Naaalala ko pa yung pakiramdam noong isang beses kong maranasang umibig, masaya na ako sa tuwing masisilayan ko siya, yung mga ngiti niya, yung mga sulyap na nakakatunaw kahit pa alam kong hindi siya sa akin nakatitig. Napakahiwaga ng pag-ibig, para itong musika na magdadala sa'yo sa isang lugar na malabong marating ng sarili mong mga paa, kumbaga bigla ka nalang magugulat na makikita mo nalang ang sarili mo sa isang mundong ikaw at siya na lamang ang laman. Kahit pa hindi niya alam ang paghanga ko, kuntento na ako na tapusin ang araw na kilalanin siya ng patago. Nalaman kong mababaw lang ang kaligayahan niya sa tuwing makikita ko siyang nakangitisa mga simpleng bagay. Nabubuo ang araw ko sa tuwing masasalubong ko siya dahil pakiramdam ko ay sobrang posible na magkalapit kaming dalawa. Sinubukan kong magpakilala pero.. inunahan ako ng hiya na baka hindi siya interesado lalo pa't wala namang kakaiba sa pagkatao ko.
Aminado ako, minsan natatakot talaga akong sumubok na maglakas loob, pakiramdam ko kasi parang hindi ko alam ang unang salitang sasabihin ko kapag kaharap ko na siya. Hinayaan
ko na lang lumipas ang araw, nag-isip ako ng mga paraan, nagbalak akong magpapansin at umasa na kahit isang beses lang ay makuha ko ang atensyon niya. Tapos isang araw, nakita ko siyang nag-iisa, alam ko nung mga oras na iyon na pagkakataon ko na, pero habang papalapit ako sa kanya, wala na ang dating ngiti sa mga mukha niya at ang mga mata niya ay balot ng luha na unti-unting bumubura sa dating mukha niyang balot ng kaligayahan. Nadudurog ako, bawat hikbi niya ay parang tinik
na tumutusok sa puso ko, nasasaktan akong makita siyang iba sa nakasanayan ko. Wala akong magawa kundi ang samahan siya mula sa malayo, alam kong hindi ito sapat pero ito lang ang kaya ko sa ngayon.Minamasdan ko lang siya, iniisip ko nung mga oras na yun kung ano ang posibleng rason ng kalungkutan niya. Ilang oras akong naghintay na huminto siya sa pag-iyak, nagdadasal akong sana mapagod naman siya, na sana mapakinggan ko ang hinanakit niya, na sana nasa tabi niya ako para maramdaman niyang hindi siya nag-iisa, na hindi na siya mag-iisa. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para lapitan siya, nagulat nalang akong dinadala ako ng mga paa ko papunta sa direksyon niya, hanggang yun, wala ng atrasan nagkatitigan kami, mata sa mata, kinabahan ako. Nakatingin siya sa akin ng may halong pagtataka.
Ngumiti lang ako at nagulat akong sinuklian niya ito ng panandaliang ngiti kahit pa alam kong pinipilit niyang itago na nasasaktan siya. Pinabilib niya ako sa pagkatao niya, mas nakilala ko siya sa kung paano niya pagtakpan ang mga problema niya sa tuwing tatanungin ko siya, kung paano niya biglang ibinalik
ang mga ngiti niya ng ganun kabilis. Hinawakan niya ako sa mga kamay sabay sambit ng salitang salamat. Tinanong ko siya kung para saan? at sinagot niya lang ako ng isa pang ngiti at yakap. Nung mga oras na yun ay nagkaroon ako ng pag-asa. Mula nun araw-araw na kaming magkasama at magkausap pero sa tuwing magtatagpo kami ay alam kong galing nanaman siya sa kalungkutan, nakikita ko sa mga mata niya ang bakas ng mga luha.Ilang buwan ang lumipas, bigla nalang siyang nawala sa paningin ko, hindi ko siya makita sa tagpuan, hindi ko siya makita kahit saan ko pa siya hanapin. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong mas makilala pa siya.
Tapos isang araw, nilapitan ako ng isa sa mga kaibigan niya. Ikinwento niya sa akin ang dahilan ng biglaan mong pagkawala. Nagsisisi ako at nahihirapang pakinggan ang mga inakala kong kasinungalingang sinasabi ng taong madalas kong makitang kasama niya. Naiwan akong nagtatanong kung bakit mas pinili niya ilihim, kung bakit hindi niya sinabi? Sana nasabi ko man lang kung gaano siya kahalaga sa buhay ko.
Hanggang ngayon ay ginugulo parin ako ng mga alaala. Alam kong
magkikita pa ulit kami, imposible pa sa ngayon pero kapag dumating ang araw na muli ko siyang makaharap ay mas susulitin ko pa ang oras na kasama siya. Hindi ko man makita, alam kong masaya na siya, alam kong nakangiti na ulit siya..at ramdam ko.. kapag nasa lugar ako kung saan kami nagkakilala..
nandun lang din siya, buhay na buhay parin siya sa puso ko.