"Anak ikaw na lang ang umintindi. "
Mga salitang umaalingawngaw sa aking tenga
Mga salitang paulit ulit ipinaparating ng aking ina
Mga salitang ibig sabihin ay ikaw ang magpaubaya
Mga salitang kinalakihan ko na
Naaalala ko pa noon
Sobrang gusto kong bumili ng isang manika
Bata pa lang ako ay puro pinaglumaan lamang ang mga laruan
Ipinapasa ika nga nila
Sa sobrang gusto ko na mabili ang manika
Talagang nagtipid ako
Tipong hindi na ako nagrerecess
Iniipon kada piso na natitira sa bente pesos na baon sa eskwela
Unti unti nagkalaman ang aking alkansya
Bawat ipon ay iniisip ko ang manikang gusto ko
Bawat araw ay tunay na naglalaan para mabuo ang tatlong daang piso para sa manika
Ngunit naglaho ang pagasa
Ng minsang mabisita ang alkansya
May butas na pala
Ngunit gaya ng dati sabi ng aking ina
"Anak ikaw na lang ang umintindi"
Pinilit kong intindihin
Nagsimula ako muli hanggang sa nawalan na ako ng gana
Nabili na rin naman ang manikang aking gusto
Ang senaryong ito ay naulit ng naulit
Ang pagiipon para sa luho mang matatawag pero pinaghihirapan
Habang may kumukuha lang ng mga pinaghirapan ko
Naisip ko noon baka sakali magbago
Pero hanggang sa lumaki ako at nakatapos ng kolehiyo
Nagiipon na naman ako para sa sarilli ko
Ngunit sa pangilang beses na hindi ko na mabilang
Sinabi na naman ng aking ina
"Anak ikaw na lang ang umintindi"
Nakakabingi
Nakakaubos
Nakakapagod
Dahil nakakapanghinayang
Ang pagtatabi na lang ng pera kaysa kumain ng tanghalian
Ang mga panahong gustong gusto kong bumili dahil nagugutom na ako
Ang mga panahong sana sumama na lang ako sa mga gala ng barkada
Nakakapanghinayang
Ayoko na
Nakakapagod na
Hindi ko na kaya
Ubos na ubos na ako
Pagod na pagod na akong umunawa
Kaya bago pa maulit ng aking ina ang kanyang mga kataga
Inunahan ko na ng mga katagang
"Pagod na po akong umintindi."
"Ubos na ang aking pagintindi inay."
"Sana ngayon ako naman"
"Patawad inay."
"Pagod na po ako."
-Micky :)