Muntik nang maulol
Sa panahong masungit
Mga ibon sa burol
Hayag ang hinananakit
Sapagkat biyaya’y naglaho
Sa tubig at bato
Hindi nagmilagro.
Hindi nagpaawat
Kahit kaunti
Hindi naampat
At walang pagngiti
Nagbabawas yata
Ng mga kaluluwa
Kakalusin ng luha.
Natuliro sa hampas
Sa habagat at amihan
At ang mga talipandas
Walang masulingan
Nadamay na tuloy
Ang mga palaboy
Nahulog din sa kumunoy!
Ngunit naglubay na
ang galit ng langit
Nagsawa na yata
Sa pagsanib ng tikatik…
Sa bubungan
sa dalampasigan
At mga kapatagan.
At napagod ding lubos
Ang mga butil
Na halos di maubos
Pagkat sutil at suwail
Na dumadapo
Sa makahiyang damo
At usbong sa ibayo.
Hinayaan na
Muling maghari
Sa gitna ng nasa
Ang kinang ng buti
At alab ng pagsalakay
Ng init ng liwayway,
Sa daigdig ng mga buhay!
Nakaantabay pa
Sa himpapawid
Ang mga ulap
Na kakalat-kalat,
At ibig magsayaw
Kapiling ang mga uhaw
Na kaluluwang ligaw.
Nakaungos ng mainam
Ang hiwaga
At misteryong makinang
Sa pagkakadapa
Nagpilit tumayo
Sa ibabaw ng mundo
Pati sa impiyerno!
Bukas ng umaga
Lilikwad ang buwan
Upang makasama
Kahit sa kaliwanagan
Ang titig at tingin,
Ng mapusyaw na hangin
Sa nangangakong bukirin!
Sa gabi maghahari
Ang araw na pinuno,
At ang bahaghari
Sabik na uupo
Sa mga tala at bituin
Na siyang iibigin
At kakatalikin!
Hindi na malulunod
Sa lakas ng hidwang sigalot
At hindi mauulila sa anod
Ang rosas at talulot
Pagkat lupit, nalalaos
Dusa’y nauubos
Natatapos ang unos!