Minsan sa isang mapagbadyang larangan
Sa isang lilim ng panaginip at kahungkagan;
Dito matatagpuan ang lalim ng pag-iibigan,
Tunay nga bang may milagrosong kapangitan?
Hindi malirip ng aking hunghang na isipan
Kung baga mali o tama ang kahihinatnan;
Dito ko napagtanto ang tunay na kamalian
Subalit pinilit ko pa ring ginawang katwiran.
Ang malayong pag-ibig ay minsan lang sumibol
Sa ilalim ng pihikan kong damdamin ay kumakahol!
Parang asong gala sa lansangan ng paghihimutok
Na ang lakad ay pahina’t bahag ang buntot.
Tingnan mo sa malayong silanganan at masdan
Ang umaalimpuyong hagibis ng karagatan;
Doon mo ubusin ang nag-aalimpuyong damdamin
Na kung masukat ang mundo, yun din ang sa atin.
Malayo man ang lugar sa bawat isa’y paghinga
Nararamdaman ang pag-ibig nating nadarama;
Hayun ang bituin at ang buwan ay humahalina
Huwag na nating sayangin ang oras tuwina.
Malayo ka man, malapit din ang iyong kapurihan
Na sa paglubog ng araw, dun din ang hapunan
Na kapagdaka’y tumumbas sa likas na trono
Ang hangong kagandaha’y di pa natin maituturo.
Likas nga bang ganito na sa tuwina’y parang loro?
Iikot-ikot sa hantungan ng sanga’y may maisusubo;
Aayon sa ihip ng paghinga’y naging butil ng tuwa
Ganyan din ba katunay malayong pag-ibig ng aba?