Kagawaran ng Pagbabagong Buhay

50 0 0
                                    

Kagawaran ng Pagbabagong Buhay

Halos hatinggabi nang tumungtong ang pusa sa pridyider upang hulihin ang isang paru-parong nakapasok sa loob ng bahay. Nasagi ng padambang pusa ang isang plastik na saging na nahulog naman sa isang kahoy na lamesita. Dali-daling nagising si G. Benjamin Caparas mula sa kwarto nito, tumayo, nagtatalon at nag-umpisang magpagpag ng sarili: sa kanyang mga braso, dibdib, leeg, magkabilang hita, at kung saan-saan pa, habang paulit-ulit na nagsisisigaw ng Nay! Nay! Nay!

Sa kanyang bagong gising na utak, nagparamdam ang mga epekto ng pagkamanhid bilang ilang libong pulang langgam na nangangagat at nagsusumiksik sa ilalim ng lahat ng sulok ng kanyang balat. Apnea na naman ba? Nangamba siyang baka hindi lang paghinga ngunit baka pati pagtibok ng kanyang puso ay tumitigil na rin habang siya ay natutulog. Lumabas siya ng kwarto, nagbukas ng ilaw at kumuha ng isang tipak ng yelo mula sa pridyider at pinahid ito sa dibdib. Naupo siya sa sofa at huminga nang malalim. Parang kay bagal pa rin ng kanyang paghinga at hindi mapuno-puno ng hangin ang mga baga, na parang di pantay ang paglanghap at pagbuga ng magkabilang gilid nito. Kung mayroon pa rin sana siyang alarm and monitoring kit ay may gigising sa kanya bago pa man mamanhid ang buong katawan. Hindi na niya ito naisip na ipaayos dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa pag-aakalang tuluyan nang nawala ang kanyang sakit. Ngunit dahil pang-sampung beses na itong nangyari sa kanya ngayong nakaraang dalawang linggo, alam niyang naabutan na naman siya ng dating karamdaman, ang sakit niya noong kahit hindi pa man siya si G. Benjamin Caparas.

Pumuwesto ang pusa sa tabi niya at nahiga. Pinagmasdan lang niya ito, itim na dating pusang kalye, ang bumulabog sa kanya, pasasalamatan ba niya ito o ibabalibag? Minsan ay naisip na niyang isang beses ay hindi na lang siya magigising. Kaya’t importanteng maaga siyang mabigyan ng pahintulot ngayon ng putang-inang direktor. Tiningnan muli niya ang pusa at pagkatapos ay bahagya siyang lumayo sa pagkakaupo. Sinong makakaalam kung gaano karumi ang mga balahibo nito o kung saang sulok ito nagliwaliw? Pagkaraan ng ilang minuto ay natulog na ang dalawa, una ang pusa at pagkatapos ay siya naman.

Dahil sa isang pagpupulong, makapananghali na nang dumating ang bagong direktor ng kagawaran na si Dr. Pangilinan. Bago pumasok sa kanyang opisina, sinilip nito sa waiting room ang ilang aplikanteng nasa huling bahagi na ng mga pagsusuri. Iilang lalake at babae at lahat nakasuot ng pormal. Napansin nito ang isang lalaking mahigit sa sisenta’y singkong taong gulang, maitim, payat. Nakaupo ito sa may dulo ng kwarto, malayo sa ibang aplikante, katabi ang aquarium. Kakatwa. Takaw-pansin, sa sandaling pagtingin lang ay maiisip na eksaherado ang paghinga nito habang masyadong tuwid naman ang pag-upo. Kung hindi siya nagkakamali ay ito na si Benjamin Caparas. Naumpisahan na niyang basahin ang file nito kamakailan; ito ang dating si Rodrigo Carandang. Na dating si Mario Torrevilla. Na dating si Angelo Sy. May kung anong mali sa taong iyon, naisip niya at kahit anuman ang sabihin ng kanyang mga resulta sa psychological test, hindi ko na siya papayagan ngayon. Marunong lamang itong mandaya, marahil.

Sa loob ng kanyang opisina, pinindot niya ang buton upang kausapin ang kanyang sekretarya. “Huwag ka munang magpapasok, Jenny. May babasahin pa akong ilang dokumento rito.” Samakatuwid, iyung si Angelo Sy ang isa sa mga unang naging kliyente ng Kagawaran ng Pagbabagong Buhay dalawamput’t-limang taon na ang nakakaraan. Noong mga panahong iyon, puro lamang mga kriminal na nakabuno na ng kanilang mga sintensya at mga testigo sa mga kasong kriminal na nanganganib ang buhay ang nangangailangan ng tulong ng Departamento nila. Isang mayamang high-profile witness dati laban sa isang politiko itong si Sy. Ngayon, isa na lamang siyang adik na hindi marunong gumawa ng sariling pamilya at bumibili na lamang ng mga bagong buhay. Pero dahil ito marahil sa kakulangan ng mga lumang direktor, marahil ay dahil sa mga suhol. Puwes, kaya siya itinalaga sa posisyong ito ay upang siguraduhin hindi nasasayang ang mga ginagawa ng gobyerno.

Pagkarating sa kanyang mesa, binuksan ni Dr. Pangilinan ang monitor program sa kanyang computer. May walong kwartong ginaganapan ng mga interbyu ngunit isa lang ang kasalukuyang okupado. Nasa loob ang tagapanayam at isang babaeng marahil ay trenta taong gulang, may mahabang buhok, nakasuot ng itim na jacket.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 04, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Kagawaran ng Pagbabagong BuhayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon