I. Unang Hirit na Kay Ganda
“…hindi man ako maging matagumpay sa propesyong aking napili subalit sisiguraduhin kong matutupad ko ang pinakapangarap at pinakadahilan ng aking pagparito, iyon ay ang maging da bes na daddy sa aking pinakamamahal na anak.. …”
Magsisimula ang kwento sa pambobola ng dading matsing na si Go-Tsung sa kanyang anak na si Go-Yung sa itaas ng pinakamataas na gusali sa kayumangging gubat. Heart-to-heart (H2HT) ito. Bihirang masilayan sa mag-ama ang ganitong tagpo. Kung ikaw na nagbabasa nito ay hindi pa na-experience ito, you’ve missed half of your life.
“Anak, dahil sa taglay mong katalinuhan at kagandahang asal, balang araw you will be SOMEBODY”
“Anong pinagsasabi mong somebody baka bodyguard?”
Tugon ng marunong at sobrang galang na batang matsin.
“Ang lahat ng nakikita ng dalawa mong mata mula rito ay… hindi sa atin.”
Hindi pa oras para magsingit ng korning joke dahil kauumpisa lang ng kwento at heart-to-heart nga ang usapan, kaya ito talaga ang totoo.
“Ang lahat ng nakikita ng dalawa mong mata ay mapapasaiyo kung magsisikap ka at gagamitin mo ang iyong kagwapuhan.”
Isiningit lang ang “kagwapuhan” para masabing binobola nga ng tatay ang anak pero sa totoo lang ay walang kinalaman ito sa kanyang gustong sabihin sa anak.
Nagpusturang “Mr. Pogi” (parang si Jose Manalo na pumipikit-pikit pa habang kinukuskos ang sarat na ilong) ang batang matsin bago umakmang magsalita.
“Hmmm… alam kong ‘di lang ako matalino, gwappeal pa, gwapong-ma-appeal, pero Dadzki tanong ko lang, hindi ka ba sinabihan ng tatay mo ng ganyan?”
Tirada ni Go-Yung habang patuloy sa pagkiskis ng kanyang pudpod na ilong at papungay-pungay pa ang mga mata.
“Sinabihan. kaya lang hindi ko sineryoso. Kaya heto, hanggang sa puno lang ako ng saging nakalalambitin. Kung mapapasaiyo ang malawak na lupain dito sa kayumangging gubat, makaaakyat ka sa lahat ng puno na gusto mo. Pero, magagawa mo lang iyon kung magsisikap ka. Lahat din ng hindi ko naabot na pangarap, gusto ko ay ikaw ang tumupad katulad ng pag-akyat sa puno ng mansanas. Sana ikaw na ang gumawa… para rin naman ‘yun sa’yo. Idagdag mo na rin ang paglambitin sa puting gubat na sobra kong pinangarap. Sana ,magawa mo ang lahat ng ito balang araw para sa akin at para sa’yo rin naman.”
Mahaba pa ang litanya ng tatay tungkol sa mga pangarap niya sa sarili este sa anak na gusto niyang matupad. Nagpatuloy ang heart-to-heart talk hanggang sa programa ni Kuya Germs na Walang Tulugan. Sa katapusan ng masinsinang pag-uusap, animo’y nauto rin ng matanda si Go-Yung at napaniwalang magtatagumpay rin siya sa hinaharap at syempre ang pagiging matalino, magalang, gwapo at may matangos na ilong na tsonggo.
H2HT. ‘Yun na ‘yun. Kainggit noh?
Huwag mo nang hintaying ika’y maging ama pa, bago mo mapagtantong sana’y naging mabuting anak ka…
II. Maalaala Mo Kailanman
“Ikaw na nga ang binigya’t inalala, kahit walang paalala… kung makareklamo’y parang obligadong bigyan ka…”
Naghihimutok si Go-Yung pagkagising niya dahil sa malaking taghiyawat sa kanyang ilong at eye bag. Pero ang hindi niya matanggap ay nakaligtaan niyang panoorin ang paborito niyang palabas, ang Ben10 at ang Dragon Ball Z. Meron pa pala, nagteks ng GM ang ka-clan niya at hindi niya kaagad nareplayan dahil nga late na niyang nabasa ngunit kowt lang naman ang teks.