Ganti ng Inang Kalikasan

166 1 0
                                    

            Ang gubat Sabana ay isang maganda, mapayapa at masaganang gubat. Sagana ito sa iba’t ibang naglalakihang punong kahoy. Iba’t ibang ligaw na bulaklak rin ang tumutubo sa kahit saang panig ng gubat na ito.

            Masasabing birhen pa ang gubat na ito dahil wala pang tao ang sumubok na pasukin ito dahil sa misteryong taglay nito na siyang kinatatakutan ng mga tao.

            Sa gubat Sabana makikita ang isang napakagandang talon. Parang kristal na kumikinang sa gitna ng gubat ang tubig na malayang bumabagsak sa mga naglalakihang bato na nasa ibaba ng talon. Iba’t ibang hayop rin ang malayang naninirahan dito. Mayroong usa, baboy ramo, unggoy, ahas, ibon at marami pang iba. Mababait at maaamo ang mga hayop dito kahit minsan ay ‘di pa nila nararanasan ang karahasan na maaaring idulot ng mga tao sa kanila. Higit sa lahat, ang mga hayop na ito ay mga alaga lamang ng mga ‘di pangkaraniwang nilalang-ang mga ada o ang mga tinatawag na mga diwata.

            Sa matagal na panahon ay naging kanlungan at tirahan na ng mga diwata ang gubat Sabana. Hindi pa man nalilikha ang tao ay nandito na sila sa mundo at malayang naninirahan. Ngunit nang malikha ng Diyos ang tao ay naging kahati na nila ang mga ito sa mundong kanilang tinitirhan.

            Walang nagawa ang mga diwata kundi ang piliin na lamang na makihati sa mga tao dahil sa simula pa lang ay alam na nila na sadyang inilalaan ng Diyos ang mundong ito para sa kanyang mga nilikha.

            Sa patuloy na pag-usad ng panahon ay ilang libong ulit na ring nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon ng mga diwata ang pamumuno sa kanilang kaharian. Sa gitna ng gubat Sabana makikita ang kanilang kaharian. Ang magandang talon ng Sabana ang kanilang nagiging paliguan. Ang mga punongkahoy ang kanilang mga tahanan. Ang mga hayop ang kanilang mga alaga. At ang mga taniman ng mga bulaklak ang paborito nilang pasyalan.

            Mapagmahal sila sa mga magagandang bagay. Mababit sila at hindi namiminsala sa mga tao sa kapatagan.

            Sa matagal na panahon ay naging masaya at kuntento sila sa kanilang simpleng pamumuhay sa gitna ng gubat Sabana. Kahit minsan ay ‘di pumasok sa kanilang isipan na maaaring magbago ang kanilang buhay sa paglakad ng panahon.

            ‘Di nila alam na ang tao ay hindi makuntento sa simpleng pamumuhay lamang dito sa ibabaw ng mundo na tulad nila.

            Naging mapaghanap ang tao at ginamit ang katalinuhan at kapangyarihan upang mapaunlad pa niyang lalo ang kanyang sarili at makuha ang mga bagay na kanyang minimithi. Naging mapaghangad ang tao na siyang nagtulak sa kanya sa kasakiman at kasamaan. Dahil sa kasakiman ay hinangad ng tao na magtagumpay sa lahat ng bagay na nais niyang makamit kahit alam niyang magbubunga ito ng masama sa kanyang kapwa at sa nakararami. At higit sa lahat ay sa Inang Kalikasan.

            Maraming bagay ang naimbento ng tao at marami sa mga iyon ang siyang sumisira sa Inang kalikasan na kung ilang libong panahon na'ng inaalagaan ng mga diwata.

            Ilang kalapit kaharian na ng mga diwata ang nagsilikas sa gubat Sabana dahil sa pagsira ng tao ng mga gubat na kanilang tinitirhan. Inakala nilang doon ay magiging ligtas na sila sa kalupitan ng tao.

            Ngunit sa pagdaraan ng panahon ay nagkaroon na rin ng atraksiyon ang gubat Sabana sa mga mata ng mga taong ganid sa kapangyarihan at kayamanan. Nagsimulang putulin ng tao ang mga punungkahoy sa paanan ng gubat. Naalarma ang mga diwata. Sila’y nagpulong at nagplano kung ano ang nararapat nilang gawin upang mapigil ang walang habas na pamumutol ng tao sa mga punongkahoy.

            “Kung magpapatuloy  ang pagpuputol ng mga puno sa paanan ng gubat ay ‘di magtatagal at aabot na sila dito sa gitna at malalagay tayong lahat sa panganib. Mawawalan tayo ng mga bahay at mawawala ang kaharian na ating naging kanlungan sa napakatagal ng panahon.” Pahayag ng pinakapuno ng mga diwatang naroroon sa pagpupulong.

            “Kailangang mapigil natin sila!” Sigaw ng isang diwata.

            “Paano?” Tanong ng marami.

            Sumagot ang pinuno ng mga diwata. “Kung kinakailangang takutin natin sila para lamang matigil sila sa pamumutol ng puno dito sa gubat Sabana ay gagawin natin. Tulung-tulong tayong lahat para sa kapakanan natin dito at ng susunod pang henerasyon ng mga diwata.”

            Mula noon ay pumapanaog na sa paanan ng gubat ang mga diwata upang takutin ang mga taong nagtatangkang putulin ang mga puno doon. Ngunit sa simula lamang natakot ang tao. Mas nanaig sa kanila ang paghahangad na magkaroon ng limpak-limpak na salapi mula sa mga trosong makukuha nila sa gubat. Nagpatuloy ang maling pagkakaingin at ang pamumutol ng mga puno sa gubat Sabana. Hanggang sa umabot na iyon sa gitna ng gubat kung saan naroron ang kaharian ng mga diwata.

            Nakakarindi ang mga sigawan at iyakan ng mga diwatang nawalan ng tirahan at mga mahal sa buhay. Kung sana’y naririnig ng tao ang mga daing at mga panaghoy ng mga diwatang dati’y payapang naninirahan sa gubat Sabana. Ang mga natirang buhay na diwata ay walang nagawa kundi ang lumikas na lamang. Ngunit isang sumpa ang iniwan ng mga diwata.

            “Darating ang araw na pagbabayaran ng tao ang kanyang kasamaan sa kalikasan. Darating ang delubyo na siyang sisingil sa kanilang kasakiman. Isang delubyo na sisira sa lahat ng nilikha ng tao, papatay sa kanya at sa kanyang mga mahal sa buhay. Babalik sa tao ang lahat ng kanyang masasamang ginawa sa Inang Kalikasan.”

            Nagpatuloy ang tao sa kanyang mga maling gawain, kasamaan at paghahangad. Nagpatuloy ang maling sistema ng pagkakaingin, ang walang habas na pagsira ng mga kagubatan, ang patuloy na paggamit ng mga mauusok na sasakyan, ang pagpapatayo ng mga pabrikang gumagamit ng mga mapanirang panggatong at iba pang kaugaliang nakasanayan ng tao kahit alam niyang nakasisira ito sa kalikasan.

            Hindi nila pinakinggan ang mga pagbabagong hinihingi ng Inang Kalikasan. Maging ang gobyerno ay nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga babala at mga senyales na nais ipakita at iparamdam ng Inang Kalikasan.

            Inakala ng tao na wala ng katapusan ang lahat. Ngunit ‘di inaasahan ng tao ang delubyong isang araw ay biglang dumating at nanalasa sa kanila. Bigla-bigla at sa isang kisapmata ay nangyari ang ‘di nila inaasahan. Biglang umulan ng malakas at walang patid. Ang kulog at kidlat ay walang habas sa pagpaparamdam sa tao ng kanyang galit. Dahil sa walang patid na pag-ulan ay mabilis na tumaas ang tubig. Nagkaroon ng landslide sa iba’t ibang bahagi ng kapatagan. Gumuho ang mga bundok at umapaw ang tubig sa mga ilog. At sa isang kisapmata ay natabunan ng tubig baha ang mga bahay. Maraming tao ang natabunan ng buhay na hindi na nagawang makalabas ng bahay upang iligtas ang kanyang sarili.

            Ang mga bus, dyip at ang mga magagarang sasakyan ng mga mayayaman ay ‘di pinaligtas ng nagngangalit at rumaragasang tubig baha.

            Walang pinili ang kalikasan, mahirap man o mayaman ay natikman ang hagupit ng walang hanggang galit ng Inang Kalikasan.

            Libu-libo ang mga namatay, nawalan ng tirahan at ng mga mahal sa buhay.

            Nagsimula ang mga sisihan at pagtuturuan ng tao kung sino ang may kasalanan at dapat sisihin sa dumating na delubyo na kumitil sa buhay ng napakaraming tao. Kahit isa ay walang umamin sa kasalanan. Dahil ang totoo, tao ang dapat sisihin sa lahat ng nangyari.

            Mahigit dalawang dekada na'ng nagbibigay ng mga babala ang mga eksperto na delubyo ang magiging epekto ng patuloy na pagsira ng tao sa kalikasan. Subalit ayaw makinig ng tao at sila’y nagkibit balikat lamang sa pag-aakalang mga maling hula lamang ito o matagal pa bago mangyayari ang sinasabi ng mga eksperto.

            Tao ang gumawa ng sarili niyang multo. Akala ng tao, ang pagsira sa kalikasan ang magbibigay sa kanya ng walang hanggang ligaya sa pagkamal ng salapi. ‘Yun pala ay iyon ang magdadala sa kanila sa walang hanggang dusa.

            Kaya kung nais ng tao na mabago ang kinabukasan niya at ng susunod pang kga henerasyon ay kailangan na niyang simulan ang pagbabago. Simulan na niya dapat ito. NGAYON!

♥ ♡ ♥ ♡ ♥ ♡ ♥ ♡ ♥ ♡ ♥ ♡ ♥ ♡ ♥

Please leave your comment and if possible vote for this short story.  Thank you for reading! O:-)

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 24, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ganti ng Inang KalikasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon