________________________________________________Totoo pala talaga yun 'no? Yung sinasabi nilang 'too much kills'. Nakakamatay ang sobra. Gaya ng 'pag na sobrahan ka sa alcohol, magkakasakit ka. 'Pag na sobrahan sa diet, magkakaproblema. 'Pag na sobrahan ka sa pag iisip, mababaliw ka. 'Pag na sobrahan ka sa pagmamahal, mamamatay ka.
Pero hindi yung literal na mamamatay ah, pwera nalang kung na depress ka at ginawa mong mag suicide. Iba yun. At iba 'to.
Ito yung tipong ramdam na ramdam mo yung puso mong nawawasak, nadudurog at parang pinipiga pero nakuha paring mag pump para mag deliver ng dugo at oxygen sa buong katawan mo.
Yung alam mo sa sarili mong patay ka na kasi wala ka nang ibang maramdaman. You're so numb but all you feel is pain. All over your body. Kapag kumikirot yung puso mo, ramdam mo rin sa dulo ng mga daliri mo.
Hinahabol mo yung hininga mo na para bang may problema ka sa paghinga, sumasakit na pati ulo mo, parang mabibiyak kasi ang daming gumugulo sa isipan mo at ang walang tigil na pag agos ng mga luha galing sa mga mata mo. Akala mo wala ka nang luhang maibubuhos pa pero ito at parang ulan.
Susubukan mong huminga ng malalim para maibsan ng kahit konti yung sakit pero waepek kasi talagang masakit.
Yung tipong gusto mo nang sumuko, gusto mo nang bitawan 'tong sakit na nararamdaman mo pero 'di mo magawa. 'Di mo alam kung bakit pero 'di mo talaga magawa.
Bukod sa mahal mo siya at 'di mo kayang bitawan siya, wala ka nang ibang dahilan. Ay! May isa pa pala. Dahil isa kang tanga.
Pero alam mong 'di mo masisisi yung sarili mo. Tao ka lang e, nagmamahal at nasasaktan. 'Di mo rin siya masisisi. Tao lang rin siya. Mahal mo pa. Kaya sino nalang ang sisisihin diba?
Alangan naman yung babae sa nakaraan niya na 'di niya ata kayang pakawalan. Hindi dahil sa mahal niya pa kasi alam mo sa sarili mong ikaw ang mahal niya. Ramdam mo yun e. Dahil pinaparamdam niya. 'Di niya lang talaga kayang pakawalan sa kadahilang siya lang ang nakakaintindi. Pilit mo intindihin pero nauunahan ka ng selos at sakit kaya nahihirapan kang tanggapin. Kaya ngayon nahihirapan ka.
Nahihirapan ka nang paniwalaan yung sinasabi niyang 'mahal kita'. Alam mong totoo yun pero 'di mo maiwasang magdalawang isip. Dahil 'di mo alam kung para sa'yo o para sa nakaraan niya.
Lagi niyang sinasabi na 'mahal kita kaya huwag ka na mag isip ng kung ano pa' pero wala. Heto't nag iisip ka. Wala ka ng ibang ginawa kundi ang mag isip at mag isip at mag isip.
Sa kalaliman ng gabi, iniisip mo kung kaya mo pa ba. Alam mong mahal ka niya pero bakit ang sakit. Ang sakit ng pagmamahal niya.
Napapasaya ka naman niya. Sa tuwing magkasama kayo na parang kayo lang dalawa. Yung ngiti niyang nagpapabilis ng tibok ng puso mo, mga tingin niyang nakakapanghina ng mga binti mo at mga halik niyang nangangako. Pero bakit pag uwi mo at mag isa ka nalang, pinapatay mo ang mga ilaw, uupo sa sulok at iiyak na para bang harap harapan ka niyang sinasaktan?
Mahal mo siya e. Mahal na mahal. Sobra sobra pa nga e.
Yung kaya mong tanggapin lahat ng sakit makasama mo lang siya. Kaya mong itago yung nararamdaman mo dahil ayaw mo siyang magalala. Kaya mong ngitian siya kahit maluha-luha ka na.
Yung selos na nararamdaman mo? Yung parang namamatay ka na sa selos pero 'di mo sinasabing nagseselos ka kasi wala ka namang dahilan mag selos kasi mahal ka niya. Sabi niya. Mahal ka niya. Mahal ka niya. 'Yun yung pinanghahawakan mo. 'Yung sabi niya.
Pero kasi, sapat ba yun? Oo. Sapat na yun. Sapat nga yun. Pero bakit ganito? Bakit ganito 'yung nararamdaman mo? 'Di mo maintindihan. May nararamdaman ka pa ba? Oo. 'Yung sakit. Bakit masakit? Hindi mo rin alam. Basta masakit.
Kaya nag iisip ka na naman. Lagi nalang.
Iniisip mo 'yung nakaraan niya na hindi mo kayang higitan at lamangan. Kahit gawin mo lahat, hindi mo parin kayang tapatan. Sabi niya, 'hindi na kailangan, kasi ikaw lang, sapat na." Gusto mo siyang tanongin na, "sapat nga ba?" pero natatakot ka baka sabihin niya 'yung totoo, o baka magsinungaling siya.
Hindi mo alam ang tumatakbo sa isip niya. Tuwing humihinga siya ng malalim na parang may naaalala. Yung napapatitig siya bigla sa kawalan, natutulala. Anong iniisip niya? Ako? Baka siya.
Gusto mong alamin. Gustong gusto. Pero at the same time, ayaw mo. Kasi pa'no 'pag hindi nga ikaw 'yung iniisip niya? Paano nga kung siya? Edi 'yun na 'yun. May dahilan ka nang tumigil. Pero 'yun nga 'yung problema e. Ayaw mo pang tumigil. Ayaw mong itigil.
Kaya 'yung ginagawa mo, kinokurot mo yung pisngi niyang parang buto malipat lang sa'yo 'yung atensyon niya. hihilain mo 'yung braso niya, magpapa-cute kahit hindi naman at sasabihing "mahal kita". Effective naman kasi ngingiti siya na parang 'yun 'yung matagal niya nang gusto marinig, hahalikan ka sa noo, titingnan ka na parang ikaw lang ang nag iisang babae sa mundo at sasabihing "mahal kita".
At sa sandaling 'yun, maiiyak ka nalang bigla. Ayaw mong makita niya kaya yayakapin mo siya. Tinatago mo na naman. Yayakapin ka rin niya ng sobrang higpit. Pero hindi mo ramdam 'yung tuwa. Hindi mo ramdam 'yung tuwa gaya nung tuwang naramdaman mo nung una niyang bigkasin yung mga katagang mahal kita habang yakap yakap ka.
Sakit at pangamba. Yun lang yung tanging nararamdaman mo.
Paulit ulit nalang. Ganun nalang palagi ang eksena. May makita lang siyang nakakapag paalala sa nakaraan niya, ramdam na ramdam mo yung lungkot niya. Kaya nalulungkot ka na rin. Pero ngingitian mo parin siya kasi nga diba mahal mo siya. Ikaw na 'yung masaktan, 'wag lang siya.
Hanggang sa napagod ka na. Napapagod ka nang masaktan ng walang dahilan. Wala nga ba? Napagod ka na rin mag isip e, kaya tinanong mo narin siya sa wakas.
"Mahal mo pa ba?" tanong mo nung napuno ka na.
"Mahal kita." Sabi niya. Umiiyak ka, umiiyak siya.
"Pero mahal mo rin siya. Mahal mo pa rin siya." Sabi mo. Hindi siya sumagot.
Tahimik lang siya. Kaya lalo kang napaiyak.
"Paano kung papipiliin kita? Ako o siya?" Pabulong mong tanong.
"Nasan ba ako ngayon?" Sagot niya. Gaya ng sagot mo nung pinapili ka niya sa pagitan ng lalaking mamahalin ka ng walang kahati at siya.
Nanghina ka, kasi letche sobrang sakit na.
"Andito ka nga, pero 'yung kaluluwa mo andun parin sa nakaraan niyo!" Niyakap ka niya. Nagpumiglas ka. Ayaw mo na. Ayaw mo na.
"Pagod na'ko." Sambit mo.
"Alam ko..." Matagal niya na pala alam 'yung nararamdaman mo. Matagal niya nang alam, hinihintay niya lang na sabihin mo. Hinihintay niya lang na sabihin mo sa kaniyang hindi ka na masaya sa kaniya dahil nasasaktan ka nalang. Hindi ka na niya napapasaya. Alam niya yun.
"Ayaw kong tumigil pero sobrang sakit na. Hindi ko na kaya. Mahal kita pero suko nako."
Huli mong sabi sa kaniya habang nakaluhod siya't umalis ka na. Umiiyak kayong dalawa kasi mahal niyo ang isa't isa pero talaga nga namang hindi sapat 'yun. Hindi sapat. Mahal ka niya, pero nangungulila siya sa nakaraan niya.
'Yung akala mong pareho kayong humahakbang, lumilingon pala siya sa likod at umaatras ng hindi mo namamalayan.
Siya 'yung nahuli kaya ikaw 'yung nang iwan.
________________________________________________
march 2017
BINABASA MO ANG
Ayoko na
Short Storykapag alam mong sobra na, matuto kang sabihin ang mga katagang ayoko na