Hayaan mo akong ikwento ang isang relasyong akala ko'y perpekto. Ngunit marami nga naman ang namamatay sa maling akala. Kasalukuyan akong nasa balkonahe ng bahay, nagpapahangin dahil baka hindi ko kayanin ang sakit na bumabalik pa rin hanggang ngayon sa tuwing naaalala ko siya. Tumingin ako sa kalangitan, walang ka bituwi-bituwin akong nakita, tanging ang buwan lamang na nagbibigay saakin ng kaunting liwanag. Alam kong hapon pa sa kanila. Parang sa sitwasyon namin ngayon, nandidilim ang mundo ko samantalang siya, ang liwanag ng buhay. Ngunit sinasabi ko nalang sa sarili ko na darating din ang umaga. Darating din ang liwanag sa buhay ko. Ang buwan ngayon ang nagsilbi saaking paalala na kung gaano man kadilim ang buhay, ay mayroon paring liwanag kahit papaano.
Simulan natin sa pinakasimula kung paano ko siya nakilala. Tandang tanda ko pa, binigyan niya ako ng isang mensahe sa Instagram dahil siya raw ay namangha sa aking ginuhit. Minsan inisip ko na rin na sana hindi nalang ako nagpasalamat. Dahil sa salamat na iyon, doon nagsimula ang lahat. Nag-usap kaming magdamag at doon ko siya nakilala. Tawagin nalang natin siya sa pangalang Dan.
Si Dan ay kasalukuyang nakatira sa ibang bansa, 1.80 na metro ang tangkad, maputing maputi na namumula lamang siya at hindi umiitim kapag nabibilad sa araw, matangos ang ilong, mahabang pilik-mata at may mahiyaing ngiti. Sa una ay hindi ko siya masyadong pinapansin subalit napukaw ang aking atensiyon ng kanyang nabanggit ang isa sa paborito kong Youtuber at doon ko siya mas kinilala at nagulat nalang ako sa napakarami naming pagkakapareho.
Si Dan ay mahilig sa photography at napakaganda ng mga litratong kanyang nakukuha. Sa edad na 12 ay nagsimula siyang magpalipad ng Glyder, isang uri ng eroplano. Siya rin ay nagmomotorsiklo gamit ang lumang Yamaha 125 XV Virago. Marami akong nalaman tungkol sa kaniya sa simula pa lamang, kaya isipin mo na lamang kung gaano ko na siya kakilala ngayon.
Hiningi niya ang numero ko at mga ilang buwan din bago ko ito tuluyang binigay sa kaniya. Diyan nagsimula ang aming totoong pagkakaibigan. Sa WhatsApp kami nag-uusap at hindi siya mahilig magsulat kaya ang boses niya ang lagi kong naririnig. Kumakanta nalang siya kapag gusto niya o kaya naman ay ipaparinig saakin ang bago niyang natutunang itugtog sa piano. Napakatalento.
Umaga hanggang gabi'y, kami ay nag-uusap. Nagsimula na ang klase subalit hindi parin natigil ang aming komunikasyon. Kabisado niya na nga ang oras ng aking paggising, pagpunta sa paaralan, pag-uwi sa bahay at pagtulog dahil natutuwa raw siyang kinakausap ako. Nakakatawa nga at hindi siya nauubusan ng sasabihin.
Dalawang buwan na ang nakalipas, aking kaarawan. Akala ko nakalimutan niya ngunit naalala kong may anim na oras nga pala kaming pagitan. Tinanong niya kung kamusta ang araw ko at sinabi kong wala naman masyadong nangyari, at wala din akong handa. Hindi ko malilimutan ang kanyang voice message na nagtagal ng halos limang minuto, "Teka, pupunta lang ako sa basement at hahanapin ko yung raft namin. Papalobohin ko at magsasagwan ako ng mga 10,311 kilometro lang naman papunta sainyo at tayo ay magsiselebra ng iyong kaarawan. Darating ako diyang parang yung sa mga survival movies tapos dapat lang na pakainin mo ako at painumin ng sobrang dami!" Tawa ako ng tawa ng narinig ko iyan. Alam kong nagbibiro lamang siya subalit dahil sa kaniya ay mayroon akong kaarawan na hinding hindi ko malilimutan.
Naalala ko isang gabi, nagcamping sila sa kanilang paliparan kasama ang kanyang mga kaibigan. Hindi mawawala ang inuman at tawa nalang ako ng tawa sa kanyang mga pinagsasabi na wala nang katuturan. Doon nagsimula yung tawag ko sa kaniyang "Mellow" dahil sa tatlong dahilan, una ay kinwento niya kinabukasan kung paano nasunog ang kamay niya dahil tinapat niya ito sa apoy dahil inakala niyang marshmallow ito. Pangalawa ay dahil mahimbing ang kaniyang boses at pangatlo, dahil ang pagbanggit niya ng melon ay "melooown".
Una, unang beses ko siyang marinig na umiyak. Ikinagulat ko iyon at nagpapasalamat nalang ako at hindi pa ako tulog sa mga oras na iyon, mga alas dos na ng umaga kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa kaniya. Sa sobrang bigat ng dinadala niya, habang siya ay nagkkwento ay naiyak din ako at natawa siya. Tsaka ko lang ulit siyang narinig na tumawa at napaka laking bagay sa akin iyon dahil hindi ako marunong magcomfort. Masaya ako at gumaan gaan din ang loob niya kahit papaano. May exams pa nga ako nung araw na iyon subalit mas importante ang pagiging tissue kesa sa pagiging estudyante sa mga panahon na iyon.