Dati-rati, mayroong isang lalaking nagngangalang Benjamin. Simpleng tao lamang siya, nakatira sa bukirin sa isang kubong may dalawang palapag kasama ng kanyang asawa at dalawang babaeng anak. Nabubuhay lamang sila sa pag-aani ng kanilang sariling pagkain pagkat malayo sila sa bayan.
Ang kanyang kambal na sina Maria at Bianca ay napakalapit sa isa’t-isa, para bang puto sa dinuguuan o di naman kaya’y pandesal sa kape. Sa edad na labing-dalawa ay kinakailangan na nilang maglakad nang halos tatlong oras para lang makapagaral sa isang pampublikong paaralan na matatagpuan sa pinakamalapit na bayan, ang bayan ng San Antonio.
Samantala, ang kanyang asawa na si Larra ay nagtratrabaho lamang sa mga gawaing bahay upang matulungan si Benjamin. Nagkakilala sila sa palengke noong kabataan nila, namangha si Benjamin sa kanyang kagandahan at agad-agad niyang niligawan.
Isang araw habang nagtatrabaho si Benjamin, may narinig siya sa medyo kalayuan.
“Papa! Papa!” Sumigaw ang kambal, kaka-uwi pa lamang galing sa paaralan.
“Oh bakit, mga anak?” sabi ni Benjamin habang pinupunasan ang kanyang pawis sa pagtatanim ng mga palay.
“Papa! Magkakaroon po kami ng fieldtrip papuntang Maynila, doon daw po sa may national museum. Maari po ba kaming pumunta?” maligalig na sinabi ng kanyang mga anak.
“Magkano ba yan?” napaisip si Benjamin saglit at itinanong.
“Isang-daang piso po kada isang tao,” dali-daliang sinabi ng kambal.
“Tawagin niyo ang mama ninyo, at papapuntahin ko siya ngayon din para magtinda sa palengke ng gulay,” pangiting sinabi ni Benjamin sa kanyang mga anak. Ngunit sa kaloob-looban niya ay hindi siya sigurado kung kakayanin ba nila ang dalawang-daang piso na magagastos sa lakad na ito. Kailangan pa nila ng pambayad sa malinis na tubig na araw-araw din nilang binibili sa bayan.
Sa kahulihulihan ay nakapag-ipon naman ng sapat na pera upang mapasama sa field trip ang mga bata. Anong ligaya man ang naramdaman nila Maria at Bianca ay kitang-kita sa liwanag ng kanilang mga ngiti.
Makalipas ang ilang araw ay sumapit na ang araw ng field trip at maagang-maaga nagising ang dalawa para maghanda ng ibabaon nilang pagkain na isang takal ng kanin at tatlong pirasong kamote. Sa bilis ng kilos ay parang nahihilo na ang kanilang magulang.
“Oy, kayong dalawa, hinay-hinay lang at baka masaktan kayo,” utos ni Larra habang nakangiting pinapanood ang dalawa.
“Opo, inay!” Sigaw ni Maria.
“Paalis na po kami mama, papa,” sabi ni Bianca sabay yakap sa dalawang magulang.
Isa ito sa pinakamasayang araw sa pamilya nila, ngunit may halong lungkot dahil ito din ang unang beses na malalayo sa kanila ang kambal.
“Mag ingat kayong dalawa palagi ah!” masigasig na sinabi ni Benjamin habang akap-akap ang dalawa.
Umalis na sina Maria at Bianca at sinimulang maglakad patungo sa San Antonio upang makaabot sa bus na maghahatid sa kanila patungong Maynila. Walang problemang nakaabot ang dalawa at nagsimula na ang kanilang biyahe.
Makalipas ang ilang oras sa Maynila ay hinatid sila ng bus sa kani-kanilang mga tahanan. Ito din ang unang pagkakataon na may dumaang bus sa harap ng kanilang bahay. Wala kasing patutunguhan ang kalsada kundi isang abandonadong minahan.
“Nanay! Tatay! Nandito na po kami!” maligayang isinisigaw ng dalawa at patakbong tumuloy sa bahay nila.
“Ang dami po naming nakita doon,” sabi ni Maria.