May isang lalaking dumating sa bahay. Nagtanong kung ako raw ba ang anak ni Tekya at tumango naman ako.
Tinanong ko kung sino siya, ngunit imbes na sumagot ay mayroon siyang inabot na maliit na papel.
"311 Minsan St. Brgy. Pagsisisi, Lungsod ng Pagkakataon."
Sandali kong binasa ang nakasulat sa papel ngunit sa muling pagbalik ng tingin ko sa lalaking nag-abot nito sa akin, tila isang kisapmata'y nawala siya.
Pagdating ni inay, ipinakita ko ang papel at sinabi ang nangyari kanina. Pamilyar daw sa kanya ang lugar na sinasaad ng puting papel ngunit di na niya matandaan kung ano ang koneksyon niya at lalong higit ang koneksyon ko sa taong maaaring makita ko sa lugar na iyon.
Isang hapon, habang malumanay na bumababa ang sikat ng araw, lulan ako ng isang traysikel at binabaybay ang lungsod ng Pagkakataon. Nagbabakasaling, tama ang binubulong ng puso't isip ko. Na baka sa kalye ng Minsan ay matagpuan ko ang di ko makitang bahagi ng pagkatao ko sa loob ng 18 taon.
Isang lalaking pinaglipasan na ng panahon ang naabutan ko sa sinasabing tirahan ng puting papel. Sandaling ninamnam ng aking mga mata ang bawat kurba at kanto ng kanyang mukha na hindi ko maipagkakailang kawangis ng sa akin. Sumilay ang isang simpleng ngiti mula sa tuyot at maitim na niyang labi na sinalubong naman ng patak ng luha mula sa kanyang malamlam at mamula-mulang mata na tila nagsasabing 'kay tagal kong naghintay sayo, anak.' Humahalimuyak din mula sa loob ng bahay ang amoy na di kanais-nais. Samyo ng isang napakalaking kasalanan. Ngunit sa di ko malaman na paraan, naglaho nang kusa ang galit na kinimkim ko sa kanya sa loob ng 18 taon at napalitan ng galak at pagkapanabik sa mga yakap at kwento niya.
Magdidilim na rin ng mapagpasiyahan kong umuwi sa lugar na aking pinanggalingan. Sa isang kalye na walang gaanong mga bahay o gusali at tanging mga puno at damo ang makikita kami nagdaan. Hindi naman iba dahil ito rin ang daang tinahak ko kanina. Habang nagkukuwento siya sa kung paano niya balak sorpresahin si ina sa kaarawan nito ay may biglang isang traysikel ang huminto sa harap namin lulan ang 3 lalaking nakaitim at may takip ang mukha.
Binasag ng tunog ng putok ang nakakabinging katahimikan. Sa pagdilat ng mata ko mula sa pagkakagulat, wala na ang traysikel.
Ang lalaking kanina ko lang nakilala na dapat ay naging kasama ko noong binubuo ko ang aking pagkatao labingwalong taon na ang nakakalipas ay binawi sa akin sa loob lamang ng ilang segundo. Limang tama ng bala ng baril ang lumapat sa kanyang matandang katawan. Duguan, dilat ang matang nakahandusay siya sa aking paanan.
Dumarating na ang mga tao, at hanggang sa mga oras na ito'y hindi ko pa rin mabatid na bakit sa ganitong klase pa ng pagkakataon kami nagkakilala, ay siya rin namang pagbawi sa kanya ng permanente sa piling ko. Hindi ko naman akalain na ganito kadali lamang kami pagsasamahin ng tadhana. Oras lamang ang binilang. Hindi ko akalaing ang minsang pagsuko ko sa paghahanap ng katotohanan sa aking pagkatao ay magdudulot ng ganitong klase ng sakit. Isang pighati at pagsisisi na dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda at kamatayan.