Tatlong tabas ng pangarap para sa masaganang buhay. Simpleng estudyante kung maituturing, payak na pamumuhay sa probinsya, at walang masyadong problema. Ganyan kung milalarawan ang buhay ko. Simple, masaya at malayo sa mausok at magulong buhay sa siyudad.
‘Di pa sumisilip si haring araw, gising na ang aking ama upang tumungo sa bukid. Abala naman si inay sa paghahanda ng umagahan naming anim na magkakapatid. Tatlo lang kaming nag-aaral sa hirap ng buhay. ‘Di kayang sustentuhan ng itay ang pag-aralin kaming lahat, kaya pinangarap ko na kapag ako ay nakatapos, mapag-aaral ko sa isang magandang paaralan ang mga kapatid ko.
Tanaw sa bintana ng aming pawig ang mayabong bukirin na sinasaka ng aking ama; kulay berdeng kapatagan na nababalot ng malamig at makapal na hamog. Sa ‘di kalayuan, maririnig ang tilaok ng manok na nagsisilbing alarm clock ko araw-araw. Wala kaming kuryente, at gasera lang ang nagsisilbing liwanag namin sa gabi. ‘Di kasi namin kayang magbayad buwan-buwan ng kuryente. Gayun pa man, malayo man sa modernong sibilisasyon, masaya kami sa aming pamumuhay.
Umaga noon, mag-aalas-singko, nauna akong nagising sa aming magkakapatid. At kagaya ng nakaugalian, wala na sa papag ang aking mga magulang. Nakaalis na siguro ang itay, at amoy ko na ang masarap na niluluto sa kusina ni inay. Lumabas ako at nagpakain na ng manok at baboy sa bakuran, nag-inat inat, at naligo na pagkatapos.
Paglabas ng banyo ay may nakahain na sa lamesa. Nagluto si inay ng adobong kangkong. Sabay sabay kaming nag-umagahan ng aking mga kapatid. Ilang sandali pa, matapos akong makakain, ay dali dali din akong umalis. Malayo layo pa kasi ang aking lalakarain para makapasok sa iskuwela.
Tinaguyod ko ang aking pag-aaral hanggang sa abot ng aking makakaya. Nagtrabaho ako bilang assistant librarian kapalit ng libreng pag-aaral. Suma-side line ako sa pagbebenta ng kakanin, puto at suman sa hapon kasama ng aking ina sa may kabayanan.
Minana ko siguro ang aking kasipagan sa aking inay. Gabi-gabi, ‘di ko nakakalimutang magbasa ng kwento sa mga nakaababata kong kapatid bago sila matulog. Gamit ang salamin na nakabalot na lamang sa laste ang frame, patuloy kong binibigyang buhay ang istorya sa libro na nasisinagan ng ilaw ng gasera. Kahit madilim at may kalabuan na ang aking mga mata, hindi ito naging hadlang upang magampanan ko ang aking pagiging estudyante. Kahit mahirap, pinipilit kong tapusin ang bawat leksyon na aming pinag-aaraalan sa iskuwela. Iniisip ko na lamang na darating din ang araw na makaka-alpas din kami at makakatulong na din ako sa aking pamilya. Ito ang patuloy na nagbibigay lakas sa akin araw-araw.
Kahit pa salat kami sa buhay, ‘di ito naging hadlang para matapos ko ang aking pag-aaral. Pinangako ko sa sarili na balang araw, makakatikim din kami ng masaganang pamumuhay, balang araw, masusuklian ko rin ang kabaitan ng aking mga magulang.
Tatlong araw bago ang aking kaarawan, napapansin ko ang sobrang pagkahapo ng aking ama. Madalas ay ginagabi siya sa bukid, at mas maaga siyang umaalis ng aming bahay. Gayun din ang aking inay na abala naman sa pagbalot at paggawa ng kakanin na aming binebenta sa bayan. Kung dati’y hapon lamang siya naglalako, ngayon ay umaga pa lamang ay kasabay ko na siyang umaalis ng bahay.
Hapon noon, mismong araw ng aking kaarawan, habang papauwi ako galing iskuwela at papunta na sana sa bayan para tumulong sa pagbenta ng kakanin, sa hindi kalayuan, ay mayroon akong nakitang tumpukan ng tao na animo’y nakikiusyoso sa kung anong bagay. Lumapit ako at gumuho ang mundo ko sa aking nakita. Sa isang tabi, nagkalat ang mga kakanin at suman sa kalsada. Kinabahan ako at kinutuban sa aking nakita. Katabi nito ang isang babae na noon ay binubuhat na ng paramediko pasakay ng ambulansya. Dali dali akong lumapit at tiningnan na sana ay mali ang kutob ko. Pagbukas ko ng noon ay nakatalukbong na kumot, nakita ko ang aking ina, walang malay at nababalot ng dugo at saksak ang katawan.
Parang nadurog ang aking puso sa aking nakita, biglang bumuhos ang napakalas na ulan na animo’y nakisimpatya sa aking nararamdaman. Dumiretso ako sa ospital na pinagdalhan kay inay. Ilang oras ang tinagal niya sa loob ng operating room. Lumabas ang doktor at agad niya akong kinausap. Malungkot niyang ibinalita na ginawa na raw nila ang kanilang makakaya, ngunit ‘di daw ito kinaya ng aking inay. Napatulala ako sa aking narinig. Tumigil ang utak ko sa pag-iisip ng mga bagay bagay. Pakiramdam ko ay may kung anong bato ang pumukol sa aking puso. Ayokong maniwala sa aking narinig. Tumakbo ako palabas ng ospital at lumabas.
Malakas pa rin ang buhos ng ulan. Kasabay ng pagpatak ng mga luha sa aking mga pisngi, lumapit sa akin ang isang pulis at kaagad niya akong kinausap. May tumangka daw mang-agaw ng bag ni inay, ngunit lumaban daw siya at nagpumiglas, kaya siya nasaksak. Na-recover ng mga pulis ang bag ni inay. Ibinigay nila sa akin ito, at sinilip ko ang loob. Mayroon akong nakitang isang maliit na kahon na nakasulat ang aking pangalan. Sa loob nito ay isang bagong salamin na may nakalakip na liham.
Dex, mahal kong anak.
Maligayang kaarawan sa iyo. Pagpasensyahan mo na ang regalo namin ng iyong ama. Ilang buwan namin itong pinag-ipunan ng itay mo para mapalitan mo na yang luma mong salamin. Alam namin kung gaano kami kaswerte at ikaw ang binigay ng Panginoon sa amin. Mahal na mahal ka namin ng iyong ama. Magpakabait ka anak at sana ay maabot mo lahat ng mga pangarap mo.
Nagmamahal,
Nanay