Simula ng isilang ikaw ang nakagisnan;
biyaya ka ng Inang Bayan na aking isinasambit.
Namumutawi sa aking bibig
ang mga baybay mong aking nakasanayan.Sa paglipas ng panahon saka lang namulat,
ang tunay mong diwa ay unti-unting naglalaho.
Balarila mong tunay at ikaw lang
tila ba ngayo'y nagbabago at minsa'y di malirip.Nasaan na ang lagablab ng iyong mga salawikain?
Ang balangkas ng iyong mga kaisipan?
Mga salitang bayanihan, dagubang, manibasib;
at marami pang iba na sadyang sa iyo lang, na tila ba nalimot na.Masakit man isipin ang katotohanan na ika'y
pangkalye o sa lansangan lamang ibinibigkas.
Laman ng mga gusali't, mga opisina maging sa paaralan ay banyagang wika.
Ang mga nakapaskil sa mga istruktura ay hindi ang iyong mga salita.Nalulungkot ako sapagkat ang pagiging matatas sayo
ay daig ng kapwa ko na ang kanyang sandata ay ang banyagang wika.
Sino ang mas may kabuluhan, sino ang mas paniniwalaan?
Hindi ang tulad ko na pinili ang iyong mga kataga.Patawarin mo kami sapagkat hindi ka namin napagyaman,
hindi ka namin naiangat sa iyong pagyabong.
Ako man ay nilamon rin ng sistema, sistemang may tanikala;
humihigpit sa bawat pagpumiglas di pa rin makawala sa pagkaalipin.Bakit tuwing Agosto ka lamang ginugunita?
Ang tunay mo bang diwa ay sadyang nalimot na ng nakararami?
Huwag naman sanang humantong sa pagtalikod sayo
at tuluyan kaming tawaging daig pa ang hayop at malansang isda.****Alam ko ang salitang Ingles ay talamak at sadyang kailangan para sa globalisasyon at pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Ngunit tangkilikin po natin ang Wikang Filipino at hindi sana ito maging pangalawang opsyon lamang. Hindi ba maaaring maging matatas tayo sa Ingles at sa sarili nating wika? Ang tunay na diwa nito ay unti-unting nawawala. Sana ay mapagyabong pa natin ito at maging daan ito sa pagkakaisa natin.