa akin kundi dahil hindi ko naman daw kailangang humingi ng tawad dahil siya naman ang may kagustuhang manligaw sa'kin at umasang baka sakaling mabura sa puso't isipan ko ang lalaking matagal ko ng mahal.
Mahirap pala mag move on. At masasabi kong hindi lang sa mga nagiging mag-on pwede ang salitang move on pati na rin sa mga taong nagmahal na hindi naman minahal at umasa na wala namang dumating.
Lumipas ang segundo, minuto, oras, araw at buwan ni tinig o anino mo wala.
Unti-unti ng nababawasan ang nadarama kong ito para sa'yo pero alam kong hindi ito mawawala dahil ikaw pa rin-- ang first true love ko.
Malapit na ang araw ng graduation hindi pa rin kita nasisilayan. Wala na akong balitang narinig tungkol sayo hanggang sa may dumating na sulat para sa'kin.
Walang nakapangalan kung kanino galing.
At ito ang nilalaman ng sulat :
"Kumusta ka na? Alam kong masaya ka na sa piling ng iba. Patawad kung iniwan lang kita ng basta-basta. Naisin ko mang ika'y aking makasama, tadhana na mismo ang dumidikta. Akala ko noon, pwede na kitang mahalin ng panghabambuhay pero mali pala. Magtatapat na sana ako sa'yo kaso may agad-agad sa'king pumigil. Isang bagay na tutulak sa'kin palayo sa inyo.
Yung nakita mong babaeng kasama ko at hawak-hawak ko ang kamay, wala yun, palabas lang yun. Ginawa ko yun para magkalayo na tayo at magkalimutan..."
Di ko na tinapos ang pagbabasa. Hinabol ko ang kuyang nagbigay sa'kin ng sulat at tinanong kung nasaan ang taong nagpabigay nitong sulat.
Dali-dali akong tumungo sa lugar na sinabi ni kuya. Hindi maiwasang magsilabasan ang mga luhang nanggagaling sa aking mga mata. Wala akong pakialam kung pinagtitinginan nila ako.
Tumungo ako sa silid kung saan siya nakahiga't nagpapahinga. Lumapit ako sa kanyang kinahihigaan at pinagmasdan ang kanyang mga matang nakapikit.
Nang imulat mo ang iyong mga mata agad kitang yinakap ng napakahigpit. Oo, sobrang higpit, kasing higpit ng kapit ng pagmamahal ko sa'yo.
Andito na naman ang mga traydor na luha na pilit kumakawala sa aking mga mata.
Humiwalay na ako sa pagkayakap sayo, at ika'y hinintay na magpaliwanag. Sinabi mo, matagal mo na akong minamahal. Napakasaya mo nang tayo'y magkalapit at naging magkaibigan. Inilihim niya lang ang kanyang nararamdaman para sa'kin dahil ayaw niyang masira ang aming pagsasamahan. Kung alam mo lang, walang masisira kundi may mabubuo tayong bagong relasyon.
Alam mo, kung pwede lang kitang sapukin, suntukin, ginawa ko na. Napakatanga mo! Marami kang sinayang na oras na dapat sana'y magkasama tayo.
Dapat nga masaya ako dahil pareho rin pala tayo ng nararamdaman sa isa't isa kaso andito ako, nakaupo sa harap ng isang sementong kwadradong may nakaukit na pangalan mo at ang petsa kung kelan ka nabuhay sa mundong ito at kung kelan ka naman binawi sa mga taong nagmamahal sa'yo, isa na ako roon.
Kahit kelan hindi mabubura't mapapalitan ang nararamdaman ko para sayo.
'Till death do us part...
IKAW PA RIN....